Biyernes, Agosto 7, 2020

Magkababata (Kuwentong may patungkol sa antas ng wika)

 

Magkababata

Allan A. Ortiz

 

                Sabado na naman. Masaya para sa akin ang araw na ito. Nakikita ko ang mga bata na naglalaro sa tapat ng aming bahay kasama ang mga pamangkin ko. May malaki kasing puno ng mangga kaya malilimin sa kalsada na pinaglalaruan nila. Palagi silang naglalaro ng tsato, patintero, taguan at piko. Minsan ay naglalaro sila ng mga board games gaya ng monopoly, scrabble at millionaires game.

                Maraming nabubuong kuwento at pagkilala sa bawat isa sa kanila. Sa palagian nilang pagsasama sa kanilang paglalaro, may nabubuong pagtitinginan, kung minsan pikunan at tampuhan. Lahat iyan ay away bata lamang. Pero paglumaki sila, mauunawaan nila at pagtatawanan nila ang kanilang mga sarili.

                “Nasaan na sila? Kailangang makabawi kami sa laro kahapon,” maangas na hamon ni Bimbo sa mga kalaro.

                “Parating na iyon,” tugon ni Jon-jon. “Alam ko sila Allan ay kailangan pang maglinis ng bahay bago lumabas.”

                “Basta gaya pa rin ng kampihan,” wika ni Bimbo.

                Dumating ang ilan pang mga bata na kalaro rin nila kahapon. Tila maganda ang laro ngayon. Mahigpit ang labanan kahapon ng magkakalaro sa patintero. Ayaw magpatalo ng pamangkin ko sa kalaban nila nang siya ang naging patotot nang sila ang taya. Nang makaalpas ang kalaro niyang si Titan ay siyang pagtaya niyo pero nakapasok na siya sa kabila pero nagpoprotesta ang pamangkin kong si Bimbo. Ayaw patalo.

                “Eprs, maglalaro pa ba tayo?” tanong ni Titan.

                “Di ko alam sa inyo, di ko matagalan ang kadayaan ni Bimbo. Pikon pa,” sagot ni Alvin sabay tawa ng malakas.

                “Alvin, ang utol mo, nasaan na? Lalabas ba siya para maglaro?” tanong ni Bonbon kay Alvin.

                “Oo, naghuhugas lang ng pinagkainan namin,”

                Lumabas si Eliza at Rory kasabay na lumabas sa bahay si Emer. Napalingon ako sa kanila. Napansin kong natigilan si Liza nang makita ang kababata. Si Emer ay nakatingin lang sa magkapatid. Sa di ko maipaliwanag na dahilan biglang nagtatakbong pumasok si Eliza ng bahay.

                “Ate, napaghahalata ka!” sabay tawa ni Rory nang malakas.

                “Okray ka talaga Rory. Wag ka ngang maingay dyan,” sabi ni Eliza na namumula ang mukha.

                 "Si Ate imbiyerna na," sabay halakhak. “Tato, nasaan na si Maricris, itutuloy raw natin ang laro,” sigaw ni Rory sa pinsan.

                “Maka-Tato ka naman. May pangalan ako, Maricel at maganda ang pangalan ko,” sabay ngiti at may pamewang pa.

                Nang makumpleto na ang magkakaibigan, tinawag na ni Bimbo ang kanyang mga kapatid at mga pinsan. Biglang lumabas si Uncle Willie. Si Wiilie ang labandera ni Aling Baby, nanay nila Eliza, Rory at Bimbo. Hindi pantay ang paa nito kaya kung maglakad ay parang iika-ika. Kaya laging binibiro ng mga bata na “5-6, 5-8.”

                “Naku, maglalaro na naman kayo, tapos mawawarla ka Bimbo kapag natalo kayo!” ani Willie.

                “Huwag ka nang magulo Uncle!” sigaw ni Bimbo.

                “Aba, sinisigawan mo na ang Uncle mo, jombagin kaya kita nang makita mo!” sabay amba ng braso kay Bimbo at sabay iwas nito.

                Nagsimula na ang laro. Sinakop nila ang kalye kapag naglalaro ang mga bata. Kapag may paparating na mga tricycle o kotse ay tatabi ang mga bata at saka babalik sa mga posisyon nila kapag wala nang sasakyan.    

                “Maricel, si Dady-daddy mo! Nakasakay sa broom-broom Brunei,” sigaw ni Uncle Willie.

                Natigilan ang lahat. Si Maricel biglang tumakbo papasok ng aming compound.

                “Anong nangyari roon?” tanong ni Alvin.

                “Crush kasi ni Maricel si Bobby,” sagot ni Bonbon.

                “Tato! Wala na si uyab mo. Ikaw na lang ang hinihintay!’ sigaw ni Rory.

                Patakbong pabalik si Maricel sa kalsada. Natatawa ako kasi sa murang edad nila ay may ganito na silang pagtingin sa kanilang mga kalaro o kakilala.

                “Ang ibad na ito, nagtatago pa, na-buya pa…pa-shy effecting pa… kalorki ka!” sabay irap ni Uncle.

                “Ewan ko sa iyo Uncle! Inis na sagot ni Maricel sabay irap ng mata.

                Ewan ko ba dito kay Uncle Willie, pilit na mag-ingles mali-mali naman. Napapangiti na lang ako sa kanya. Ang mga bata nasanay na sa kanya kahit alam kong sumasakit ang brain cells nilang intindihin ang pinagsasabi nito.

                Nagpatuloy na muli ang paglalaro. Dumating ang ilang mga bata ng aming lugar, si Nino at Jumbo.

                “Mga Badeth!” sigaw ni Uncle Willie kina Nino at Jumbo.

                “Ano na Mama? Shala ng lola mo oh." sabay turo kay Willie. "Pantay na ba ang kalye?” sabay tawa ni Jumbo.

                “Shuta ka! Julalay. Jombagin kita dyan! Insekyora! Tsug!” sabay amba ng pagsuntok kay Jumbo.

                “Loley, rarampa bells ka ba mamayang gabi?

                “Kapag eclipse na ang mag telitubies. Alam n’yo naman si watashi ninyo dakilang katuray.”

                “Maggi at yawga syugalstra at ang mga otoko…hmmm..” sabi ni Nino.

                 “Gigiera!” sigaw ni Jumbo sabay irap ng mata na may ngiting mapang-asar kay Nino. 

                Biglang nagsigawan ang mga batang naglalaro. Nadapa si Eliza. Biglang lumapit si Emer sa kababatag nasaktan.

                “Okay ka lang?” tanong ni Emer kay Eliza.  “May sugat ka sa tuhod.”

                “Ate, napakalampa mo talaga,” sabay tawa ni Rory.

                “Ate, okay lang iyan. Malayo yan sa bituka,” dagdag ni Bimbo.

                Natuwa naman ako kasi inalalayan ni Emer si Eliza na makaupo sa tabi.

                “Masakit ba?” tanong ni Emer.

                “Siyempre masakit 'yan Kuya, ano ka ba, may sugat eh.” sabat ni Alvin sa kapatid.

                “Wow naman, ang sweet,” panunukso ni Maricel.

                “Magtigil ka nga Tato,” sigaw ni Eliza.

                Pumasok pala si Uncle at kumuha ng bulak at panlinis ng sugat.

                “Hay naku, itong alaga ko, napakalampa talaga. Magpapayat ka kasi. Paano ka magugustuhan nitong si Emer kung lalampa-lampa ka,” sabay tingin ni Uncle kay Emer may tinging panunukso.

                “Erps, kaya pala ha, super alalay ka kay Eliza,” tukso naman ni Bonbon.

                “Naku, Ate, umeksena ka naman eh, matatalo tayo niyan,” sabi ni Bimbo.

                “O, paano ba yan, itutuloy ba natin ang laro?", tanong ni Titan.

                “Kailangan natin ng sub kay Eliza,” sabi ni Alvin.

                “Mga Beks, baka gusto ninyong maglaro. Sub ka muna kay Eliza. Jumbo?” mungkahi ni Uncle Willie.

                “Oo nga, sub ka muna Jumbo,” pagsang-ayon ni Bimbo.

                “Maggi, yawga ko ng ganyang laro, hahaha” sabay hawi ng buhok sa harapan.”

                “Ikaw Nino baka gusto mong maglaro?” tanong ni Bonbon.

                “Naku madali akong matataya sa taba kong ito,” sagot ni Nino.

                Matapos lamang linisan ang sugat ni Eliza, nagdesisyon siyang maglaro uli.  Kahit natalo sila Bimbo sa laro ay masaya pa rin ang lahat. Marami akong emosyong nakita sa kanila. Masaya silang pagmasdan. Masarap maging bata at balikan ang ginagawa nila gaya ng paglalaro sa kalsada.

 

Agosto 7, 2020

MGCQ, Ecotrend Villas, Zapote.  4:35pm.

Alala-ala ng pagkabata.

 

               

               

 

 

2 komento:

  1. Katuwa.. those were the days! Mas masaya noon... kahit walang gadget. Kahit anong init laro pa rin sa labas. Unlike now.. nakakulong sa bahay at babad sa gadget. Kaya mahihina resistensya 😅😅😅

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Totoo iyan. Kaya iyan ang naisip kong gawing kuwento para malaman ng mga kabataan ngayon na mas masaya ang makipaglaro sa mga kaibigan kaysa sa online games at paggamit ng gadgets. Street smart pa.

      Burahin