Lunes, Mayo 10, 2021

Talambuhay ni Francisco Balagtas Baltazar

 

Talambuhay ni Francisco Balagtas Baltazar



Si Francisco Balagtas, ay isang bantog na Pilipinong makata at may-akda. Siya ay kilala sa taguring "Prinsipe ng Manunulang Tagalog" at itinuturing na William Shakespeare ng Pilipinas para sa kanyang kontribusyon at impluwensya sa panitikang Pilipino. Ang sikat na romantikong pag-iibigan ng ika-19 na siglo, ang Florante at Laura, ay ang kanyang pinamainam na likha. 

 

Si Francisco Baltazar (na may palayaw na Kikong Balagtas o Kiko) ay isinilang noong Abril 2, 1788 kina Juana dela Cruz (isang simpleng may-bahay) at Juan Baltazar, (isang panday) sa Barrio Panginay, Bigaa (na kilala ngayon bilang Balagtas sa kanyang karangalan), sa lalawigan ng Bulacan. Siya ang bunso ng kanyang mga kapatid na sina Felipe, Concha, at Nicholasa.

 

Nag-aral si Francisco sa isang parochial school sa Bigaa kung saan pinag-aralan niya ang mga panalangin at katekismo, at kalaunan ay nagtrabaho bilang "alilang kanin" o houseboy para sa pamilyang Trinidad sa Tondo, Manila kung saan siya ay pinag-aral ng kanyang tiyahin sa Colegio de San Jose ng mga Jesuwita, bago lumipat sa San Juan de Letran. Noong 1812, nagtapos siya sa degree ng Crown Law, Spanish, Latin, Physics, Christian Doctrine, Humanities, and Philosophy. Ang kanyang naging pantas na guro roon ay si Padre. Mariano Pilapil (kilalang sumulat ng Pasyon).

 

Bata pa si Kiko ay mahilig na siya sa pagtula at kahit saan siya pumunta, marami ang humahanga sa kanyanag kakayahang ito. Maging sa panliligaw, mga tula ang naging instrument niya sa pagpapahayag ng niloob sa dalagang pinipintuho.

 

Isang binibining taga-Gagalangin ang unang nagpatibok sa kanyang puso, si Magdalena Ana Rama. Sa pagkakataon ding ito ay nakilala niya si Jose dela Criz, kilalang guro ng mga makata nang mga panahong iyon. Kilala ito sa tawag na Joseng Sisisw, sapagkat sisiw ang ipinambabayad sa kanya ng mga nagpapaayos ng tula. Kabilang dito si Kiko, na tuwing makalawang linggo ay naghahandog ng sisiw kay Mang Jose bilang upa sa pagpapaayos ng tula.

 

Minsan isang araw, nabigo si Kiko kay Mang Jose dahil sa hind siya nakapagdala ng sisiw upang ayusin ang kanyang tula na para pa naman kay Magdalena. Mula noon binuo niya sa sarili na magsisikap siyang magpakinis ng kanyang sariling tula upang mahigitan ang kakayahan ng guro sa sining na ito.

 

Di naglaon ay napabantog si Kiko s apagtula. Nalaluan niya ang dating guro na unti-unting kinupasan ng ningning sa sining ng Panulaang Tagalog.

 

Nakilala si Kiko maging sa mga lalawigang nag-aanyaya sa kanya kung may piging at kapistahan dahil sa kanyang mga tula. Nang malaunan, di lamang mga tula ang hinabi ni Kiko. Pumalaot na rin sa kanyang paglikha ang mga awit at korido at mga tulang isinasadula na kilala sa tawag na moro-moro.

 

Nang mapalipat si Kiko sa Pandacan, dito niya nakilala si Maria Asuncion Rivera, isang dalagang napabantog sa pook na iyon di lamang sa kagandahan kung hindi sa kakayahan nito sa pag-awit at pagtugtog ng alpa. Pinaniniwalaan na ang taguring Celya o Selya ay hango sa Cecilia ang santang pintakasi ng musika, ay ikinapit ni Kiko sa dalaga sa kaangkupan ng pangalang ito sa mga katangian ng dalaga.

 

Naghandog ng tula si Kiko para kay Selya, ngunit gaya ng nakaugalian nang mga panahong iyon, gumamit siya ng isang sagisag --- ang Francisco Baltazar.

 

Sa pamimintuho ni Kiko kay Celia, nakaribal niya si Mariano “Nanong” Kapule, pinakatukod ng yaman sa buong Pandacan.  Marami ang nagpayo sakanya na huwag nang ipagpatuloya ng panunuyo sa dalaga, ngunit nabuo na sa kanyang isip na anuman ang maging kasapitan ng pag-ibig na ito, ay walang makahahadlang sa kanyang malinis na hangarin sa dalaga.

 

Naging magkasintahan ang dalawa bagama’t mayaman ang karibal nito. Ang Ilog Beata at Hilom, pati ang mga malalabay na puno ng manga sa poook na iyon, ang naging saksi ng kanilang pagniniig. Datapwa’t di nagtagal ang masasayang araw ng magkatipan. Sa pakana ng binatang kaagaw, napapaniwala nito, pati ang mga magulang ng dalaga na ikinalat ni Kiko ang balitang nakasisirang puri sa dalaga at sa pamilya nito. Sa tulong ng mga saksing binayaran ni Nano Kapule, nabilanggo si Kiko nang walang kasalanan.

 

Sa bilanguan niya nabalitaang kinasal na si Maria Asuncion kay Nano bilang pagsunod sa mga magulang nito. Labis ang sakit ng kalooban ang dinanas niya. Sa kasawiang ito, isinilang ang isang obra maestro, isang malikhaing bunga ng masidhing kapighatian ng isang naapi, ang Florante at Laura.

 

Nang makalaya si Kiko noong 1838, ipinalimbag niya ang Florante at Laura sa wikang Tagalog bagaman ang mga dominanteng wika sa pagsulat ay wikang Espanyol. Isa isa itong inilalako sa patyo ng simbahan kung araw ng pista.

 

Lumipas ang maraming taon, nandarayuhan si Kiko sa Udyong, Bataan at nakilala si Juana Tiambeng. Maakit siya sa karikitan ng dalaga kaya niligawan niya ito. Malaki ang agawat ng gulang at katayuan sa buhay ni Kiko sa dalaga. May 54 na taong gulang na si Kiko at walang maipagmamalaking kabuhayan. Bagaman tutol ang mga magulang ni Juana, napangasawa rin niya si Kiko noong ika-22 ng Hulyo, 1842.

 

Iba’t ibang matataas na katungkulan sa pamahalaan ang nahawakan ni Balagtas. Sa panunungkulan niyang ito ang kanyang opisyal na pangalan ay Francisco Narvaez Baltazar. Dahil noong 1849, inutos ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria na ang bawat katutubong Pilipino ay magkaroon ng apelyidong Espanyol.

 

Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng 11 supling: 5 lalaki at anim na babae; 7 sa mga ito ay namatay nang mga sanggol pa lamang.

 

 

Si Balagtas ay nabilanggo sa ikalawang pagkakataon noong 1856 nang ipahayag ang reklamo ng isang kasambahay na pinutol niya ang buhok nito. Siya ay napalaya noong 1860 at ipinagpatuloy ang kanyang pagsusulat ng tula. 

 

Namatay si Balagtas noong Pebrero 20, 1862 sa edad na 74. Ang kanyang huling hangarin ay walang sinuman sa kanyang mga anak ang sumunod sa kanyang mga yapak sa takot na sila ay dumaan sa parehong mga paghihirap na kanyang dinanas. Sinabi pa niya na mainam pang maputol ang kanilang mga kamay kaysa ang mga ito ay maging manunulat. 


Mayo 5, 1892  nagkaroon ng sunog sa Udyong na kung saan natupok ang bahay ni Francisco Baltazar kasama ang kaban ng mga akda nito.


Si Balagtas ay lubos na pinahahalagahan sa Pilipinas na ang Pilipinong termino para sa debate gamit ang ekstemporanyong taludtod ay ipinangalan sa kanya: ang balagtasan. Ipinangalan din ang isang paaralang elementarya sa kanyang karangalan, ang Francisco Balagtas Elementary School (FBES), na matatagpuan sa kahabaan ng Alvarez Street sa Santa Cruz, Maynila.

 

Sanggunian Rionda, C. (1995). Florante at Laura. Phoenix Publishing House, Quezon City.

https://en.wikipedia.org/wiki/Francisco_Balagtas