Linggo, Pebrero 6, 2022

Marunong Nga Ba Akong Umibig?

Marunong nga ba akong umibig?  


 

                Kagabi, dumalo ako sa burol ng isang kaibigan. Nagsimula na ang eulogy para sa yumao. Napakinggan ko ang magagandang salaysay ng mga malalapit na kaibigan ni Kuya Danny, asawa ni Tita Joenel. Habang pinakikinggan ko ang mga masasaya at nakatatawang kuwento ng mga kaibigan, naglalaro sa aking hiraya, ang mga paglalarawan ng buhay ng yumao. Nabuo rin sa aking isipan ang mga bagay-bagay patungkol sa aking buhay. Isa kasi aking napakinggan ay mga kasamahan sa trabaho na malapit pa rin sila sa isa’t isa gayong wala na roon si Kuya Danny sa dati nitong kompanyang pinaglilingkuran. Natanong ko sa aking sarili, naging mabuti ba akong kaibigan o katrabaho?

                May mga sandalling may nakakatampuhan sa trabaho o hindi napagkakasunduan. Nariyan na pinag-iinitan o ipinararamdam na mas mataas sila sa iyo at ikaw ay baguhan lamang. Noon, masasabi ko hindi ko kinikimkim ang mga ganitong sitwasyon sa buhay ko. Subalit sa paglipas ng panahon natutuhan mong tandan ang mga taong gumawa ng hindi maganda sa iyo. Upang hindi ka na muli abusuhin sa kabaitang ipinakikita mo sa kanila. Hanggang may mga pagkakataong tila hindi mo na kayang magpatawad. May galit sa puso mo. Nais mong maghiganto o kaya lumaban. Sa ganitong pangyayari naging mabuti ba ako sa kanila?

                Sinasaad sa 1 Corinthians 1: 4-5, “Love is patient, love is kind. It does not envy, it does not boast, it is not proud. It does not dishonor others, it is not self-seeking, it is not easily angered, it keeps no record of wrong.”  Saglit, it keeps no record of wrong, paano ‘yun? Tila ang hirap kalimutan ang mga ginawang masama sa iyo ng ibang tao na nagdulot sa iyo ng paghihirap at kapighatian ng kalooban at maging pagod sa isipan.  Sinabi na dapat maghari ang pag-ibig, ngunit nasaan ang pag-ibig nang ako’y gawan ng masama ng ibang tao?

                Sa bawat katanungang ibinabato ko sa aking sarili, lahat ng ito ay bumabalik din sa isang tanong, marunong ba akong magmahal? Tunay ba akong umiibig? Sumagi ang lahat ng ito sa akin at isa lamang ang ibinubulong sa akin, ang pagiging makasarili. Makasarili ako kung iniisip ko palagi ang aking sarili. Makasarili dahil nais na ikaw lamang ang tatanggap at ipinagdaramot mo ang iyong pagmamahal, kakayanan at panahon sa iba.

                Nang magsalita si Tita Joenel, nasabi niya na si Kuya Danny ay nagtanim ng mabuting binhi at ang bunga ay ang kanyang mabubuting anak at mabubuting kaibigan na nagmamahal sa kanya. Wala kasing masamang tinapay kay Kuya Danny, naringgan ko sa isang malapit niyang kabigan at napatunayan ko rin ito nang magkakilala kami sa simbahan. Natanong ko muli ang aking sarili, nagtanim ba ako ng mabuting binhi sa ibang tao?

                Minsan, hindi ako nauunawaan ng ibang kasamahan ko sa trabaho. Iba raw ako mag-isip. Alam ko rin naming may nasasabi silang di magaganda sa akin kahit di nila sabihin dahil nararamdaman ko sa kanilang kilos at tingin. Bilang isang Kristiyano, nang magkaroon ako ng relasyon kay Cristo, namulat ako sa kamalian ng mundo. Mga maling paniniwala, pananaw, pilosopiya at katuruan na nagdulot sa akin ng pag-iiba ng pananaw at kilos na hindi maunawaan ng iba. Parang isda na lumalangoy sa agos ng tubig subalit ikaw ay hindi sumasabay at lumalangoy  kabilang direksyon kung saan lahat ay sama-sama at ikaw ay naiiba.

                Binalikan kong muli ang aking buhay habang patapos na ang eulogy, at naalala ko si Hesus na tapat na umiibig. Sabihin mang Anak Siya ng Diyos subalit tandan nating naging tao Siya para sa atin. Ibinigay ng Diyos Ama ang Kanyang Anak para iligtas tayo sa kasalana at kamatayan. Si Hesus ang nagging modelo natin pagdating sa pamumuhay dito sa mundo lalo na sa konsepto ng pag-ibig. Ginawan siya ng masama ng iba, pinahirapan, kinutya, at ipinako sa krus subalit nagawa Niyang magpatawad. Ito ay dahil sa dakila Niyang pag-ibig sa atin. Kaya ko ba iyon?

                Mahirap gawin ang ipinamalas ni Hesus, bakit? Dahil itinuro ng mundo ang maling konsepto ng pag-ibig. Lalo na’t ang tao higit na pinahahalagahan nito ang kanyang sarili, materyal na bagay at katanyagan na taliwas sa itinuro ni Hesus sa atin. Ang lahat ng ito ay nagbubunga ng kapalaluhan, inggit, pagkamakasarili, kayabangan at iba pang masasamang ugali. Hanggang sa maging sistema, kultura ng lipunan at ng mundo kaya kapag itinatama mo ang isang kamalian ang mundo ay kalaban mo.

                Ano ba ang mahalaga sa buhay natin, ang sasabihin ng ibang tao o ang sasabihin ng Panginoon kapag nasa kabilang buhay ka na? Ito ang sumagi sa aking isipan nang matapos ang eulogy. Hanggang sa aking pag-uwi baon ko ang katanungang ito. Binalikan ko ang mga nagawa ko bilang isang tao. Naging tapat ba akong tagasunod ng Diyos? Pinapupurihan ko ba ang Panginoon sa lahat ng aking ginagawa. Ipinakikita ko ba na iniibig ko ang Diyos sa lahat ng aking ginagawa o iniisip?

                Maraming pagkakataon na nagkasala ako sa Panginoon. Hindi ako sumusunod sa Kanyang salita gayong alam ko ang mga ito at di kapuri-puri sa Kanya. Humingi ako ng tawad sa Panginoon at nasasaad sa Hebrews 8:12, “For I will forgive their wickedness and will remember their sins no more.”  Kamangha-mangha ang pag-ibig ng Diyos dahil handa siyang magpatawad at kalimutan ang lahat ng nagawang kasalanan sa Kanya. Nais mong talikdan na ang kasalanan subalit nahuhulog kang muli dahil sa tukso at mahina ang aking katawang lupa. Nais kong lumaya sa tanikalang ito ng kasalanan. Sabi sa Galatians 5:1, It is for freedom that Christ has set us free. Stand firm, then and do not let yourselves be burdened again by yoke of slavery. Pinalaya na ako ni Cristo mula sa kasalanan nang mamatay Siya sa krus. Nilinis ang lahat ng kasalana sa pamamagitan ng Kanyang banal na dugo. At kasama akong binuhay Niya sa kanyang muling pagkabuhay. Dakila at banal si Cristo kaya dapat akong maging banal dahil sa grasyang itong ipinagkaloob Niya sa akin.

                Ang lahat ng ito ay umiikot sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa pag-ibig ay nagawa Niyang magpatawad at limutin ang mga kasalanan. Ang tapat na pag-ibig na ito ang binhing itatanim mo sa iba upang mahalin ka ng iba. Hindi mahalaga ang sasabihin ng iba at hindi na mahalaga ang nararamdaman mo kung pasakitan ka ng ibang tao. Ang mahalaga ay naging tapat ka sa Panginoon at iniibig mo Siya at handa kang gumawa ng mabuti para sa ikaluluwalhati ng Kanyang panglanan. 


Reflection on Devotional February 6, 2022