Biyernes, Agosto 7, 2020

Magkababata (Kuwentong may patungkol sa antas ng wika)

 

Magkababata

Allan A. Ortiz

 

                Sabado na naman. Masaya para sa akin ang araw na ito. Nakikita ko ang mga bata na naglalaro sa tapat ng aming bahay kasama ang mga pamangkin ko. May malaki kasing puno ng mangga kaya malilimin sa kalsada na pinaglalaruan nila. Palagi silang naglalaro ng tsato, patintero, taguan at piko. Minsan ay naglalaro sila ng mga board games gaya ng monopoly, scrabble at millionaires game.

                Maraming nabubuong kuwento at pagkilala sa bawat isa sa kanila. Sa palagian nilang pagsasama sa kanilang paglalaro, may nabubuong pagtitinginan, kung minsan pikunan at tampuhan. Lahat iyan ay away bata lamang. Pero paglumaki sila, mauunawaan nila at pagtatawanan nila ang kanilang mga sarili.

                “Nasaan na sila? Kailangang makabawi kami sa laro kahapon,” maangas na hamon ni Bimbo sa mga kalaro.

                “Parating na iyon,” tugon ni Jon-jon. “Alam ko sila Allan ay kailangan pang maglinis ng bahay bago lumabas.”

                “Basta gaya pa rin ng kampihan,” wika ni Bimbo.

                Dumating ang ilan pang mga bata na kalaro rin nila kahapon. Tila maganda ang laro ngayon. Mahigpit ang labanan kahapon ng magkakalaro sa patintero. Ayaw magpatalo ng pamangkin ko sa kalaban nila nang siya ang naging patotot nang sila ang taya. Nang makaalpas ang kalaro niyang si Titan ay siyang pagtaya niyo pero nakapasok na siya sa kabila pero nagpoprotesta ang pamangkin kong si Bimbo. Ayaw patalo.

                “Eprs, maglalaro pa ba tayo?” tanong ni Titan.

                “Di ko alam sa inyo, di ko matagalan ang kadayaan ni Bimbo. Pikon pa,” sagot ni Alvin sabay tawa ng malakas.

                “Alvin, ang utol mo, nasaan na? Lalabas ba siya para maglaro?” tanong ni Bonbon kay Alvin.

                “Oo, naghuhugas lang ng pinagkainan namin,”

                Lumabas si Eliza at Rory kasabay na lumabas sa bahay si Emer. Napalingon ako sa kanila. Napansin kong natigilan si Liza nang makita ang kababata. Si Emer ay nakatingin lang sa magkapatid. Sa di ko maipaliwanag na dahilan biglang nagtatakbong pumasok si Eliza ng bahay.

                “Ate, napaghahalata ka!” sabay tawa ni Rory nang malakas.

                “Okray ka talaga Rory. Wag ka ngang maingay dyan,” sabi ni Eliza na namumula ang mukha.

                 "Si Ate imbiyerna na," sabay halakhak. “Tato, nasaan na si Maricris, itutuloy raw natin ang laro,” sigaw ni Rory sa pinsan.

                “Maka-Tato ka naman. May pangalan ako, Maricel at maganda ang pangalan ko,” sabay ngiti at may pamewang pa.

                Nang makumpleto na ang magkakaibigan, tinawag na ni Bimbo ang kanyang mga kapatid at mga pinsan. Biglang lumabas si Uncle Willie. Si Wiilie ang labandera ni Aling Baby, nanay nila Eliza, Rory at Bimbo. Hindi pantay ang paa nito kaya kung maglakad ay parang iika-ika. Kaya laging binibiro ng mga bata na “5-6, 5-8.”

                “Naku, maglalaro na naman kayo, tapos mawawarla ka Bimbo kapag natalo kayo!” ani Willie.

                “Huwag ka nang magulo Uncle!” sigaw ni Bimbo.

                “Aba, sinisigawan mo na ang Uncle mo, jombagin kaya kita nang makita mo!” sabay amba ng braso kay Bimbo at sabay iwas nito.

                Nagsimula na ang laro. Sinakop nila ang kalye kapag naglalaro ang mga bata. Kapag may paparating na mga tricycle o kotse ay tatabi ang mga bata at saka babalik sa mga posisyon nila kapag wala nang sasakyan.    

                “Maricel, si Dady-daddy mo! Nakasakay sa broom-broom Brunei,” sigaw ni Uncle Willie.

                Natigilan ang lahat. Si Maricel biglang tumakbo papasok ng aming compound.

                “Anong nangyari roon?” tanong ni Alvin.

                “Crush kasi ni Maricel si Bobby,” sagot ni Bonbon.

                “Tato! Wala na si uyab mo. Ikaw na lang ang hinihintay!’ sigaw ni Rory.

                Patakbong pabalik si Maricel sa kalsada. Natatawa ako kasi sa murang edad nila ay may ganito na silang pagtingin sa kanilang mga kalaro o kakilala.

                “Ang ibad na ito, nagtatago pa, na-buya pa…pa-shy effecting pa… kalorki ka!” sabay irap ni Uncle.

                “Ewan ko sa iyo Uncle! Inis na sagot ni Maricel sabay irap ng mata.

                Ewan ko ba dito kay Uncle Willie, pilit na mag-ingles mali-mali naman. Napapangiti na lang ako sa kanya. Ang mga bata nasanay na sa kanya kahit alam kong sumasakit ang brain cells nilang intindihin ang pinagsasabi nito.

                Nagpatuloy na muli ang paglalaro. Dumating ang ilang mga bata ng aming lugar, si Nino at Jumbo.

                “Mga Badeth!” sigaw ni Uncle Willie kina Nino at Jumbo.

                “Ano na Mama? Shala ng lola mo oh." sabay turo kay Willie. "Pantay na ba ang kalye?” sabay tawa ni Jumbo.

                “Shuta ka! Julalay. Jombagin kita dyan! Insekyora! Tsug!” sabay amba ng pagsuntok kay Jumbo.

                “Loley, rarampa bells ka ba mamayang gabi?

                “Kapag eclipse na ang mag telitubies. Alam n’yo naman si watashi ninyo dakilang katuray.”

                “Maggi at yawga syugalstra at ang mga otoko…hmmm..” sabi ni Nino.

                 “Gigiera!” sigaw ni Jumbo sabay irap ng mata na may ngiting mapang-asar kay Nino. 

                Biglang nagsigawan ang mga batang naglalaro. Nadapa si Eliza. Biglang lumapit si Emer sa kababatag nasaktan.

                “Okay ka lang?” tanong ni Emer kay Eliza.  “May sugat ka sa tuhod.”

                “Ate, napakalampa mo talaga,” sabay tawa ni Rory.

                “Ate, okay lang iyan. Malayo yan sa bituka,” dagdag ni Bimbo.

                Natuwa naman ako kasi inalalayan ni Emer si Eliza na makaupo sa tabi.

                “Masakit ba?” tanong ni Emer.

                “Siyempre masakit 'yan Kuya, ano ka ba, may sugat eh.” sabat ni Alvin sa kapatid.

                “Wow naman, ang sweet,” panunukso ni Maricel.

                “Magtigil ka nga Tato,” sigaw ni Eliza.

                Pumasok pala si Uncle at kumuha ng bulak at panlinis ng sugat.

                “Hay naku, itong alaga ko, napakalampa talaga. Magpapayat ka kasi. Paano ka magugustuhan nitong si Emer kung lalampa-lampa ka,” sabay tingin ni Uncle kay Emer may tinging panunukso.

                “Erps, kaya pala ha, super alalay ka kay Eliza,” tukso naman ni Bonbon.

                “Naku, Ate, umeksena ka naman eh, matatalo tayo niyan,” sabi ni Bimbo.

                “O, paano ba yan, itutuloy ba natin ang laro?", tanong ni Titan.

                “Kailangan natin ng sub kay Eliza,” sabi ni Alvin.

                “Mga Beks, baka gusto ninyong maglaro. Sub ka muna kay Eliza. Jumbo?” mungkahi ni Uncle Willie.

                “Oo nga, sub ka muna Jumbo,” pagsang-ayon ni Bimbo.

                “Maggi, yawga ko ng ganyang laro, hahaha” sabay hawi ng buhok sa harapan.”

                “Ikaw Nino baka gusto mong maglaro?” tanong ni Bonbon.

                “Naku madali akong matataya sa taba kong ito,” sagot ni Nino.

                Matapos lamang linisan ang sugat ni Eliza, nagdesisyon siyang maglaro uli.  Kahit natalo sila Bimbo sa laro ay masaya pa rin ang lahat. Marami akong emosyong nakita sa kanila. Masaya silang pagmasdan. Masarap maging bata at balikan ang ginagawa nila gaya ng paglalaro sa kalsada.

 

Agosto 7, 2020

MGCQ, Ecotrend Villas, Zapote.  4:35pm.

Alala-ala ng pagkabata.

 

               

               

 

 

Biyernes, Hulyo 31, 2020

Pagbigkas ng Tula

PAGBIGKAS NG TULA

Masining na Pagbigkas ng Tula

Layunindapat ganap na nauunawaan ng mambibigkas ang layunin ng tulang bibigkasin upag mabigyang buhay ang kahulugan ng tula.

Karaniwang Layunin ng Tula

šMagpakilos tungo sa isang pagsasagawa
šTinagin ang madla
šManghikayat upang mapaniwala sa isang katotohanang nais ilahad
šMagbigay ng mahalang kaalaman tungkol sa isang paksa
šMagbigay-diin sa madla

Masining na Pagbigkas ng Tula

šPagkakaugnay sa Mambibigkas sa Madla

- Ang kakayahan ng mambibigkas na mmahikayat ang madla batay sa reaksyon nila


šTindig/Tikas 
      – sa pamamagitan ng pagtayo ng tao at tindig ay mambibigkas, madaling mahikayat ang mga tagapakinig sapagkat makikita at masasalamin ang katatagan ng damdamin at tiwala sa sarili ng mambibigkas
šPanuoran ng Paningin 
      – ang mabisang pakikipag-ugnayan ng mambibigkas sa kanyang madla. Ito ay batay sa kanyang pagtuon ng paningin sa madla

šTinig 
       – pinakamahalagang puhunan ng isang mambibigkas. Ang lakas at hina ng tinig na ginagamit ng tagapagsalita upang mahikayat at makinig nang taimtim ang mga tagapakinig.
š Himig 
       – paglalapat ng wastong himig sa tula. Kuung ang himig ay umiiyak, naghuhumiyaw, masaya, at iba pa. Kasama nito ang paglakas-paghina, lakas-hina ng tinig sa pagbigkas. Nagkakaroon ng diwa ang tula batay sa himig ng pagbigkas
š Pagbigkas 
       – kalinawan ng pagbigkas ng mga salita, wasto, matatas, malinaw na pagbibitiw ng salita ayon sa pagkakapantig at diin.
šGalaw 
      – marapat lamang na maging natural, malaya, at maluwag ang paggalaw ng mambibigkas. May katumbas at dalang pakahulugan sa bawat galaw ng tagapagsalita na nakapagdaragdag ng hikayat sa mga nakikinig.
šKumpas 
      – kapag sinabing kumpas, ito ay galaw ng buong katawan. Ginagamit ng mambibigkas ang kumpas upang bigkayng-diin ang ipiunahahayag na kaisipan


Miyerkules, Mayo 27, 2020

Nasaan na ang standard at respeto sa edukasyon at pagtuturo?


Nasaan na ang standard at respeto sa edukasyon at pagtuturo?
Allan A. Ortiz

                Bilang isang guro, tungkulin nating maibigay ang kalidad na pagtuturo sa mga mag-aaral at matiyak na nakuha nila ang kasanayang dapat nilang matamo. Subalit tunay nga bang nangyayari ang ganitong pagkamit para sa mga mag-aaral at sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas?
                Tungkulin ng isang guro na magturo, maghanda ng kanilang mga materyales para sa kanyang klase upang maging kaiga-igaya at makamit ang inaasahang layunin para sa isang aralin. Sadyang nagbabago ang panahon. Gaya ng ng sinasabi, hindi natin maaaring ikumpara ang mga mag-aaral natin noon sa kasalukuyan. Tama rin na bigyan nating konsiderasyon ang mga mag-aaral sa kasalukuyan. Ang guro ang nakapupuna at nakararanas ng kalagayan ng mga mag-aaral sa loob ng klase. Aalam niya ang suliraning kinakaharap nito sa kanyang mga mag-aaral pagdating sa disiplinang pang-edukasyon. Sa mga matagal na pagtuturo, naranasan ninyo marahin ang mga tunay na mahuhusay na mga mag-aaral na nagsusunog ng kilay para sa kanyang pag-aaral. Naryan na makikita ang kahusayan at kagalingan dahil nagagamit nila ang kasanayang itinuro sa kanila ng kanilang mga guro. Sa mga bagong guro na di nakaranas nito, nararansan ninyo marahil ang sakit ng ulo sa mga mag-aaral na walang inatupag kundi ang gumamit ng cellphone, makipag-chat, gumawa ng mga bagay online na sila ang bumibida. Nasaan na sila sa klase? Panakaw na gumagamit ng kanilang gadgets habang nagtuturo ang guro, wala nang disiplina dahil napupuyat kalalaro ng online games imbis na mag-aral, magbasa at gumawa ng kapaki-pakinabang para sa kanila. Masasabi bang ito ay isang teacher factor kung bumagsak ang mag-aaral?
                Masasabi ng ilan na dapat inaalam mo ang suliranin ng mga mag-aaral at dapat bilang guro ay tinutulungan mo sila. Maaaring argumento sa bagay na ito, dito na lang ba iikot ang mundo ng isang guro? Paano na ang kanyang buhay? pamilya? Paglilibang at iba pa? Hindi kayang akuin ng isang guro o ng mga guro ang bawat suliranin ng mga mag-aaral dahil isa lang ang guro at marami ang mga estudyante at iba’t iba ang kanilang pagkatao at pag-uugali maging ang antas ng pinagdadaanan nila sa buhay at kung paano nila ito harapin. Nakaatang na ba asa balikat ng guro ang tungkulin ng magulang na dapat sa tahanan dapat sinisimulan ang disiplina? Ganito na ba patungo ang kultura ng edukasyon sa ating bansa?
                Suriin muna natin kung bakit nagkakaganito ang mga mag-aaral. Sa aking obserbasyon at pananaliksik, ang mga pinagdaraanan personal ng mga batang ito ay matatagpuan sa kanilang tahanan. Ang kawalan ng pag-aarauga ng magulang dahil sia ay OFW, naiwan sa kaanak o kasambahay; hiwalay ang mga magulang, may ibang pamilya na ang nanay o ang tatay; dahil sa abala sa trabaho, ibinibigay ang lahat sa mga anak kung ano ang hilig nito, mga bagay na nagpapasaya sa kanila subalit ang hinahanap nila ay oras ng magulang sa anak; ang paggamit nang labis ng social media, gadgets at kung ano-anong nababasa sa internet na pagnanais ituwid o i-justify ang isang maling paniniwala para tanggapin ng nakararami at maging katanggap-tanggap na sa lipunan. Ang baling tuloy ng suliraning ito ay solusyunan ng sistema ang edukasyon ang lumalalang kalagayan ng mga kabataan na kung saan dito itinuturo ang wasto at nararapat gawin nila para sa lipunan. Tama nga ito ay gawain ng edukasyon at ng paaralan subalit ang pundasyon ng matatag na pagkatao ng isang kabataan ay nagmumula sa pagtuturo ng magulang sa loob ng tahanan.
                Kung papansinin natin, sa mga guro, tayo ay sumusunod sa mga pamantayang ibinigay, ibinabahagi sa atin para sa dekalidad na edukasyon. Ginawa ito upang baging batayan upang nakasusunod ang mga guro sa pamantayan nito pagdating sa kalidad. Subalit nag-iiba ang kalakaran. Maraming pagkakataon pakikiusapan kang kung maaaring bigyan ng konsiderasyon ang isang mag-aaral para maiangat ang marka nito at makapasok sa merit na makukuha ng mag-aaral. Sa ganitog sitwasyon, sinasabi ng ilang guro na maaaring pagbigyan pero ito ay nagiging madalas na at nakasanayan na hanggang na nagiging kultura sa loob ng sistema ng paaralan. Nasaan na ang prinsipyo ng guro sa bahaging ito? Nasaan na ang respeto sa gurong nagtuturo at nagbigay ng pagtataya sa mga-aaral niya? Sa ganitong sistema, ipinapasa natin ang mga estudyante na may kakulangan sa kasanayan na itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon. Gaya na lamang pagdating sa asignaturang Filipino. Dapat sa elementarya pa lamang ay malinang na ang kahusayan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng pangungusao, talata hanggang sa makabuo ng makabuluhang sanaysay, pagtalakay o pagsusuri. Sa reyalidad, karamihan sa mga mag-aaral ay hirap sa pagsusulat, walang saysay ang pagbuo ng pangungusap, walang mastery sa teknikalidad ng pagsulat at paggamit ng wika – pagbabantas, gamit ng maliit at malaking titik, wastong panlapi sa pandiwa at maramim pang iba, isama mo pa riyan ang pagbuo ng talata, pag-uugnay ng mga talataan, ang nilalaman nito. Sapat na bang ipasa ang mga mag-aaral kahiot hindi pa ganap na nakuha o na-master nila ang kasanayang ito na mahalaga sa kanilang pagtuntong sa junior high school hanggang sa kolehiyo?
                Tila nawalang saysay ang pamantayan o standard na yinakap ng mga paaralan na nararapat sinusunod. Nawawala na rin ang integridad ng isang guro, respeto nito sa kanyang sarili at prinsipyo nito sa pagtuturo kung patuloy ang gawing palitan ang marka ng mag-aaral para sa konsiderasyon.
                Marahin nauunawaan ako ng mga tinatawag na seasoned teachers na sa kanilang pagtuturo ay naibigay nila ang tunay na kalidad na edukasyon dahil taglay nila ang kanilang prinsipyo, dignidad at respetong pansarili sa pagtuturo. Sa mga baging sibol na guro, marami s ainyo ang idealistic na gustong gawin ito para sa kanyang mga mag-aaral subalit hindi natutupad dahil sa nadidismaya sila sa ibinibigay na effort o pagsisikap. Nanaghari na sa mga bata ang katamaran at ibang pananaw pagdating sa pag-aaral dahil sa impluwensyang dulot ng teknolohiya, gadgets, at maling impormasyong nababasa.
                Ang pagtamo ng kalidad na edukasyon ay nasa kamay isang matatag na sistema na pagtalima sa itinakdag pamantayan na sinusunod ng bawat guro at mga namumuno. Ang pundasyon ng pagkatuto ng bata ay nagsisimula sa tahanan sa paggabay ng mga magulang. Hindi matitinag ang isang bata kung matatag ang pundasyong itinanim ng mga magulang nito sa anak. Huhubugin na lamang ito ng paaralan sa tulong ng mga mahuhusay na guro – gurong may puso s apagtuturo, may prinsipyo, paninindigan at respeto sa kanyang propesyon.