Sabado, Disyembre 24, 2016

Tunay na Damdamin ng Pasko

Tunay na Damdamin ng Pasko
Allan A. Ortiz



   Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, ang paligid ay masaya; kumukutitap na parol, abalang mga tao sa pamimili ng regalo, maririnig ang awiting pamasko sa radio maging sa mga malls. Sa kabila ng lahat ng ito, kabaligtaran ang nararamdaman ko – kalungkutan.
 Masaya ako dahil may trabaho ako at nakatatanggap ng bonus at 13th month pay sa aking employer. Pinagpapasalamat ko ang mga bagay na ito. Pinagpapasalamat ko ang anumang dumaratinhg sa aking biyaya maliit man o ito o malaki. Sa mga panahong ito ramdam ko sa aking puso ang kalungkutan. Hindi ko magawang makapagsaya sa tuwing may nakikita akong namamalimos sa lansangan; mga batang walang bagong damit, sapatos o laruan. Mga pamilyang natutulog sa bangketa at walang pagkaing napagsasaluhan. Mayroon mang mga taong nagkakaloob ng aginaldo sa mga kapuspalad nating kababayan ngunit hindi naman lahat napagkakalooban.

                Hindi patas ang mundong ito pagdating sa mga natatanggap na biyaya sa atin. Ang iba’y lubos-lubis ang natatanggap ngunit ang karamihan ay salat. May mga labis na natatanggap subalit ni makapagbahagi ay hindi nila magawa. Nasaan ang puso ng Pasko?

                Naramdaman koi to noong namatay ang aking pinakamamahal na ina noong Disyembre 5, 2001. Ito ang unang Paskong malungkot kami sa aming tahanan. May kulang na kaligayahan kaming hinahanap. Ang aking ama’y lunos ang pagdadalamahati lalo nang makita niya akong nagbubukas ng mga regalo. Sabi niya, “Ang Mama mo sana kasama natin…” Hindi ko magawang masiyahan sa pagbubukas ko ng mga regalo mula sa mga natanggap ko sa aking mga mag-aaral. Ito pa naman ang unang taon na ako’y naging guro. Marami akong mga pangarap sa Mama ko ngunit ang lahat ng iyon ay pangarap na lamang. Sa aking pag-iisa at paglilibot noong Paskong iyon, namulat sa mga mata ko ang mga kababayan nating kapuspalad sa lansangan; mga batang namamalimos at kumakatok ang mga bintana ng sasakyan. Nahabag ang puso ko at tinanong sa aking sarili kung bakit ganoon, ako’y mayroon at sila ay wala. Sa aking katanungang ito, wala rin akong kakayahan upang matulungan sila.
               
Maraming taon ang lumipas at nagpatuloy ang ganitong damdamin. Dala ko sa aking pangarap n asana may magawa ako kahit paano upang makatulong sa mahihirap nating kababayan. Ang Panginoon ay mabuti! Tumutugon Siya sa tamang panahon. Taong 2013 nang mailunsad ang Light of Light Ministry. Nagsimula sa pamamahagi ng school supplies sa mga mag-aaral ng Pamplona Elementary Schiol. Di naglaon ay nakapagbahagi ang ministry, sa tulong ng mga mabubuting kaibigan, napagkalooban ang mga bata ng isang masayang Christmas Party. Sa paghahangad ng mga kaibigan at volunteers ay pinagpatuloy ito sa pagbibigay ng pagtuturo sa mga mag-aaral ng Mabuting Balita at mapaunawa ang pagkakaroon ng relasyon kay Hesuristo. Sa sumunod na taon pati mga magulang ay binabahaginan na rin namin ng pagtuturo ng Mabuting Balita sa tulong mg mga kaibigan sa pananampalataya. Kay buti ng Panginoon.
            
    Sa paglipas ng panahon, naunawaan ko na ang tunay na kahulugan ng Pasko. Ang pagdating ng Tagapagligtas sa lahat ng tao. Noon hindi ko naisasapuso ang mga pangungusap na ito. Sa malalim na relasyon ko kay Cristo, naunawaan ko na kung bakit ko naramdaman ang kalungkutan at ngayon ay napalitan na nang kaligayahan. Ang pag-ibig ng Diyos ay tapat. Pinadala niya ang Kanyang butihing anak upang ang makasalanan ay maligtas. Sa pagtanggap ko kay Cristo sa aking buhay, kusang bumubukal sa akin ang mabuting gawa hindi para sa kin kundi para sa ikararangal ng pangalan ni Hesukristo na Siyang nagligtas sa atin sa ating mga kasalanan.

           
 Ipadama natin ito sa lahat. Ito ang tungkuling nararapat nating gawin upang parangalan an gating Panginoon. Ang ibahagi sa lahat , mahirao man o mayaman ang pagdating ni Hesus sa araw ng Pasko bilang isang mahalagang regalo sa atin ng ating Panginoon. Dapat tayong magalak dahil an gating Tagapagligtas ay isinilang sa miundo. Sa paggunit ng Kanyang kapanganakan, ibahagi natin ang Mabuting Balita na si Hesus ay isinilang sa mundo para sa sangkatauhan upang iligtas tayo sa ating kasalanan. Nararapat nating Siyang tanggapin sa ating buhay upang parangalan ang Kanyang pangalan. s

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento