Miyerkules, Mayo 27, 2020

Nasaan na ang standard at respeto sa edukasyon at pagtuturo?


Nasaan na ang standard at respeto sa edukasyon at pagtuturo?
Allan A. Ortiz

                Bilang isang guro, tungkulin nating maibigay ang kalidad na pagtuturo sa mga mag-aaral at matiyak na nakuha nila ang kasanayang dapat nilang matamo. Subalit tunay nga bang nangyayari ang ganitong pagkamit para sa mga mag-aaral at sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas?
                Tungkulin ng isang guro na magturo, maghanda ng kanilang mga materyales para sa kanyang klase upang maging kaiga-igaya at makamit ang inaasahang layunin para sa isang aralin. Sadyang nagbabago ang panahon. Gaya ng ng sinasabi, hindi natin maaaring ikumpara ang mga mag-aaral natin noon sa kasalukuyan. Tama rin na bigyan nating konsiderasyon ang mga mag-aaral sa kasalukuyan. Ang guro ang nakapupuna at nakararanas ng kalagayan ng mga mag-aaral sa loob ng klase. Aalam niya ang suliraning kinakaharap nito sa kanyang mga mag-aaral pagdating sa disiplinang pang-edukasyon. Sa mga matagal na pagtuturo, naranasan ninyo marahin ang mga tunay na mahuhusay na mga mag-aaral na nagsusunog ng kilay para sa kanyang pag-aaral. Naryan na makikita ang kahusayan at kagalingan dahil nagagamit nila ang kasanayang itinuro sa kanila ng kanilang mga guro. Sa mga bagong guro na di nakaranas nito, nararansan ninyo marahil ang sakit ng ulo sa mga mag-aaral na walang inatupag kundi ang gumamit ng cellphone, makipag-chat, gumawa ng mga bagay online na sila ang bumibida. Nasaan na sila sa klase? Panakaw na gumagamit ng kanilang gadgets habang nagtuturo ang guro, wala nang disiplina dahil napupuyat kalalaro ng online games imbis na mag-aral, magbasa at gumawa ng kapaki-pakinabang para sa kanila. Masasabi bang ito ay isang teacher factor kung bumagsak ang mag-aaral?
                Masasabi ng ilan na dapat inaalam mo ang suliranin ng mga mag-aaral at dapat bilang guro ay tinutulungan mo sila. Maaaring argumento sa bagay na ito, dito na lang ba iikot ang mundo ng isang guro? Paano na ang kanyang buhay? pamilya? Paglilibang at iba pa? Hindi kayang akuin ng isang guro o ng mga guro ang bawat suliranin ng mga mag-aaral dahil isa lang ang guro at marami ang mga estudyante at iba’t iba ang kanilang pagkatao at pag-uugali maging ang antas ng pinagdadaanan nila sa buhay at kung paano nila ito harapin. Nakaatang na ba asa balikat ng guro ang tungkulin ng magulang na dapat sa tahanan dapat sinisimulan ang disiplina? Ganito na ba patungo ang kultura ng edukasyon sa ating bansa?
                Suriin muna natin kung bakit nagkakaganito ang mga mag-aaral. Sa aking obserbasyon at pananaliksik, ang mga pinagdaraanan personal ng mga batang ito ay matatagpuan sa kanilang tahanan. Ang kawalan ng pag-aarauga ng magulang dahil sia ay OFW, naiwan sa kaanak o kasambahay; hiwalay ang mga magulang, may ibang pamilya na ang nanay o ang tatay; dahil sa abala sa trabaho, ibinibigay ang lahat sa mga anak kung ano ang hilig nito, mga bagay na nagpapasaya sa kanila subalit ang hinahanap nila ay oras ng magulang sa anak; ang paggamit nang labis ng social media, gadgets at kung ano-anong nababasa sa internet na pagnanais ituwid o i-justify ang isang maling paniniwala para tanggapin ng nakararami at maging katanggap-tanggap na sa lipunan. Ang baling tuloy ng suliraning ito ay solusyunan ng sistema ang edukasyon ang lumalalang kalagayan ng mga kabataan na kung saan dito itinuturo ang wasto at nararapat gawin nila para sa lipunan. Tama nga ito ay gawain ng edukasyon at ng paaralan subalit ang pundasyon ng matatag na pagkatao ng isang kabataan ay nagmumula sa pagtuturo ng magulang sa loob ng tahanan.
                Kung papansinin natin, sa mga guro, tayo ay sumusunod sa mga pamantayang ibinigay, ibinabahagi sa atin para sa dekalidad na edukasyon. Ginawa ito upang baging batayan upang nakasusunod ang mga guro sa pamantayan nito pagdating sa kalidad. Subalit nag-iiba ang kalakaran. Maraming pagkakataon pakikiusapan kang kung maaaring bigyan ng konsiderasyon ang isang mag-aaral para maiangat ang marka nito at makapasok sa merit na makukuha ng mag-aaral. Sa ganitog sitwasyon, sinasabi ng ilang guro na maaaring pagbigyan pero ito ay nagiging madalas na at nakasanayan na hanggang na nagiging kultura sa loob ng sistema ng paaralan. Nasaan na ang prinsipyo ng guro sa bahaging ito? Nasaan na ang respeto sa gurong nagtuturo at nagbigay ng pagtataya sa mga-aaral niya? Sa ganitong sistema, ipinapasa natin ang mga estudyante na may kakulangan sa kasanayan na itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon. Gaya na lamang pagdating sa asignaturang Filipino. Dapat sa elementarya pa lamang ay malinang na ang kahusayan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng pangungusao, talata hanggang sa makabuo ng makabuluhang sanaysay, pagtalakay o pagsusuri. Sa reyalidad, karamihan sa mga mag-aaral ay hirap sa pagsusulat, walang saysay ang pagbuo ng pangungusap, walang mastery sa teknikalidad ng pagsulat at paggamit ng wika – pagbabantas, gamit ng maliit at malaking titik, wastong panlapi sa pandiwa at maramim pang iba, isama mo pa riyan ang pagbuo ng talata, pag-uugnay ng mga talataan, ang nilalaman nito. Sapat na bang ipasa ang mga mag-aaral kahiot hindi pa ganap na nakuha o na-master nila ang kasanayang ito na mahalaga sa kanilang pagtuntong sa junior high school hanggang sa kolehiyo?
                Tila nawalang saysay ang pamantayan o standard na yinakap ng mga paaralan na nararapat sinusunod. Nawawala na rin ang integridad ng isang guro, respeto nito sa kanyang sarili at prinsipyo nito sa pagtuturo kung patuloy ang gawing palitan ang marka ng mag-aaral para sa konsiderasyon.
                Marahin nauunawaan ako ng mga tinatawag na seasoned teachers na sa kanilang pagtuturo ay naibigay nila ang tunay na kalidad na edukasyon dahil taglay nila ang kanilang prinsipyo, dignidad at respetong pansarili sa pagtuturo. Sa mga baging sibol na guro, marami s ainyo ang idealistic na gustong gawin ito para sa kanyang mga mag-aaral subalit hindi natutupad dahil sa nadidismaya sila sa ibinibigay na effort o pagsisikap. Nanaghari na sa mga bata ang katamaran at ibang pananaw pagdating sa pag-aaral dahil sa impluwensyang dulot ng teknolohiya, gadgets, at maling impormasyong nababasa.
                Ang pagtamo ng kalidad na edukasyon ay nasa kamay isang matatag na sistema na pagtalima sa itinakdag pamantayan na sinusunod ng bawat guro at mga namumuno. Ang pundasyon ng pagkatuto ng bata ay nagsisimula sa tahanan sa paggabay ng mga magulang. Hindi matitinag ang isang bata kung matatag ang pundasyong itinanim ng mga magulang nito sa anak. Huhubugin na lamang ito ng paaralan sa tulong ng mga mahuhusay na guro – gurong may puso s apagtuturo, may prinsipyo, paninindigan at respeto sa kanyang propesyon.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento