Lunes, Disyembre 19, 2016

Responsibilidad ng Paggamit ng Teknolohiya sa Kasalukuyan


Responsibilidad ng Paggamit ng Teknolohiya sa Kasalukuyan
Allan A. Ortiz
(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan kay Bb. Sofie Gerong, Manager, Book Development Department, ABIVA PUBLISHING HOUSE, INC.
851 G. Araneta Avenue, 1113 Quezon City Office: (632) 7120245 local 228, Mobile: 0920-9777998)


Nabubuhay ang tao sa kasalukuyan sa tinatawag na digital age na  ang lahat ay gumagamit ng mga modernong kagamitan o gadgets. Malaki ang ginagampanan ngayon ng teknolohiya sa pamumuhay ng tao. Mas napadadali nito ang kalagayan o pamumuhay ng tao sa pag-aaral, trabaho, komunikasyon, negosyo at iba pa. Napakalaking tulong ito sa pagpapagaan ng buhay ng tao. Gayundin, napakalaking tulong nito upang mapalaganap ang panitikan Filipino.    
Noon ay pasalimbibig na ibinabahagi ang mga panitikan ng ating mga ninuno hanggang sa paglilimbag upang ito ay mabasa. Ngayon mabilis na itong naipamamahagi at nababasa sa pamamagitan ng paglalagay sa internet. Higit na naging mabilis at mainam ang pagbabahagi at pagpapalaganap ng panitikan sa lahat ng tao at sa iba pang panig ng mundo. Sa tulong ng teknolohiya, gaya ng internet, lalong nakaaakit sa mga kabataan ang pagtangkilik ng panitikan dahil sa maaari na rin itong mapakinggan at mapanood. Nagawa na nilang maglathala ng sarili panitikan sa pamamagitan ng pagba-blog, pagbibigay ng komento, paglalathala ng kanilang sariling kuwento, noobela at iba pa patungkol sa kanilang pangarap at karanasan, pag-a-upload ng mga larawan, o video ng kanilang karanasan at buhay o kilala sa tawag na vlog.
Sa kabilang banda, sobrang kalabisan ang paggamit ng tao ng makabagong teknolohiya at kagamitan maging ng kanilang kalayaan. Sarisaring suliranin ang umusbong sa lipunan gaya ng cyber bullying, cyber crimes, pagnanakaw ng identidad ng ibang tao gamit ang mga social media account at iba pa.
     Kung babalikan natin ang panahon nang mauso ang social media sa bansa gaya ng Friendster, Myspace, Hi5, at Multiply ay nagsisunuran ang maraming Pilipino, lalo na ang mga kabataan na magkaroon ng account. Nariyan na mag-add ka ng mga kaibigan dito basta magandang lalaki o babae bibigyan mo ng imbitasyon. Maging ang pagbabasa ng mga testimonials na binibigay ng mga cyber friends mo rito ay iyong inaabangan, pinagyayabang o hindi kaya inihihingi mo sa kaibigan basta may mabasa lamang sa wall mo. Sa paglipas ng mga taon ay nagkaroon pa ng mas maraming social media platforms ang nagsulputan gaya ng Facebook, Instagram, Twitter, Thumber at marami pang iba. 
     Ayon sa Rapler, sa Pilipinas may 60 milyon -- o 56% ng kabuoang populasyon na nakaka-access sa internet. Taong 2018, inaasahang may 36.2 milyon mula sa 29.88 miyong gumagamit ng Facebook sa Pilipinas kumpara sa karatig bansa sa Asya at sa malalaking bansa gaya ng China ayon naman ito sa ulat sa "Digital in 2017 Global OverviewTaong 2017 nanguna ang bansa sa may pinakamataas na paggamit ng social media. May 4 na oras at 17 minuto ang iginugol ng karaniwang Pilipino sa paggamit ng nito batay sa pagkonsumo ng buwanang paggamit ng data. 
Ngayong 2020 dala ng pandemya tinatayang nasa 10 oras at higit pa ang paggamit ng mga Pilipino sa social media at internet upang may mapaglibanagan habang naka-lockdown. Sa paggamit ng mga social networking sites, kahit sino ay lumulikha na ng sariling account upang makasunod sa trend ng lipunan. Dahil sa ganitong sitwasyon nagsulputan ang suliranin gaya ng pagnanakaw ng identidad, pagkakaroon ng fake accounts, cyber bullying at ang mainit na pinag-uuspaan ang fake news
Kung susuriin, dahil sa mga techie ang mga millennials at kabataan sa henerasyong Alpha, ito ay dahil sa mabilis na pag-usbong ng teknolohiya. Mula sa mga computer at laptops at pag-connect sa internet, mas pinabilis ito sa pamamagitan ng smartphones at wifi. Madali na silang maka-access at makapaglikha ng kanilang account. Sa ganitong paraan ay hindi nila binabasa ang mga terms and conditions na nakasaad sa pagsali sa mga social media networks. Kaya kahit batang paslit sa elementarya ay mayroon nito. Idagdag pa natin ang paglikha ng account ng mga magulang sa kanilang mga anak na kapag tumuntong sila sa edad na sa tingin nila ay maaari na silang gumamit ay ibibigay na sa kanila ang ginawang account
Gayun din ang paglalagay ng mga selfie, na minu-minuto ay naglalagay ang netizens sa sarili nitong mga accounts. Hindi ka pa nakuntento nariyan na ili-link mo pa sa Twitter at Instagram. Pati ang mga isinusulat mo ay hindi maunawaan dahil sa jejemon ito o Taglish o salitang balbal o slang kung tawagin. Isama pa ang mga typo errors, maling bantas at gramatika na nakakainis at nakakasakit ng ulo kapag binasa. Isama pa ang ibinabahaging ang mga post na trending na hindi man lang inalam kung sino ang orihinal na pinagmulan para kilalanin man lang. Maging ang fake news ay ipapasa mo sa iba na hindi man lamang sinuri o binabasa. Dapat natuturuan ang mga kabataan ng netiquette sa paggamit ng social media. Dapat mabatid nila na ang mga ito ay nagagamit rin para sa pambansang layunin para makapagparating ng impormasyon na magbibigay ng kaalaman at solusyon sa umiiral na suliranin sa lipunan. 
     Bawat social networking site ay may kani-kaniyang tungkulin o gamit nito subalit tila hindi ito lubos na nauunawaan ng mga netizens kaya kung saan-saan na lamang nila inili-link ang kanilang mga post para lamang makakuha ng maraming hits, like o layuning mapusuan ng mga makakakita nito. Ano ba talaga ang pangunahing layunin ng gumagamit nito? Magkaugnay ba ang layunin ng gumagamit sa layunin o gampanin ng social networking sites? Nakatutulong ba ito sa nakararami o pansarali lamang ang hangarin upang matugunan lamang ang pansariling interes? 
      May kasabihan, anumang labis ay nakasasama. Sa labis na paggamit ng teknolohiya at kalayaan ng tao na magpahayag, tila nalimutan natin ang responsibilidad sa bawat isa. Kapuwa biktima ang tao at teknolohiya kapabayang umiiral sa ating mundo. Nalimutan ng tao ang kahalagahan at layunin sa paglikha ng teknolohiya at paggamit nito ng tama. Marapat lamang gamitin natin ito nang may kaakibat na respoonsibilidad lalo na ng mga kabataan upang pag-aralan ang panitikan, kultura, at pagbabahagi ng pambansang layunin  upang palaganapin ito.



Wikang Sarili 7, Abiva Publishing House, Inc. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento