Ang Kaligirang Kasaysayan ng Koridong Ibong Adarna
Allan A. Ortiz
(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan kay Bb. Sofie Gerong, Manager, Book Development Department, ABIVA PUBLISHING HOUSE, INC.
851 G. Araneta Avenue, 1113 Quezon City Office: (632) 7120245 local 228, Mobile: 0920-9777998)
“Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong
Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa
Cahariang Berbania” ang tunay na pamagat ng obrang “Ibong
Adarna” Ito ay isang
pasalaysay na tula na walang tiyak na petsa ng pagkakalimbag ang tula, maging
ang awtor nito. Bagaman pinaniniwalaan ng ilan na isinulat ni Huseng Sisiw na
palayaw ni Jose de la Cruz ang Ibong Adarna ngunit wala pa ring matibay na katibayan
na siya nga ang sumulat nito. Ayon kay Julian Cruz Balmaceda, Si Huseng Sisiw ang
nagturo umano kay Francisco Balagtas kung paano sumulat ng tula.
Umiinog
ang kasaysayan ng tula sa magkakapatid na prinsipeng sina Don Juan, Don Diego, at Don Pedro na
pawang nagtiyagang makuha ang mahiwagang Ibong Adarna na dumarapo sa puno ng
Piedras Platas sa Bundok Tabor. Kailangang mahuli ng kahit sino man sa magkakapatid ang ibon
upang mapagaling ang amang hari na dinapuan ng di matukoy na karamdaman na di
kayang lunasan ng kahit sinong mediko. Tanging
ang huni ng mahiwagang ibon ang makapagbibigay lunas sa sakit ng hari. Sa
hustong gulang ng mga anak ng hari na dumaan sa pagsasanay sa pananandata ay
kailangang humarap sa mga pagsubok. Nabigong kapwa sina Don Diego at Don Pedro
sa paghuli sa mahiwagang ibon dahil sa nakatulog sa matarling na awit ng Ibong
Adarna at naghunos bato nang maiputan ng ibon. Ang kapalaran ni Don Juan ay
naiba dahil nabatid niya ang lihim ng mahiwagang ibon sa tulong ng isang
matandang lalaking pinagkalooban niya ng tulong sa daan. Ipinagkaloob kay Don
Juan ang mahihiwagang gamit upang mabihag ang Ibong Adarna gayindin kung paano
mapanunumbalik ang kanyang dalawang kapatib na naging batong buhay. Dahil sa
inggit nila Don Pedro at Don Diego kay Don Juan, pinagtaksilan nila ang
kanilang kapatid. Iniwan ng dalawang kapatid si Don Juan sa isang malalim na
balon na muntik nitong ikasawi at inagaw ang Adarna. Iniligtas si Don Juan ni
Donya Maria na nakatira sa ilalim ng mahiwagang balon at ipinagpatuloy ang
pakikipagsapalaran sa lupain ng Reino de los Cristal. Sa kanyang
pakikipagsapalaran ay naramdaman niya ang pag-ibig sa dalawa pang kapatid ni
Maria, na sina Donya Leonora at Donya Juana ngunit kailangang muling dumaan siya sa mga pagsubok
na mula kay Haring Salermo.
Nagtagumpay
si Don Juan sa mga pagsubok at nagpakasal kay Donya Maria. Samantala, ang Ibong
Adarna ay nagsilbing tagapagbunyag ng lihim na pagtataksil kay Don Juan. Nagsilbi
itong instrumento upang itampok ang mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng
mga prinsipe sa iba't ibang pook.
Ang
tulang korido ay isang anyo ng tulang Español na gumagamit ng sukat na wawaluhin at karaniwang may
isahang tugma. Karaniwang pinapaksa ng koridong Español ang buhay o pakikipagsapalaran tulad ng pakikipagsapalaran
at buhay nina Charlemagne (Carlo Magno)
at Haring Arthur (Arturo), at ang kaligiran ng Troya, Gresya, at Roma batay sa
pag-aaral ni Damiana L. Eugenio. Nakapaloob sa mga elemento ng tulang korido
ang matimyas na pag-iibigan, ang relihiyosong paniniwala, at ang kagila-gilalas
o di kapani-paniwalang pangyayari. Ang mga katangian ng korido ay kinasangkapan
ng mga katutubong Pilipino upang ipakilala ang naiibang kaligiran Batay sa
malalim na pag-aaral ni Virgilio S. Almario sa katutubong tulang Tagalog, ang
terminong “korido” ay ginamit sa Filipinas upang ibaon ang dalit na isang
tulang may sukat ay wawaluhin din at may isahang tugma
Galing ang salitang korido Mehikanong salitang
“corridor” na ibig sabihin ay “kasalukuyang pangyayari”, ang salitang ito naman
ay mula sa Kastilang “occurido” na isang anyo ng tulang romansa. Ito’y naglalarawan at nagpapamalas ng
pakikipagsapalaran sa buhay ng mga kababalaghan at pantasya, kagitingan,
kabayanihan at pagkamaginoo. Lumaganap sa Europa ang korido bilang isang mataas
na uri ng libangan na batay sa mga alamat, kuwentong-bayan ng Espanya, Denmark,
Pransiya, Gresya, Italya, Austria, Germany, at maging sa Tsina at Malay o Polenesia.
Ayon na
rin sa pag-aaral ni Roberto T. Añonuevo , ang koridong Ibong Adarna ay may
1,056 saknong na umabot sa 48 pahina.
Maraming alusyon ang ginamit sa korido mula sa Europa, sa Gitnang Silangan na may
bahid ng Kristiyanismo na nakapalooban din ng mga konseptong Budismo at Islam,.
Hindi
nalalayo sa mga epikong bayan sa Pilipinas ang dalumat ng Ibong Adarna batay sa
malalim at na pag-aaral ni Añonuevo.. May mga epikong katutubo na may kinalaman
sa ibon dahil maraming ibon sa ating bansa. Tulad na lamang ng epikong Kudaman
at Manobo ay nakapagsasalita ang ibon at may kapangyarihang makapagpagaling ng
karamdaman, nakalilipad ng matayog, at tumutulong sa nakapagpapaamo rito
Sa
panahon ng pananakop ng Español, nakaabot sa Mexico ang koridong Ibong Adarna
at di kalaunan ay nakarating sa Pilipinas. Ginamit ito ng mga Español sa
pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyanismo na kinapalooban ng katutubong
kaugalian ng mga katutubo sa Pilipinas maitanghal ang natatangi at naiibang
kaligiran nito gayong ito’y banyagang padron.
Kinahumalingang basahin ng mga katutubo ang korido marahil
sa wlaang ibang anyong panitikan ang mababasa maging sa panahong iyon ay
mahigpit ang mga prayle sa pagpapahintulot ng paglilimbag o pagpapalaganap ng
mga iba’t ibang uri ng babasahin. Kinakailangan may kinalaman sa
pananampalataya ang mga akdang ipalilimbag. Naibigan at tinangkilik ng mga
katutubo ang maharlikang pamumuhay sa mga kaharian na mababasa sa mga akdang
pinalaganap ng mga Español na taliwas sa pamumuhay dito sa Pilipinas.
Sa ibang paningin, ang Ibong Adarna ay maituturing na kwentong-bayan
sapagkat walang tiyak na sumulat nito. Maraming palagay tungkol sa Ibong
Adarna: ito ay isalin sa wikang Tagalog, mula sa ibang bansa sa Europa ang
orihinal na pangalan ng akda at hindi na naisama ang pangalan ng may-akda; ang
pangalan ng tagapagsalin ay hindi naisama sa pagpapalathala; sulat-kamay ang
unang salin at hindi nakopya ang pangalan ng naunang nagsalin; hindi tiyak ang
tunay na may-akda nito at pinili ng mga tagapagsalin na hindi na isama ang
kanilang pangalan sa pagpapalimbag. Naging tanyag ang Ibong Adarna sa ating
bansa nang isalin ito sa katutubong wika ibinibenta sa mga perya. Mabilis itong
lumaganap dahil karaniwang palipat-lipat ang perya sa mga bayan kung saan may
pagdiriwang ng pista. Gayumpaman, di ganap ang paglaganap nito dahil maraming
katutubo ang hindi marunong magbasa at ilan kopya ang napalimbag. Di naglaon, itinanghal sa entablado ang Ibong
Adarna gaya ng komedya at moro-moro na napapanood tuwing kapistahan sa bayan. Ang
kasalukuyan nating nababasang korido ay isinaayos na salin ni Marcelo P. Garcia
noong 1949 batay sa kanyang pag-aaral. Maraming anyo ang Ibong Adarna sa paglipas ng panahon. Hinalaw ito
sa pelikula, dulang panradyo, teatro, sayaw at sarisaring pagtatanghal. Nabago
ang nilalaman ng Ibong Adarna nang ito’y inilimbag sa teksbuk dahil sa mga
editor na huwak nito. Nariyan na binago ang anyo nito maging ang pagbabaybay ng
mga salita upang matugunan ang panlasa ng mga mambabasa at nais ng mga publikasyon.
Hanggang ngayon, bahagi pa rin ng kurikulum sa mataas na paaralan ang pagbabasa
at pagtalakay ng Ibong Adarna na nagpapakilala ng kasaysayan ng ating bansa,
kultura, paniniwala, pamumuhay at pag-uugali.
Kahit hindi orihinal sa ating bansa ang Ibong
Adarna, kinikilala itong bahagi ng Panitikang Pilipino gaya ng “Bernardo
Carpio.” Dahil taglay nito ang kaugalian, kultura, paniniwalang Pilipino tulad
ng pagmamahal sa pamilya, magulang, pagpapahalaga sa edukasyon, pananampalataya
sa Diyos, pagtulong sa kapwa lalo na sa nagangailangan, pagpapatawad, utang na
loob at marami pa.
Higit na pinalalaganap ang obrang ito sa patuloy na
pag-aaral sa mataas na paaralan sa ikapitong baitang sa pagpapatibay at
kalinangan ng kulturang Pilipino at kahusayan ng panitikang Pilipino.
PAGHAHAMBING NG AWIT AT KORIDO
Ang AWIT at KORIDO ay dinala ng mga Español sa bansa mula sa Europa. Ang “Ibong
Adarna” ay sinasabing hango sa mga kuwentong bayan sa iba’t ibang bansa sa
Europa tulad ng Germany, Denmark, Romania, Austria, Finlad, at Indonesia. Taglay
ng “Ibong Adarna” ang motif at cycle sa mga kwentong bayan: may sakit
ang inang reyna o amang hari at tanging mahiwagay bagay gaya ng tubig, halaman o
hayop gaya ng ibon ang makapagbibigay lunas sa karamdaman.
Ilan sa mga akda na may pagkakatulad sa “Ibong
Adarna”:
1. Mula ito sa Kwentong “Scala
Celi”. Kinalap ng isang paring Dominiko, na sinasabing katha noong pang 1300.
2. Mula sa Denmark(1696).
3. Mula sa Malayo-Polinesia,sinulat ni Renward Branstetter.
4. Mula sa Hessen, Alemanya (1812)
"The Golden Bird"
5. Mula sa Paderborn, Alemanya
6. Mula sa Vaderbon, isinulat ni Gretchen Wild
ang “Ang Maputing Kalapati” (1808)
7. Mula sa “Isang Libo’t Isang Gabi”
8. Mula sa Malische- Marchen na tinipon ni Paul
Ambruch
Sanggunian:
http://documents.tips/
https://filipinotek.wordpress.com/