Lunes, Enero 16, 2023

Pagsasaalaysay - Kasanayan sa Pagsulat

 

Pagsasalaysay

 

            Mahalagang kasanayan sa pag-aaral ng wika ang pagsulat ng komposisyon. Kinababakasan ito ng sunud-sunod na binalangklas na aralin mula sa pagpapayaman ng talasalitaan hanggang sa malikhaing pagsulat ng katha. Kasama na rin ditto ang pag-aaral ng mga gamit ng mga bahagi ng panalita, pagbasa, kathang pasalita at kathang pasulat. Dapat na ang katha’y likas na bunga ng ginawang pagtalakay sa isang tanging paksa. Dapat ito’y maging isang kawili-wiling gawaing nasasalig sa mga makabuluhang paksa na puno ng kawilihan dahil sa nasasaklaw ito ng mga karanasan. Bunga ito ng mabisang pagpapahayag ng mga pansariling kaisipan at kuru-kuro.

            Sa pagsulat ng  katha, hindi lamang ang mga gamit ng iba’t ibang bahagi ng panalita o ng pagbubuo ng iba’t ibang uri ng pangungusap ayon sa gamit o kayarian o ng apat na uri ng pagpapahayag na pasalaysay, paglalarawan, paglalahad, pangangatwiran, ang isinasaalang-alang kundi pati palatinikan, pagbabaybayan at palagitlingan.

            Sumasaklaw sa pagsasanay sa wika na nahihinggil sa pagpapahayag ng mga hinagap o ideya sa wastong anyo ng pagpapabatid na tinatanggap sa paggamit na pasulat ang pagsulat ng komposisyon. Dapat balakin at iayon ang pagsulat ng katha sa pagkakasunud-sunod upang matagpuan ang kagyat na pangangailangan sa pagsasanay tungo sa pagsulat ng kathang porama. Kung wasto na ang pagkakaalam at pagkakapagsanay sa pagsulat sa simula pa lamang, tiyak na magiging malinaw at magaang na sa mag-aaral ang kasanayan at kakayahan sa pagsulat.

 

Katuturan:

 

  1. Pagsasalaysay ay isang pagpapahayag na nagsasaad kung kailan, saan at paano naganap ang pangyayari.
  2. Isa itong pasalaysay na ang hangari’y mag-ugnay sa mga kalagayang bumubuo ng isang pangyayari.
  3. nagsasalaysay ito ng mga pangyayari sa maayos na pagkakasunud-sunod.

 

Sangkap ng Pagsasalaysay

 

  1. Nilalaman o Panlaman
    1. may itinuro
    2. kailangang may ipinapabatid
    3. nagbibigay-kaalaman
    4. mapapakinabangang kaalaman
  2. Pananalita

May kabisaan ang isang pagpapahayg kung nagattaglay ang pananalita ng:

    1. kagandahan upang kalugdan
    2. kalinawan upang madaling maunawaan
    3. kapamitagan upang madaling paniwalaan

 

Mga Dapat Tandaan

 

  1. Kaisahan – matatamo lamang ito kung ang lahat ng sangkap ng pangungusap o talataan ay nahihinggil lamang sa iisang paksa.
  2. Kaugnayan – Matatamo ang kalinawan ng isang akda o talataan kung may magkakaugnay na diwa ito tungkol sa paksa.
  3. Kawilihan – layunin nito na mabigyang-kasiyahan at maakit ang kawilihan ng sino mang babasa o makikinig
  4. Diin – mahalagang bagay ito sa pagsulat sa talataan sapagkat nakikitang kapamitagan ng ideya o kaisipan, pangyayari o ano mang mahalagang bagay na dapat bigyang-diin sa isang talataan.

 

Linggo, Disyembre 18, 2022

Antas ng Wika

 

Antas ng Wika

Ang salitang tinukoy ay isa lamang antas ng wikang Filipino. Nagkakaroon ng antas o pagbabago ng salita dahil sa panahon, lugar, o pagkakataon sa pagkakagammit.

Apat na pamantayan ng wika ayon sa sosyo-edukasyonal na pangkat na ginagamitan ng wika:

1. Balbal (slang) ang pinakamababa. Kasama rito ang barbarismo at kusupsyon sa tunog at kahulugan. Mga salitang nalikha at ginagamit sa mga lansangan.

Halimbawa:

Ihaw, bebot, praning, yosi

 

Nagkaroon ng kategorisasyon ng mga salitang ginagamit ng kabataan na masasabing nasa ilalim ng salitang balbal (Pebrero 23, 1995)

  Binaliktad ang kategorisasyong ito ay may layong bumuo ng sariling bokabularyo.

Halimbawa:

     gat-bi – bigat astig – tigas

     todits – dito       erap - pare

  Nilikha ang kategorisasyon ay walang tiyak na pinagmulan. Karaniwan itong maririnig kung kani-kanino at kung saan-saan.

Halimbawa

     paeklat – maarte

     hanep – paghanga

     espi – esposo o asawang lalaki

  Pinaghalo-halo  ang kategorisasyong ito ay pinagsama-samang salita at /o pantig ng salitang Ingles at Filipino.

Halimbawa:

     In-nai-in - naaayon

     kilig to the bones – paghanga

  Iningles  ang kategorisasyong ito ng mga salita ay puro Ingles ngunit naiiba ang kahulugan.

Halimbawa:

Jinx – malas

Weird – pambihira

Yes, yes, yo – pagsang-ayon

  Dinaglat ang kategorisasyong ito ay binubuo ng mga letra ng mga salita o pariralang pinaikli.

Halimbawa:

     SMB – Style Mo Bulok

     MU – Mutual Understanding

     ITALY – I Trust and Love You

  Hinango sa salitang katutubo – mga salitang pinagmulan ay wikain ng katutubo

Halimbawa:

gurang – (Bikol, Bisaya) – matanda

utol (Bisaya) – kapatid

buwang (Bisaya) – luko-luko

pabarabarabay (Tagalog) – paharang-harang

  Hinango sa wikang banyaga – ang salita ay nagmula sa mga salita sa banyaga

Halimbawa:

tisoy, tisay (Espanyol: mestizo, mestizo)

tsimay, tsimoy (Espanyol: muchacha, muchacho)

kosa (Russian Mafia: Cosa Nostra0

sikyo ( Ingles: Security guard)

orig (Ingles: original)

sisiw (Ingles: chicks)

toma (Espanyol: tomar) inom

  Pagsasalarawan o Pagsasakatangian – pagtukoy sa isang bagay na inuugnay batay sa paglalarawan o katangian nito.

Halimbawa:

     yoyo- (relo dahil hugs yoyo)

     lagay – (tong ay inilalagay o isinisingit para hindi    

             halata ang pagbibigay)

     basag durog (dahil nawawala sa sariling isip kapag

             nakadroga)

 

  Gay Lingo o Bekimon – ang kategorisasyong ito ay mga salitang giinagamit ng mga bading sa lipunan na ginagamit na rin sa karaniiwang pakikipagtalastasan. Binuo ito sa pamamagitan ng pag-uugnay ng salita sa isang bagay, sikat na tao, o nilalandian lamang ang pagbigkas.

Halimbawa:

chaka – ang orihinal na salita ay “Chanak” mula sa pelikulang “Tiyanak.” Bago pa itto nauso ginagamit na ekspresyon ng mga bading ang “Baby ni Janice” na diyalogo mismo sa nasabing pelikula upang ituro ang isang pangit na tao. Sa paglipas ng panahon dahil sa naging sikat ang pelikulang “Chuckie” na isang pangit na manika dito na iniugnay ang salita.

     ganetch – ganito, pinalanding pagbigkas

Sincha o Cynthia – nauso nang naging artista sa ating bansa si Cynthia Luster. Dahil sa magkatunog ang Sino siya? At Cynthia at kasagsagan ng kasikanatn ng artista kaya ito ginamit ng mga bading. Di nagtagal ay naging Sinetch Itey na nilandian na ang pagbigkas.

 

 

2. Lalawiganin – Ang mataas–taas ngunit ukol sa isang pook lamang at sa katunayan ay isang diyalekto sa loob ng isang wika.

Halimbawa:

     ibad – negra   uyab - kasintahan

     gamay- maliit

 

Tinatawag din itong dayalek na nakikilala hindi lamang sa pagkakaroon nito ng set ng mga distinct na bokabularyo kundi maging sa punto o tono at sa istraktura ng pangungusap. Pansinin na lamang natin ang pananagalog ng mga naninirahan sa iba’t ibang lugar na gumagamit ng isang wika. Isang wika ang Tagalog, pero iba’t iba dayalek ito. Nariyan ang Tagalog-Cavite, Tagalog-Batangas, Tagalog-Manila, Tagalog- Quezon, Tagalog-Bulakan at iba pa.

Katulad ng sa Tagalog, may barayti rin ang Ifugao ng Amganad, Batad at Kianan; ang Subanon ng Tuboy-Salog, Siocon, Lapuyan at Sindangan; ang Blaan ng Koronadal at Sarangani; at ng marami pa pang ibang dayalekto.

Samadaling sabi, ang dayalek ang wikang pekulyar o katangi-tangi sa isang lugar o rehiyon, kasama ang punto, bokabularyo, o pagkakabuo ng mga salita.

Halimbawa:

Ala eh! ng Batangas

 

3. Kolokyal – ang anyo ng wika na ginagamit sa mga impormal na usapan. Kasama sa ganitong anyo ng wika ang lokal na idyoma, balbal, o pinaikling pahayag na ginagamit sa isang partikular na pangkat ng tao. mga pang araw-araw na salita na ginagamit sa pagkakataong impormal at maaaring may kagaspangan nang kaunti ang mga salitang ito ngunit maaari  rin itong maging repinado ayon sa kung sino ang nagsasalita  nito.

Ang mga pagpapaikli ng isa, dalawa o mahigit pang salita ay mauuri rin sa antas n ito.

 

Halimbawa:

nasa’n (nasaan),     pa’no (paano),

sa’kin (sa akin),    sa’yo (sa iyo),

kelan (kalian),      meron (mayroon)

 

Sa pag-aaral ng wika, may kinalamman ang llipunan sa pag-unlad ng wikang Filipino. Sosyolek ang makauri o makapangkat na paggamit ng wika. Bawat tao ay may uri, grupo o antas na kinabibilangan. Ang pagpapangkat ay maaaring ibatay sa pagkakapareho ng trabaho, antas ng edukasyon, uri ng pamumuhay, grupong kinaaaniban o kahit ang laki o baba ng sweldo. Halimbawa, madalas na may taong halong Ingles yaong mga nakatuntong sa kolehiyo. Kakaiba at masasabing napakamalikhain naman ang lengguwahe ng mga bading. Iba ang bolabukaryo ng mga istambay sa kanto kaysa sa doktor.

  Makikilala ang iba’t ibang barayti nito sa pagkakaroon ng kakaibang rehistro na tangi sa pangkat na gumagamit ng wika. Pansinin kung paanong inilalantad ng rehistro ng mga sumusunod na pahayag ang pinagmulan ng mga ito:

a. Wiz ko feel ang mga hombre ditech, day!
b. Wow pare, ang tindi ng tama ko! Heaven!
c. Kosa, pupuga na tayo mamaya.
d. Girl, bukas na lang tayo maglayb . Mag-malling muna tayo ngayon.
e. Pare, punta tayo mamaya sa Mega. Me jamming dun, e.

  Ang sosyolek ay maaari ring may okupasyunal na rehistro. Pansinin ang mga sumusunod na termino. Kung maririnig mo ang mga ito sa isang taong hindi mo kilala, ano ang agad mong iisiping trabaho niya?

hearing, exhibit, court,
pleading, fiscal, justice,
settlement, appeal, complainant

  Ang mga salitang nakatala sa itaas ay mga legal jargon. Ang jargon ang mga tanging bokabularyo ng isang partikular na pangkat ng gawain.

  Ang mga sumusunod naman ay mga jargon sa disiplinang Accountancy at iba pang kaugnay na disiplina:

account, balance, net income,
debit, revenue, asset,
credit, gross income. cash flow

  Sa disiplinang Medisina at Nursing naman ay gamitin ang mga sumusunod:

diagnosis, therapy, prognosis,
symptom, emergency, patient
check up, ward,  x-ray

  Kung minsan, ang mga jargon ng isang larangan ay may kakaibang kahulugan sa karaniwan o sa ibang larangan. Pansinin ang mga sumusunod na salitang gamitin sa isports na tennis at kung paano naiiba ang kahulugan ng mga ito sa karaniwan:

ace, fault, love,
breakpoint, deuce, rally,
slice, advantage, service

 

  Pansinin naman na ang mga sumusunod na terminolohiya ay may magkaibang kahulugan o rehistro sa larangang nasa boob ng panaklong:

  mouse (Computer, Zoology)
stress (Language, Psychology)
strike (Sports, Labor Law)
hardware (Business, Computer)
race (Sports, Sociology)
nursery (Agriculture, Education)
operation (Medicine, Military)
note (Music, Banking)
accent (Language, Interior Design)
server (Computer, Restaurant Management)

  ETNOLEK nadedebelop mula sa mga salita ng mga etnolonggwistikong grupo. 

  EKOLEK kadalasang mula o sinasalita sa loob ng bahay. 

  PIDGIN wikang walang pormal na estruktura. 

Halimbawa: Ikaw bili isda. Naku, ako lugi negosyo.

Ang isang Intsik ay na di maalam sa wikang Pilipino ay bumubuo ng pangungusap batay sa alam lamang nitong salita.

  REJISTER wikang espesyalisadong nagagamit sa isang partikular na domeyn.

Halimbawa:

Mga partikular na propesyunal na gumagamit ng kanilang wika sa termino. Halimbawa mga doktor, arkitekto etc.

  CREOLE nadedebelop ang pormal na estruktura mula sa Pidgin na naging native sa isang partikular na lugar.

Hallimbawa: Chavakano. Mula sa wikang Kastila na nakasanayang gammitin at kalaunan ay kinilalanng native sa Zambuanga na tinawag na Chavakano.

 

4. Ang Pamantayang Pangwika o Pormal – Ito ang pahayag na pinakamahusay at pinakamatayog na pamantayan sa paggamit ng wika ng isang bansa. Naririto ang katangiang pambansa at karangalang pambansa, gaya rin ng pambansang pilosopiya at sikolohiya sa tuktok ng kagalingan.

  Idyolek – ang indibidwal na paggamit ng isang tao sa kanyang wika. Partikular ito sa kanyang sarili.

     Halimbawa:

     May taong gumagamit nng siya sa halip na ito; may laging nagsisimula sa bale o actually; may iba namang mura ang itinutumbas sa tuldok.

Ang mga kilalang personalidad ay may tatak na pagbigkas ng salita maging ang paggamit ng salita.

Halimbawa:

Si Mike Enriquez, Kris Aquino, Zenaida Seva, Noli de Castro atbp.

http://www.academia.edu/6001666/Antas_ng_Wika

http://www.slideshare.net/jessicavduque/antas-ng-wika-28063693

https://www.wattpad.com/55905648-komunikasyon-sa-akademikong-filipino-varayti-ng

http://tagaloglang.com/Basic-Tagalog/Ano-ang/mga-uri-ng-barayti-ng-wika.html

Ortiz, Allan A. (2015) Wikang Sarili 7. Abiva Publishing House, Inc. Quezon City

 

Linggo, Pebrero 6, 2022

Marunong Nga Ba Akong Umibig?

Marunong nga ba akong umibig?  


 

                Kagabi, dumalo ako sa burol ng isang kaibigan. Nagsimula na ang eulogy para sa yumao. Napakinggan ko ang magagandang salaysay ng mga malalapit na kaibigan ni Kuya Danny, asawa ni Tita Joenel. Habang pinakikinggan ko ang mga masasaya at nakatatawang kuwento ng mga kaibigan, naglalaro sa aking hiraya, ang mga paglalarawan ng buhay ng yumao. Nabuo rin sa aking isipan ang mga bagay-bagay patungkol sa aking buhay. Isa kasi aking napakinggan ay mga kasamahan sa trabaho na malapit pa rin sila sa isa’t isa gayong wala na roon si Kuya Danny sa dati nitong kompanyang pinaglilingkuran. Natanong ko sa aking sarili, naging mabuti ba akong kaibigan o katrabaho?

                May mga sandalling may nakakatampuhan sa trabaho o hindi napagkakasunduan. Nariyan na pinag-iinitan o ipinararamdam na mas mataas sila sa iyo at ikaw ay baguhan lamang. Noon, masasabi ko hindi ko kinikimkim ang mga ganitong sitwasyon sa buhay ko. Subalit sa paglipas ng panahon natutuhan mong tandan ang mga taong gumawa ng hindi maganda sa iyo. Upang hindi ka na muli abusuhin sa kabaitang ipinakikita mo sa kanila. Hanggang may mga pagkakataong tila hindi mo na kayang magpatawad. May galit sa puso mo. Nais mong maghiganto o kaya lumaban. Sa ganitong pangyayari naging mabuti ba ako sa kanila?

                Sinasaad sa 1 Corinthians 1: 4-5, “Love is patient, love is kind. It does not envy, it does not boast, it is not proud. It does not dishonor others, it is not self-seeking, it is not easily angered, it keeps no record of wrong.”  Saglit, it keeps no record of wrong, paano ‘yun? Tila ang hirap kalimutan ang mga ginawang masama sa iyo ng ibang tao na nagdulot sa iyo ng paghihirap at kapighatian ng kalooban at maging pagod sa isipan.  Sinabi na dapat maghari ang pag-ibig, ngunit nasaan ang pag-ibig nang ako’y gawan ng masama ng ibang tao?

                Sa bawat katanungang ibinabato ko sa aking sarili, lahat ng ito ay bumabalik din sa isang tanong, marunong ba akong magmahal? Tunay ba akong umiibig? Sumagi ang lahat ng ito sa akin at isa lamang ang ibinubulong sa akin, ang pagiging makasarili. Makasarili ako kung iniisip ko palagi ang aking sarili. Makasarili dahil nais na ikaw lamang ang tatanggap at ipinagdaramot mo ang iyong pagmamahal, kakayanan at panahon sa iba.

                Nang magsalita si Tita Joenel, nasabi niya na si Kuya Danny ay nagtanim ng mabuting binhi at ang bunga ay ang kanyang mabubuting anak at mabubuting kaibigan na nagmamahal sa kanya. Wala kasing masamang tinapay kay Kuya Danny, naringgan ko sa isang malapit niyang kabigan at napatunayan ko rin ito nang magkakilala kami sa simbahan. Natanong ko muli ang aking sarili, nagtanim ba ako ng mabuting binhi sa ibang tao?

                Minsan, hindi ako nauunawaan ng ibang kasamahan ko sa trabaho. Iba raw ako mag-isip. Alam ko rin naming may nasasabi silang di magaganda sa akin kahit di nila sabihin dahil nararamdaman ko sa kanilang kilos at tingin. Bilang isang Kristiyano, nang magkaroon ako ng relasyon kay Cristo, namulat ako sa kamalian ng mundo. Mga maling paniniwala, pananaw, pilosopiya at katuruan na nagdulot sa akin ng pag-iiba ng pananaw at kilos na hindi maunawaan ng iba. Parang isda na lumalangoy sa agos ng tubig subalit ikaw ay hindi sumasabay at lumalangoy  kabilang direksyon kung saan lahat ay sama-sama at ikaw ay naiiba.

                Binalikan kong muli ang aking buhay habang patapos na ang eulogy, at naalala ko si Hesus na tapat na umiibig. Sabihin mang Anak Siya ng Diyos subalit tandan nating naging tao Siya para sa atin. Ibinigay ng Diyos Ama ang Kanyang Anak para iligtas tayo sa kasalana at kamatayan. Si Hesus ang nagging modelo natin pagdating sa pamumuhay dito sa mundo lalo na sa konsepto ng pag-ibig. Ginawan siya ng masama ng iba, pinahirapan, kinutya, at ipinako sa krus subalit nagawa Niyang magpatawad. Ito ay dahil sa dakila Niyang pag-ibig sa atin. Kaya ko ba iyon?

                Mahirap gawin ang ipinamalas ni Hesus, bakit? Dahil itinuro ng mundo ang maling konsepto ng pag-ibig. Lalo na’t ang tao higit na pinahahalagahan nito ang kanyang sarili, materyal na bagay at katanyagan na taliwas sa itinuro ni Hesus sa atin. Ang lahat ng ito ay nagbubunga ng kapalaluhan, inggit, pagkamakasarili, kayabangan at iba pang masasamang ugali. Hanggang sa maging sistema, kultura ng lipunan at ng mundo kaya kapag itinatama mo ang isang kamalian ang mundo ay kalaban mo.

                Ano ba ang mahalaga sa buhay natin, ang sasabihin ng ibang tao o ang sasabihin ng Panginoon kapag nasa kabilang buhay ka na? Ito ang sumagi sa aking isipan nang matapos ang eulogy. Hanggang sa aking pag-uwi baon ko ang katanungang ito. Binalikan ko ang mga nagawa ko bilang isang tao. Naging tapat ba akong tagasunod ng Diyos? Pinapupurihan ko ba ang Panginoon sa lahat ng aking ginagawa. Ipinakikita ko ba na iniibig ko ang Diyos sa lahat ng aking ginagawa o iniisip?

                Maraming pagkakataon na nagkasala ako sa Panginoon. Hindi ako sumusunod sa Kanyang salita gayong alam ko ang mga ito at di kapuri-puri sa Kanya. Humingi ako ng tawad sa Panginoon at nasasaad sa Hebrews 8:12, “For I will forgive their wickedness and will remember their sins no more.”  Kamangha-mangha ang pag-ibig ng Diyos dahil handa siyang magpatawad at kalimutan ang lahat ng nagawang kasalanan sa Kanya. Nais mong talikdan na ang kasalanan subalit nahuhulog kang muli dahil sa tukso at mahina ang aking katawang lupa. Nais kong lumaya sa tanikalang ito ng kasalanan. Sabi sa Galatians 5:1, It is for freedom that Christ has set us free. Stand firm, then and do not let yourselves be burdened again by yoke of slavery. Pinalaya na ako ni Cristo mula sa kasalanan nang mamatay Siya sa krus. Nilinis ang lahat ng kasalana sa pamamagitan ng Kanyang banal na dugo. At kasama akong binuhay Niya sa kanyang muling pagkabuhay. Dakila at banal si Cristo kaya dapat akong maging banal dahil sa grasyang itong ipinagkaloob Niya sa akin.

                Ang lahat ng ito ay umiikot sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa pag-ibig ay nagawa Niyang magpatawad at limutin ang mga kasalanan. Ang tapat na pag-ibig na ito ang binhing itatanim mo sa iba upang mahalin ka ng iba. Hindi mahalaga ang sasabihin ng iba at hindi na mahalaga ang nararamdaman mo kung pasakitan ka ng ibang tao. Ang mahalaga ay naging tapat ka sa Panginoon at iniibig mo Siya at handa kang gumawa ng mabuti para sa ikaluluwalhati ng Kanyang panglanan. 


Reflection on Devotional February 6, 2022

Lunes, Mayo 10, 2021

Talambuhay ni Francisco Balagtas Baltazar

 

Talambuhay ni Francisco Balagtas Baltazar



Si Francisco Balagtas, ay isang bantog na Pilipinong makata at may-akda. Siya ay kilala sa taguring "Prinsipe ng Manunulang Tagalog" at itinuturing na William Shakespeare ng Pilipinas para sa kanyang kontribusyon at impluwensya sa panitikang Pilipino. Ang sikat na romantikong pag-iibigan ng ika-19 na siglo, ang Florante at Laura, ay ang kanyang pinamainam na likha. 

 

Si Francisco Baltazar (na may palayaw na Kikong Balagtas o Kiko) ay isinilang noong Abril 2, 1788 kina Juana dela Cruz (isang simpleng may-bahay) at Juan Baltazar, (isang panday) sa Barrio Panginay, Bigaa (na kilala ngayon bilang Balagtas sa kanyang karangalan), sa lalawigan ng Bulacan. Siya ang bunso ng kanyang mga kapatid na sina Felipe, Concha, at Nicholasa.

 

Nag-aral si Francisco sa isang parochial school sa Bigaa kung saan pinag-aralan niya ang mga panalangin at katekismo, at kalaunan ay nagtrabaho bilang "alilang kanin" o houseboy para sa pamilyang Trinidad sa Tondo, Manila kung saan siya ay pinag-aral ng kanyang tiyahin sa Colegio de San Jose ng mga Jesuwita, bago lumipat sa San Juan de Letran. Noong 1812, nagtapos siya sa degree ng Crown Law, Spanish, Latin, Physics, Christian Doctrine, Humanities, and Philosophy. Ang kanyang naging pantas na guro roon ay si Padre. Mariano Pilapil (kilalang sumulat ng Pasyon).

 

Bata pa si Kiko ay mahilig na siya sa pagtula at kahit saan siya pumunta, marami ang humahanga sa kanyanag kakayahang ito. Maging sa panliligaw, mga tula ang naging instrument niya sa pagpapahayag ng niloob sa dalagang pinipintuho.

 

Isang binibining taga-Gagalangin ang unang nagpatibok sa kanyang puso, si Magdalena Ana Rama. Sa pagkakataon ding ito ay nakilala niya si Jose dela Criz, kilalang guro ng mga makata nang mga panahong iyon. Kilala ito sa tawag na Joseng Sisisw, sapagkat sisiw ang ipinambabayad sa kanya ng mga nagpapaayos ng tula. Kabilang dito si Kiko, na tuwing makalawang linggo ay naghahandog ng sisiw kay Mang Jose bilang upa sa pagpapaayos ng tula.

 

Minsan isang araw, nabigo si Kiko kay Mang Jose dahil sa hind siya nakapagdala ng sisiw upang ayusin ang kanyang tula na para pa naman kay Magdalena. Mula noon binuo niya sa sarili na magsisikap siyang magpakinis ng kanyang sariling tula upang mahigitan ang kakayahan ng guro sa sining na ito.

 

Di naglaon ay napabantog si Kiko s apagtula. Nalaluan niya ang dating guro na unti-unting kinupasan ng ningning sa sining ng Panulaang Tagalog.

 

Nakilala si Kiko maging sa mga lalawigang nag-aanyaya sa kanya kung may piging at kapistahan dahil sa kanyang mga tula. Nang malaunan, di lamang mga tula ang hinabi ni Kiko. Pumalaot na rin sa kanyang paglikha ang mga awit at korido at mga tulang isinasadula na kilala sa tawag na moro-moro.

 

Nang mapalipat si Kiko sa Pandacan, dito niya nakilala si Maria Asuncion Rivera, isang dalagang napabantog sa pook na iyon di lamang sa kagandahan kung hindi sa kakayahan nito sa pag-awit at pagtugtog ng alpa. Pinaniniwalaan na ang taguring Celya o Selya ay hango sa Cecilia ang santang pintakasi ng musika, ay ikinapit ni Kiko sa dalaga sa kaangkupan ng pangalang ito sa mga katangian ng dalaga.

 

Naghandog ng tula si Kiko para kay Selya, ngunit gaya ng nakaugalian nang mga panahong iyon, gumamit siya ng isang sagisag --- ang Francisco Baltazar.

 

Sa pamimintuho ni Kiko kay Celia, nakaribal niya si Mariano “Nanong” Kapule, pinakatukod ng yaman sa buong Pandacan.  Marami ang nagpayo sakanya na huwag nang ipagpatuloya ng panunuyo sa dalaga, ngunit nabuo na sa kanyang isip na anuman ang maging kasapitan ng pag-ibig na ito, ay walang makahahadlang sa kanyang malinis na hangarin sa dalaga.

 

Naging magkasintahan ang dalawa bagama’t mayaman ang karibal nito. Ang Ilog Beata at Hilom, pati ang mga malalabay na puno ng manga sa poook na iyon, ang naging saksi ng kanilang pagniniig. Datapwa’t di nagtagal ang masasayang araw ng magkatipan. Sa pakana ng binatang kaagaw, napapaniwala nito, pati ang mga magulang ng dalaga na ikinalat ni Kiko ang balitang nakasisirang puri sa dalaga at sa pamilya nito. Sa tulong ng mga saksing binayaran ni Nano Kapule, nabilanggo si Kiko nang walang kasalanan.

 

Sa bilanguan niya nabalitaang kinasal na si Maria Asuncion kay Nano bilang pagsunod sa mga magulang nito. Labis ang sakit ng kalooban ang dinanas niya. Sa kasawiang ito, isinilang ang isang obra maestro, isang malikhaing bunga ng masidhing kapighatian ng isang naapi, ang Florante at Laura.

 

Nang makalaya si Kiko noong 1838, ipinalimbag niya ang Florante at Laura sa wikang Tagalog bagaman ang mga dominanteng wika sa pagsulat ay wikang Espanyol. Isa isa itong inilalako sa patyo ng simbahan kung araw ng pista.

 

Lumipas ang maraming taon, nandarayuhan si Kiko sa Udyong, Bataan at nakilala si Juana Tiambeng. Maakit siya sa karikitan ng dalaga kaya niligawan niya ito. Malaki ang agawat ng gulang at katayuan sa buhay ni Kiko sa dalaga. May 54 na taong gulang na si Kiko at walang maipagmamalaking kabuhayan. Bagaman tutol ang mga magulang ni Juana, napangasawa rin niya si Kiko noong ika-22 ng Hulyo, 1842.

 

Iba’t ibang matataas na katungkulan sa pamahalaan ang nahawakan ni Balagtas. Sa panunungkulan niyang ito ang kanyang opisyal na pangalan ay Francisco Narvaez Baltazar. Dahil noong 1849, inutos ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria na ang bawat katutubong Pilipino ay magkaroon ng apelyidong Espanyol.

 

Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng 11 supling: 5 lalaki at anim na babae; 7 sa mga ito ay namatay nang mga sanggol pa lamang.

 

 

Si Balagtas ay nabilanggo sa ikalawang pagkakataon noong 1856 nang ipahayag ang reklamo ng isang kasambahay na pinutol niya ang buhok nito. Siya ay napalaya noong 1860 at ipinagpatuloy ang kanyang pagsusulat ng tula. 

 

Namatay si Balagtas noong Pebrero 20, 1862 sa edad na 74. Ang kanyang huling hangarin ay walang sinuman sa kanyang mga anak ang sumunod sa kanyang mga yapak sa takot na sila ay dumaan sa parehong mga paghihirap na kanyang dinanas. Sinabi pa niya na mainam pang maputol ang kanilang mga kamay kaysa ang mga ito ay maging manunulat. 


Mayo 5, 1892  nagkaroon ng sunog sa Udyong na kung saan natupok ang bahay ni Francisco Baltazar kasama ang kaban ng mga akda nito.


Si Balagtas ay lubos na pinahahalagahan sa Pilipinas na ang Pilipinong termino para sa debate gamit ang ekstemporanyong taludtod ay ipinangalan sa kanya: ang balagtasan. Ipinangalan din ang isang paaralang elementarya sa kanyang karangalan, ang Francisco Balagtas Elementary School (FBES), na matatagpuan sa kahabaan ng Alvarez Street sa Santa Cruz, Maynila.

 

Sanggunian Rionda, C. (1995). Florante at Laura. Phoenix Publishing House, Quezon City.

https://en.wikipedia.org/wiki/Francisco_Balagtas

 

Martes, Enero 12, 2021

MGA HAKBANG SA PAGSULAT AT PAGBUO NG KAMPANYANG PALIPUNAN O “SOCIAL AWARENESS CAMPAIGN “

  

MGA HAKBANG SA PAGSULAT AT PAGBUO NG KAMPANYANG PALIPUNAN O

“SOCIAL AWARENESS CAMPAIGN “

Allan A. Ortiz

 

Ang iba’t ibang midyum ng mass media gaya ng telebisyon at radio na broadcast media ay may malaking impluwensiya sa tao.  Gayundin  ang print media o babasahing popular gaya ng pahayagan, magazine, komiks, kontemporarong dagli; mga popular na panitikan gaya ng rap, awitin, islogan, patalastas at kontemporaryong dagli kasama ang pelikula ay mga epektibong mekanismo sa pagbabago ng kulturang Pilipino. Kaya nitong mabilis na baguhin ang pag-iisip, paniniwala, at pagpapahalaga ng mga tao. Sa modernong panahon, ang lahat ng mass media ay matutunghayan na gamit ang internet.  Binago ng teknolohiya o digital age ang pamumuhay ng tao; napabilis nito ang pagbibigay ng impormasyon at paraan ng pamumuhay ng mga tao sa mundo. Sa ganitong pagbabago ay magagamit ang mga nasabing instrumento sa kampanya tungo sa kamalayag panlipunan o social awareness campaign. Ang kampnyang ito ay nakatutulong sa pagkakaroon ng kabatiran sa mga nangyayari sa lipunan, himukin na suportahan ang mga kampanya upang gumawa ng isang hakbang tungo sa pagbabago.

May mga nararapat isaalang-alang sa pagbuo ng mga hakbang ng kamalayang panlipunan o social awareness campaign:

1.       Pumili ng paksa – dapat napapanahon ang paksang gagawan ng kampanya. Ito ay isang isyung may umiiral na suliranin na kailangang hanapan ng solusyon.

2.       Alamin ang target audience ng campaign – alamin mo kung sino ang grupo ng tao na nais mong makabasa, makapanood, makakita o makabatid ng iyong kampnya.

3.       Magsaliksik – mahalaga ang mga paktwal na impormasyon, mga datos na may kaugnayan sa iyong kampanya. Ito ang magiging sandigan mo sa iyong kampanya.

4.       Istratehiya at Pamamaraan – pag-isipan mong mabuti kung paanong atake ang gagawin mo sa iyong kampanya. Anong mga multimedia ang gagamitin mo? Anong social media ang gagamitin mo para sa iyong kampaya? Maaaring gumamit ng iba’t ibang paraan gaya ng islogan, poster, patalastas, music video, docu film atbp.

5.       Pagpaplano – pagplanuhan kung paano ka mapapansin sa social media. Tandaan, dapat hindi nakapananakit ng kalooban ng tao o grupo ng tao ang iyong gagawin. Maging malikhain. Kumuha ng inspirasyon sa mga iba pang social awareness campaign na makikita sa internet.

 

Sa pagbuo ng iyong social awareness campaign, may mga dapat tandaan na pagbuo nito:

1.       Balangkas – bumuo ng balangkas ng iyong kampanya. Kung ito ay isang video dapat gawan ito ng daloy o balangkas ng pagtalakay.  Kung patalastas ay kailangang gumawa ng storyboard.

2.       Iskrip – mahalaga ang pagbuo ng iskrip. Mula sa mga nasaliksik na impormasyon ay makabubuo ng iskrip na lalamanin ng iyong kampanya o bibigkasin ng tagapagsalita.

3.       Maging malikhain -. Gaya ng nasabi, dapat maging malikhain. Gumawa ng sariling konsepto at huwag kumopya. Maaari lamang gumamit ng inspirasyon mula sa ibang gawa sa pagbuo ng  iyong konsepto.

4.       Maging tiyak – maging tiyak sa mga impormasyon at mga pahayag. Huwag gawing maligoy. Gumamit ng mga payak na pangungusap at madaling maunawaang salita.

5.       Target audience – palaging isaisip ang iyung target audience sa pagbuo ng konsepto, iskript at salitang gagamitin.

 

 

 

Biyernes, Agosto 7, 2020

Magkababata (Kuwentong may patungkol sa antas ng wika)

 

Magkababata

Allan A. Ortiz

 

                Sabado na naman. Masaya para sa akin ang araw na ito. Nakikita ko ang mga bata na naglalaro sa tapat ng aming bahay kasama ang mga pamangkin ko. May malaki kasing puno ng mangga kaya malilimin sa kalsada na pinaglalaruan nila. Palagi silang naglalaro ng tsato, patintero, taguan at piko. Minsan ay naglalaro sila ng mga board games gaya ng monopoly, scrabble at millionaires game.

                Maraming nabubuong kuwento at pagkilala sa bawat isa sa kanila. Sa palagian nilang pagsasama sa kanilang paglalaro, may nabubuong pagtitinginan, kung minsan pikunan at tampuhan. Lahat iyan ay away bata lamang. Pero paglumaki sila, mauunawaan nila at pagtatawanan nila ang kanilang mga sarili.

                “Nasaan na sila? Kailangang makabawi kami sa laro kahapon,” maangas na hamon ni Bimbo sa mga kalaro.

                “Parating na iyon,” tugon ni Jon-jon. “Alam ko sila Allan ay kailangan pang maglinis ng bahay bago lumabas.”

                “Basta gaya pa rin ng kampihan,” wika ni Bimbo.

                Dumating ang ilan pang mga bata na kalaro rin nila kahapon. Tila maganda ang laro ngayon. Mahigpit ang labanan kahapon ng magkakalaro sa patintero. Ayaw magpatalo ng pamangkin ko sa kalaban nila nang siya ang naging patotot nang sila ang taya. Nang makaalpas ang kalaro niyang si Titan ay siyang pagtaya niyo pero nakapasok na siya sa kabila pero nagpoprotesta ang pamangkin kong si Bimbo. Ayaw patalo.

                “Eprs, maglalaro pa ba tayo?” tanong ni Titan.

                “Di ko alam sa inyo, di ko matagalan ang kadayaan ni Bimbo. Pikon pa,” sagot ni Alvin sabay tawa ng malakas.

                “Alvin, ang utol mo, nasaan na? Lalabas ba siya para maglaro?” tanong ni Bonbon kay Alvin.

                “Oo, naghuhugas lang ng pinagkainan namin,”

                Lumabas si Eliza at Rory kasabay na lumabas sa bahay si Emer. Napalingon ako sa kanila. Napansin kong natigilan si Liza nang makita ang kababata. Si Emer ay nakatingin lang sa magkapatid. Sa di ko maipaliwanag na dahilan biglang nagtatakbong pumasok si Eliza ng bahay.

                “Ate, napaghahalata ka!” sabay tawa ni Rory nang malakas.

                “Okray ka talaga Rory. Wag ka ngang maingay dyan,” sabi ni Eliza na namumula ang mukha.

                 "Si Ate imbiyerna na," sabay halakhak. “Tato, nasaan na si Maricris, itutuloy raw natin ang laro,” sigaw ni Rory sa pinsan.

                “Maka-Tato ka naman. May pangalan ako, Maricel at maganda ang pangalan ko,” sabay ngiti at may pamewang pa.

                Nang makumpleto na ang magkakaibigan, tinawag na ni Bimbo ang kanyang mga kapatid at mga pinsan. Biglang lumabas si Uncle Willie. Si Wiilie ang labandera ni Aling Baby, nanay nila Eliza, Rory at Bimbo. Hindi pantay ang paa nito kaya kung maglakad ay parang iika-ika. Kaya laging binibiro ng mga bata na “5-6, 5-8.”

                “Naku, maglalaro na naman kayo, tapos mawawarla ka Bimbo kapag natalo kayo!” ani Willie.

                “Huwag ka nang magulo Uncle!” sigaw ni Bimbo.

                “Aba, sinisigawan mo na ang Uncle mo, jombagin kaya kita nang makita mo!” sabay amba ng braso kay Bimbo at sabay iwas nito.

                Nagsimula na ang laro. Sinakop nila ang kalye kapag naglalaro ang mga bata. Kapag may paparating na mga tricycle o kotse ay tatabi ang mga bata at saka babalik sa mga posisyon nila kapag wala nang sasakyan.    

                “Maricel, si Dady-daddy mo! Nakasakay sa broom-broom Brunei,” sigaw ni Uncle Willie.

                Natigilan ang lahat. Si Maricel biglang tumakbo papasok ng aming compound.

                “Anong nangyari roon?” tanong ni Alvin.

                “Crush kasi ni Maricel si Bobby,” sagot ni Bonbon.

                “Tato! Wala na si uyab mo. Ikaw na lang ang hinihintay!’ sigaw ni Rory.

                Patakbong pabalik si Maricel sa kalsada. Natatawa ako kasi sa murang edad nila ay may ganito na silang pagtingin sa kanilang mga kalaro o kakilala.

                “Ang ibad na ito, nagtatago pa, na-buya pa…pa-shy effecting pa… kalorki ka!” sabay irap ni Uncle.

                “Ewan ko sa iyo Uncle! Inis na sagot ni Maricel sabay irap ng mata.

                Ewan ko ba dito kay Uncle Willie, pilit na mag-ingles mali-mali naman. Napapangiti na lang ako sa kanya. Ang mga bata nasanay na sa kanya kahit alam kong sumasakit ang brain cells nilang intindihin ang pinagsasabi nito.

                Nagpatuloy na muli ang paglalaro. Dumating ang ilang mga bata ng aming lugar, si Nino at Jumbo.

                “Mga Badeth!” sigaw ni Uncle Willie kina Nino at Jumbo.

                “Ano na Mama? Shala ng lola mo oh." sabay turo kay Willie. "Pantay na ba ang kalye?” sabay tawa ni Jumbo.

                “Shuta ka! Julalay. Jombagin kita dyan! Insekyora! Tsug!” sabay amba ng pagsuntok kay Jumbo.

                “Loley, rarampa bells ka ba mamayang gabi?

                “Kapag eclipse na ang mag telitubies. Alam n’yo naman si watashi ninyo dakilang katuray.”

                “Maggi at yawga syugalstra at ang mga otoko…hmmm..” sabi ni Nino.

                 “Gigiera!” sigaw ni Jumbo sabay irap ng mata na may ngiting mapang-asar kay Nino. 

                Biglang nagsigawan ang mga batang naglalaro. Nadapa si Eliza. Biglang lumapit si Emer sa kababatag nasaktan.

                “Okay ka lang?” tanong ni Emer kay Eliza.  “May sugat ka sa tuhod.”

                “Ate, napakalampa mo talaga,” sabay tawa ni Rory.

                “Ate, okay lang iyan. Malayo yan sa bituka,” dagdag ni Bimbo.

                Natuwa naman ako kasi inalalayan ni Emer si Eliza na makaupo sa tabi.

                “Masakit ba?” tanong ni Emer.

                “Siyempre masakit 'yan Kuya, ano ka ba, may sugat eh.” sabat ni Alvin sa kapatid.

                “Wow naman, ang sweet,” panunukso ni Maricel.

                “Magtigil ka nga Tato,” sigaw ni Eliza.

                Pumasok pala si Uncle at kumuha ng bulak at panlinis ng sugat.

                “Hay naku, itong alaga ko, napakalampa talaga. Magpapayat ka kasi. Paano ka magugustuhan nitong si Emer kung lalampa-lampa ka,” sabay tingin ni Uncle kay Emer may tinging panunukso.

                “Erps, kaya pala ha, super alalay ka kay Eliza,” tukso naman ni Bonbon.

                “Naku, Ate, umeksena ka naman eh, matatalo tayo niyan,” sabi ni Bimbo.

                “O, paano ba yan, itutuloy ba natin ang laro?", tanong ni Titan.

                “Kailangan natin ng sub kay Eliza,” sabi ni Alvin.

                “Mga Beks, baka gusto ninyong maglaro. Sub ka muna kay Eliza. Jumbo?” mungkahi ni Uncle Willie.

                “Oo nga, sub ka muna Jumbo,” pagsang-ayon ni Bimbo.

                “Maggi, yawga ko ng ganyang laro, hahaha” sabay hawi ng buhok sa harapan.”

                “Ikaw Nino baka gusto mong maglaro?” tanong ni Bonbon.

                “Naku madali akong matataya sa taba kong ito,” sagot ni Nino.

                Matapos lamang linisan ang sugat ni Eliza, nagdesisyon siyang maglaro uli.  Kahit natalo sila Bimbo sa laro ay masaya pa rin ang lahat. Marami akong emosyong nakita sa kanila. Masaya silang pagmasdan. Masarap maging bata at balikan ang ginagawa nila gaya ng paglalaro sa kalsada.

 

Agosto 7, 2020

MGCQ, Ecotrend Villas, Zapote.  4:35pm.

Alala-ala ng pagkabata.