Miyerkules, Pebrero 1, 2017

Halimbawa ng Sanaysay - Pasalaysay

Halimbawa ng Sanaysay - Pasalaysay
Ligaw Tingin
Allan A. Ortiz

(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan  sa awtor G. Allan A. Ortiz allanalmosaortiz@gmail.com)



Masarap ang umibig at ibigin. Tila nababalot ang paligid nang makikinang at makukulay na bagay kapag ang puso mo ay tumitibok dahil sa pag-ibig. Ganito ang nararamdaman kapag ang iyong minamahal at waring may pagtingin din sa iyo. Naroon na nangangarap ka na sana ipagtapat niyang may pagtingin din siya sa iyo. Subalit ang lahat ay naglalaho nang malaman mong ang iyong pinapangarap na pagmamahal ay biglang maglalaho. Ang pangarap mo ay guguho at magdadala sa iyo ng matinding kalungkutan.
                Kagaya ng nakararami, isa lang akong ordinaryong estudyante sa isang pampublikong paaralan. Sa karamihan, hindi ako mapapansin dahil sa simple kong katangian--  tahimik at palakaibigan.
                Isang tanghali noon nang lahat ng panghapong mag-aaral ay naghihintay sa quadrangle upang hintayin ang paglabas ng mga pang-umaga. Bilad sa init, kasama ko ang aking ilang kamag-aaral sa ilalim ng isang puno habang naghihintay. Maraming mga estudyante noon, naghahabulan, nakikipagkuwentuhan sa iba pang estudyante, kapwa ko ring naghihintay at iba ay nag-aaral. Sa aking pananahimik ay nabaling ang aking pansin sa isang ka-batch sa isang lilim ng puno kasama ang kanyang mga kaklase. Nagtama ang aming mga mata, at hindi ko napansin na medyo nagtagal ang pagtingin namin sa isa’t isa. Nang maibalik ko ang aking sarili, ibinaling ko sa iba ang tingin. Gayun din ang akin napansin sa kanya. Nahiya ako dahil ang isang kagaya kong ordinaryong mag-aaral ay mapapansin ng ibang binata na may magandang tindig, maamong mukha at hinahanggaan ng kababaihan sa buong paaralan. Muli kong ibinaling ang tingin sa kanya, at laking gulat ko na ganoon din siya. Tila naghahabulan kami ng tingin at kapag napansin ang isa’t isa ay iiwas ang tingin sa iba upang hindi mahalata. Dumating ang oras na kailangan na naming umakyat sa aming mga silid. Ibinaling kong muli ang aking pansin sa kinaroronan niya. Nagulat ako dahil wala na siya sa kanyang kinauupuan. Hinanap ko siya habang ang iba kong mga kamag-aaral ay nakikipagsabayan at nakikipagsiksikan sa pagpasok sa pasilyo ng gusali. Nalungkot ako dahil wala na siya. Bigla akong kinabahan at nagulat nang nakatayo lang pala siya sa gilid at pinagmamasdan akong palinga-linga. Nahiya ako dahil nahalata niyang hinahanap ko siya. Kahit napahiya, may kilig sa aking puso dahil nang nahuli niya ako ay nakangiti siya sa akin.
                Kakaibang damdamin ang aking naramdaman sa mga sandaling iyon. Punong-puno ng kasiyahan ang puso ko. Ang kabog ng aking dibdib ay nag-iba dahil sa mga nangyari. Nagkaroon ng kakaibang sigla at kahulugan ang aking buhay estudyante. Nasasabik akong pumasok dahil hangad kong magkita kaming muli. Hindi nga ako nagkamali. Sa mga sumunod na araw ay lagi siyang nauupo sa lugar kung saan ko siya nakita. Natutulala ako kapag nakikita ko siya. Ang mga sulyap namin sa isa’t isa ay nagkaroon nang kahulugan. Kasama ng kanyang matamis na ngiti ang kanyang pagtingin sa akin na kapag nakikita ko ay umiiwas ako ngunit nasaloob ang kilig at saya. Ang mga lumipas na araw ay nagpatuloy sa ganoong kalagayan na humantong sa mga ligaw-tingin.
                Lumago ang damdamin ko para sa kanya nang magkasama kami sa isang club sa paaralan. Naramdaman ko na may pagtingin siya sa akin nang ninais niyang ayusin ang schedule niya upang makasama ako sa duty sa aming club. Ngunit hindi nagtugma. Laking panghihinayang ko pero kahit ganoon ang nangyari may ligayang nakukubli sa puso ko. Sa mga kilos niyang iyon, tiyak na may pagtingin rin siya sa akin.
                Lumipas pa ang maraming araw at linggo, napansin kong nagagawi siya at ang kanyang mga kaibigan sa aming gusali. Hinahayaan ko lamang siya at natutuwa ako kapag nasisilayan ko siya. Ngunit ikinukubli ko ang aking nadarama dahil ilan sa mga kaklase ko ay humahanga rin sa kanya. Nagkakagulo ang pasilyo kapag dumaraan sila. Akala mo may artistang dumaraan at kulang na lamang na sabitan mo ng sampaguita. Nagbigla na lamang ako nang tumigil siya sa bintana ng aming silid kasama ang kanyang mga kaklase. Makikita sa kanyang mga mata ang kaligayahan nang makita niya ako. Siyempre hindi ako nagpapahalalata. Nagawa pa niyang ituro ako sa kanyang mga kasama ngunit nagsawalang kibo lamang ako. Natiyak ko sa sarili ko na kaya sila nagagawi sa aming gusali ay may hinahanap siya; hinahanap ako. Nakakakilig!
                JS Prom noon at nagkasama kaming muli sa pag-oorganisa ng programa. Pinili ako ng aking guro na makasama ng iba pang mag-aral para rito. Hindi ko inaasahan na magtatagpo kaming muli. Ang kaba sa puso ko ay hindi ko maipaliwanag pero ang ngiti sa aking mga labi ay hindi ko maikubli. Dito, kami pormal na pinakilala ng aking guro. Parang gusto kong himatayin nang kami’y magkamay. Naroon ang hiya sa akin dahil nahawakan niya ang aking magaspang na kamay. Ang lambot ng kanyang mga kamay. Ang ngiti sa kanyang mga labi ay parang pulot na nagpapatamis sa aking buhay. Para akong nalalasing sa kaligayahan sa mga sumandaling iyon. Lumilipad ako sa alapaap sa bawat sandali na siya ay lumalapit at tunatabi sa akin. Ngunit di ako kailangang magpahalata. Ako naman ang umiiwas.
                Nasa ikaapat na taon na kami. Patuloy pa rin ang aking pananabik na makita siya. Siya ang naging insperasyon ko upang pagbutihin ang aking pag-aaral. Ngunit ang mga sandali at pagkakataon na dumating sa akin noon ay aking pinanghinayangan nang makita ko na may nililigawan na siyang iba. Masakit sa kalooban. Nanikip ang dibdib at nag-iba ang aking pakiramdama. Gusto kong magalit pero bakit ako magagalit? Nalungkot ako nang mga oras na iyon at napansin ng aking mga kaibigan ang kakaibang kinilos ko. Ninais kong mapag-isa. Hayaang maramdaman ang kamandang at pait ng pag-ibig. Hindi ko matanggap ang panliligaw niya sa iba. Tumayo ako at nagdesisyong umuwi na. Sumabay ang panahon sa aking kalooban. Ang mainit na panahon ay kumulimlim at sumabay pagbuhos ng ulan.

                Malaki ang panghihinayang ko. Sana ako iyon. Sana ako ang kasama niya. Sana ako na lang.
                Isang araw, naglalakad ako sa corridor papunta sa canteen. Sa kalayuan natanaw ko siya na pasalubong sa akin. Kailangan kong magpakatatag. Nagtuloy lamang ako sa aking paglakad. Pinilit kong diretso lamang ang tingin at ipakita sa kanya na hindi ako apektado. Habang papalapit kami sa isa’t isa, siya ang bumigay, Hindi niya ako magawang tingnan. Iniwas niya ang kanyang tingin sa akin. Naramdaman kong nahihiya siya. Nang makalampas siya, sinabi ko sa sariliko... "Paalam, aking mahal." 

                “O pagsintang labis na makapangyarihan… pag nasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Tunay na makapangyarihan ang pag-ibig. Nagagawa kang paligayahin nito ngunit kaya rin nitong ipadama sa iyo ang kapighatian. Tayo ang may hawak ng ating kapalaran sa pag-ibig. Wala akong pinagsisisihan sa mga nangyari. Nagpapasalamat ako dahil sa mga panahong iyon naranasan ko ang umibig. Hindi pa iyon ang tamang panahon. Darating rin ang panahon na darating ang tamang pag-ibig na para sa akin.