Paggamit ng Interpreter ni Maxine Medina sa Miss Universe Dapat o Hindi Dapat?
Ang Pilipinas ay isa sa kinikilalang may pinakamagagandang binibini sa buong mundo. Katunayan, lahat ng major pageants na kinikilala sa daigdig ay may titulo ang Pilipinas, bago pa man magsulputan ang mga bagong pageants, at tayo ang kauna-unahang nagkamit nito. Ibig ng ating bansa na manataili ang ganitong pagkilala sa atin ng buong mundo sa larangan ng paggandahan.
Upang manatili ang ating titulo at makamit ang mga titulo sa iba't ibang pagean na ngayon ay nagsusulputan, dibdiban ang pagsasanay sa mga kandidata para makamit ang minimithing korona. Nariyan na nagtatag ang ating mga kababayan ng isang akademiya para sa mga babaeng naghahangad na maging beauty queen. Isa sa mga pinagdadaanang pagsasanay ay ang tamang pagsagot sa Q and A sa mga pageants. Sa ganitong larangan, pinatunayan na mahusay ang training sa ating bansa nang sunod-sunod na nagkaroon ng place ang Pilipinas sa major pageants at nagkamit ng titulo gaya ng Miss International, Miss Supranational, Miss World, Miss Earth, at Miss Universe. May ilang Asian countries na dito na nagsasanay upang makuha ang sikreto upang makapuwesto sa major pageants.
Si Maxime Medina, ang ating pambato sa Miss Universe 2016 nagaganapin sa ating bansa, ay dumadaan sa isang kontrobesrsiya tungkol sa kanyang di maayos na pagsagot sa tanong gamit ang wikang Ingles. Kung babalikan natin ang pamantayan ng Miss Universe, pinapayagan ang mga kadedata ng isang bansa ng gumamit ng interpreter. Ito ay walang bearing sa pagmamarka ng mga piling hurado. Ngunit ang ating bansa ay kinikilalang mahusay sa pagsasalita ng wikang Ingles. Ano ang proposisyon kaugnay kay Maxine?
Maraming nagsasabi na payagan siyang kumuha ng kanyang interpreter para sa pageant upang masagot niya nang mahusay ang tanong sa preliminary at kung palarin pati na rin sa finals. Subalit ang agam-agam ng ating mga kababayan ay ang paggamit ng interpreter ay isang kabawasan sa ating bansa na kilalang mahusay sa wikang Ingles na pinatunayan sa mga pageants. Kung sakali man na kumuha si Maxine ng interpreter, siya ang kauna-unahan at magiging kahihiyan sa ating bansa.
Taliwas ako sa paniniwalang ito ng ating mga kababayan. Nagagawang sabihin nila ito dahil sa kolonyal na pag-iisip natin. Kung iisipin natin, isa itong oportunidad ng ating bansa na ipakilala sa mundo ang ating magandang wika na gagamitin ng ating kandidata sa pandaigdigang paligsahan ng pagandahan. Gaya ng mga Latina, gumagamit sila ng interpreter bukod sa hindi sila mahusay sa wikang Ingles bagkus ipinagmamalaki nila ang kanilang wika. Ang wikang Filipino ay kaluluwa ng isang bansa. Ito ang magpapakilala ng isang Pilipino na ipinagmamalaki niya ang kanyang wika na kanyang ginagamit. Pinakikita nito ang kultura na nakasamin sa ating wika. Iwaksi natin ang maling persepsyon sa paggamit ng interpreter ni Maxine. Huwag nating pababain ang ating pagka-Pilipino sa paggamit ng ating wika na sa pag-iisip ng mga Pilipino na may kolonyal na pag-iisip na nagpapakita ng kahinaan ng isang kandidata kung gagamit ang ating kandidata nito. Kung gayon, gayun din ang pagtingin natin sa mga Latina beauties sa mga pageants? Mali! Tayo lamang ang nag-iisip nito at humuhusga sa tao. Huwag nating husgahan ang tao dahil sa kanyang wikang ginagamit o sa hindi siya mahusay sa pagsasalita ng wikang banyaga. Dapat nating isipin ang magandang posibilidad kung gagamitin ni Maxine ang ating wikang pambansa. Malay natin ito pa ang maging daan upang masungkit niya ang titulo sa Miss Universe. Kaya para sa akin, dapat siyang kumuha ng interpreter.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento