Miyerkules, Disyembre 21, 2016

Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna




Ang Kaligirang Kasaysayan ng Koridong Ibong Adarna
 Allan A. Ortiz
(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan kay Bb. Sofie Gerong, Manager, Book Development Department, ABIVA PUBLISHING HOUSE, INC.

851 G. Araneta Avenue, 1113 Quezon City Office: (632) 7120245 local 228, Mobile: 0920-9777998)


“Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania” ang tunay na pamagat ng obrang  “Ibong Adarna” Ito ay isang pasalaysay na tula na walang tiyak na petsa ng pagkakalimbag ang tula, maging ang awtor nito. Bagaman pinaniniwalaan ng ilan na isinulat ni Huseng Sisiw na palayaw ni Jose de la Cruz ang Ibong Adarna ngunit wala pa ring matibay na katibayan na siya nga ang sumulat nito. Ayon kay Julian Cruz Balmaceda, Si Huseng Sisiw ang nagturo umano kay Francisco Balagtas kung paano sumulat ng tula. 
Umiinog ang kasaysayan ng tula sa magkakapatid na prinsipeng  sina Don Juan, Don Diego, at Don Pedro na pawang nagtiyagang makuha ang mahiwagang Ibong Adarna na dumarapo sa puno ng Piedras Platas sa Bundok Tabor. Kailangang mahuli  ng kahit sino man sa magkakapatid ang ibon upang mapagaling ang amang hari na dinapuan ng di matukoy na karamdaman na di kayang lunasan ng kahit sinong mediko.  Tanging ang huni ng mahiwagang ibon ang makapagbibigay lunas sa sakit ng hari. Sa hustong gulang ng mga anak ng hari na dumaan sa pagsasanay sa pananandata ay kailangang humarap sa mga pagsubok. Nabigong kapwa sina Don Diego at Don Pedro sa paghuli sa mahiwagang ibon dahil sa nakatulog sa matarling na awit ng Ibong Adarna at naghunos bato nang maiputan ng ibon. Ang kapalaran ni Don Juan ay naiba dahil nabatid niya ang lihim ng mahiwagang ibon sa tulong ng isang matandang lalaking pinagkalooban niya ng tulong sa daan. Ipinagkaloob kay Don Juan ang mahihiwagang gamit upang mabihag ang Ibong Adarna gayindin kung paano mapanunumbalik ang kanyang dalawang kapatib na naging batong buhay. Dahil sa inggit nila Don Pedro at Don Diego kay Don Juan, pinagtaksilan nila ang kanilang kapatid. Iniwan ng dalawang kapatid si Don Juan sa isang malalim na balon na muntik nitong ikasawi at inagaw ang Adarna. Iniligtas si Don Juan ni Donya Maria na nakatira sa ilalim ng mahiwagang balon at ipinagpatuloy ang pakikipagsapalaran sa lupain ng Reino de los Cristal. Sa kanyang pakikipagsapalaran ay naramdaman niya ang pag-ibig sa dalawa pang kapatid ni Maria, na sina Donya Leonora at Donya Juana ngunit  kailangang muling dumaan siya sa mga pagsubok na mula kay Haring Salermo.
Nagtagumpay si Don Juan sa mga pagsubok at nagpakasal kay Donya Maria. Samantala, ang Ibong Adarna ay nagsilbing tagapagbunyag ng lihim na pagtataksil kay Don Juan. Nagsilbi itong instrumento upang itampok ang mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng mga prinsipe sa iba't ibang pook.
Ang tulang korido ay isang anyo ng tulang Español na gumagamit ng sukat na wawaluhin at karaniwang may isahang tugma. Karaniwang pinapaksa ng koridong Español ang buhay o pakikipagsapalaran tulad ng pakikipagsapalaran at buhay  nina Charlemagne (Carlo Magno) at Haring Arthur (Arturo), at ang kaligiran ng Troya, Gresya, at Roma batay sa pag-aaral ni Damiana L. Eugenio. Nakapaloob sa mga elemento ng tulang korido ang matimyas na pag-iibigan, ang relihiyosong paniniwala, at ang kagila-gilalas o di kapani-paniwalang pangyayari. Ang mga katangian ng korido ay kinasangkapan ng mga katutubong Pilipino upang ipakilala ang naiibang kaligiran Batay sa malalim na pag-aaral ni Virgilio S. Almario sa katutubong tulang Tagalog, ang terminong “korido” ay ginamit sa Filipinas upang ibaon ang dalit na isang tulang may sukat ay wawaluhin din at may isahang tugma
Galing ang salitang korido Mehikanong salitang “corridor” na ibig sabihin ay “kasalukuyang pangyayari”, ang salitang ito naman ay mula sa Kastilang “occurido” na isang anyo ng tulang romansa. Ito’y  naglalarawan at nagpapamalas ng pakikipagsapalaran sa buhay ng mga kababalaghan at pantasya, kagitingan, kabayanihan at pagkamaginoo. Lumaganap sa Europa ang korido bilang isang mataas na uri ng libangan na batay sa mga alamat, kuwentong-bayan ng Espanya, Denmark, Pransiya, Gresya, Italya, Austria, Germany,  at maging sa Tsina at Malay o Polenesia.
Ayon na rin sa pag-aaral ni Roberto T. Añonuevo , ang koridong Ibong Adarna ay may 1,056 saknong na  umabot sa 48 pahina. Maraming alusyon ang ginamit sa korido mula sa Europa, sa Gitnang Silangan na may bahid ng Kristiyanismo na nakapalooban din ng mga konseptong Budismo at Islam,.
Hindi nalalayo sa mga epikong bayan sa Pilipinas ang dalumat ng Ibong Adarna batay sa malalim at na pag-aaral ni Añonuevo.. May mga epikong katutubo na may kinalaman sa ibon dahil maraming ibon sa ating bansa. Tulad na lamang ng epikong Kudaman at Manobo ay nakapagsasalita ang ibon at may kapangyarihang makapagpagaling ng karamdaman, nakalilipad ng matayog, at tumutulong sa nakapagpapaamo rito
Sa panahon ng pananakop ng Español, nakaabot sa Mexico ang koridong Ibong Adarna at di kalaunan ay nakarating sa Pilipinas. Ginamit ito ng mga Español sa pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyanismo na kinapalooban ng katutubong kaugalian ng mga katutubo sa Pilipinas maitanghal ang natatangi at naiibang kaligiran nito gayong ito’y banyagang padron.
Kinahumalingang basahin ng mga katutubo ang korido marahil sa wlaang ibang anyong panitikan ang mababasa maging sa panahong iyon ay mahigpit ang mga prayle sa pagpapahintulot ng paglilimbag o pagpapalaganap ng mga iba’t ibang uri ng babasahin. Kinakailangan may kinalaman sa pananampalataya ang mga akdang ipalilimbag. Naibigan at tinangkilik ng mga katutubo ang maharlikang pamumuhay sa mga kaharian na mababasa sa mga akdang pinalaganap ng mga Español na taliwas sa pamumuhay dito sa Pilipinas.
Sa ibang paningin, ang  Ibong Adarna ay maituturing na kwentong-bayan sapagkat walang tiyak na sumulat nito. Maraming palagay tungkol sa Ibong Adarna: ito ay isalin sa wikang Tagalog, mula sa ibang bansa sa Europa ang orihinal na pangalan ng akda at hindi na naisama ang pangalan ng may-akda; ang pangalan ng tagapagsalin ay hindi naisama sa pagpapalathala; sulat-kamay ang unang salin at hindi nakopya ang pangalan ng naunang nagsalin; hindi tiyak ang tunay na may-akda nito at pinili ng mga tagapagsalin na hindi na isama ang kanilang pangalan sa pagpapalimbag. Naging tanyag ang Ibong Adarna sa ating bansa nang isalin ito sa katutubong wika ibinibenta sa mga perya. Mabilis itong lumaganap dahil karaniwang palipat-lipat ang perya sa mga bayan kung saan may pagdiriwang ng pista. Gayumpaman, di ganap ang paglaganap nito dahil maraming katutubo ang hindi marunong magbasa at ilan kopya ang napalimbag.  Di naglaon, itinanghal sa entablado ang Ibong Adarna gaya ng komedya at moro-moro na napapanood tuwing kapistahan sa bayan. Ang kasalukuyan nating nababasang korido ay isinaayos na salin ni Marcelo P. Garcia noong 1949 batay sa kanyang pag-aaral. Maraming anyo ang Ibong Adarna sa paglipas ng panahon. Hinalaw ito sa pelikula, dulang panradyo, teatro, sayaw at sarisaring pagtatanghal. Nabago ang nilalaman ng Ibong Adarna nang ito’y inilimbag sa teksbuk dahil sa mga editor na huwak nito. Nariyan na binago ang anyo nito maging ang pagbabaybay ng mga salita upang matugunan ang panlasa ng mga mambabasa at nais ng mga publikasyon. Hanggang ngayon, bahagi pa rin ng kurikulum sa mataas na paaralan ang pagbabasa at pagtalakay ng Ibong Adarna na nagpapakilala ng kasaysayan ng ating bansa, kultura, paniniwala, pamumuhay at pag-uugali.
Kahit hindi orihinal sa ating bansa ang Ibong Adarna, kinikilala itong bahagi ng Panitikang Pilipino gaya ng “Bernardo Carpio.” Dahil taglay nito ang kaugalian, kultura, paniniwalang Pilipino tulad ng pagmamahal sa pamilya, magulang, pagpapahalaga sa edukasyon, pananampalataya sa Diyos, pagtulong sa kapwa lalo na sa nagangailangan, pagpapatawad, utang na loob at marami pa.
Higit na pinalalaganap ang obrang ito sa patuloy na pag-aaral sa mataas na paaralan sa ikapitong baitang sa pagpapatibay at kalinangan ng kulturang Pilipino at kahusayan ng panitikang Pilipino.
PAGHAHAMBING NG AWIT AT KORIDO
Ang AWIT at KORIDO ay dinala ng mga Español sa bansa mula sa Europa. Ang “Ibong Adarna” ay sinasabing hango sa mga kuwentong bayan sa iba’t ibang bansa sa Europa tulad ng Germany, Denmark, Romania, Austria, Finlad, at Indonesia. Taglay ng “Ibong Adarna” ang motif at cycle sa mga kwentong bayan: may sakit ang inang reyna o amang hari at tanging mahiwagay bagay gaya ng tubig, halaman o hayop gaya ng ibon ang makapagbibigay lunas sa karamdaman.  
Ilan sa mga akda na may pagkakatulad sa “Ibong Adarna”:
1. Mula ito sa Kwentong “Scala Celi”. Kinalap ng isang paring Dominiko, na sinasabing katha noong pang 1300.
2. Mula sa Denmark(1696).
3. Mula sa Malayo-Polinesia,sinulat ni Renward Branstetter.
4. Mula sa Hessen, Alemanya (1812)  "The Golden Bird"
5.  Mula sa Paderborn, Alemanya
6.  Mula sa Vaderbon, isinulat ni Gretchen Wild ang “Ang Maputing Kalapati” (1808)
7.  Mula sa “Isang Libo’t Isang Gabi”
8. Mula sa Malische- Marchen na tinipon ni Paul Ambruch
Sanggunian: 
http://documents.tips/

https://filipinotek.wordpress.com/

2 komento:

  1. Thank you..this helped me much for my assignment😄

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Sana makatulong at magawan ng wastong bibliograpiya. Makikita rin ito sa lalabas na text book ng Abiva na Wikang Sarili 7. Abangan na lamang po ang paglabas nito.

      Burahin