Lazaro
Ni Allan A. Ortiz
(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan sa awtor G. Allan Ortiz allanalmosaortiz@gmail.com)
(1) Mabilis ang pagtakbo ng mga
sasakyan sa lansangan ng Maynila. Kabi-kabilaan ang mga busina ng nag-uunahang
jeep na kumukuha ng pasaherong kalalabas lamang sa mga unibersidad at trabaho.
“Tigil!” Ang malakas na sigaw sa di kalayuan kasunod ng makas na silbato ng
pulis. Nagulat ang ilang mga taong nag-aabang, namimili sa bangketa sa pagdaan
ng tumatakbong lalaking may bitbit na kung ano na kanyang tangan-tangan.
Kasunod ang pulis na humahangos kasama ang ilan sa mga lalaking naka-uniporme
na may hawak na pamalo at batuta. Parang isang eksena sa bibliya nang hawiin
ni Moses ang dagat pula ang pagbuka ng tao sa makipot na lansangan na tila
inutusan na humawi ang tao.
(2) Sa lansangang sinuotan ng
lalaking mabilis ang pagkaripas na di alintana kung sino ang kanyang mababangga
sa karamihan ng mga taong naglalakad, namimili, nag-uusisa, nagtitinda sa gilid
mg malaking gusali. Iinut-inot na lumalakad ang matanda na walang sapin sa paa
na nangigitim sa dumi ng lansangan kanyang dinaraanan at namumutok ang mga
balat nito. Tangan niya ang tungkod na may pulupot na plastik na may laman na
hindi mo mawari kung ano. Biglang bumulaga ang lalaking hinahabol ng pulis at
ilang tanod sa matandang natutong na ang balat sa init ng haring araw at kulubot
na balat, payat at waring hindi pa kumakain. Bumulagta sa daan ang matanda
maging ang lalaking hinahabol. “Hahara-hara ka matanda!” sabi ng lalaki. Walang
sinabi ang matanda kundi ungol na ramdam mo sa iyong puso ang sakit na natamo sa pagkakabagsak sa sahig. Malamlam ang mata ng matanda na tumingin
sa lalaki. Tumayo at iniwan sa matanda ang bitbit nitong bagay sa
plastik na nasa tungkod ng matanda na nabitawan nito na bumagsak malapit sa
kinatatayuan ng binata. Prrrrttt! “Tigil!” papalapit na ang yabag ng sapatos ng
mga humahabol. “Babalikan kita tanda.” Sabi ng lalaki sabay karipas ng takbo at
sumuot sa isang eskinita. “Habulin n’yo si Marcos!” Habulin n’yo ang magnanakaw
na si Marcos!”
(3) Lumapit ang isang babaeng
estudyante sa matandang nakasalampak pa rin sa daan. “Tatang may masakit po ba
sa katawan n’yo?” sabi ni Ligaya. “ Ineng manhid na ang katawan ko sa mga bagay
na ito” tugon ng matanda ngunit bakas sa mukha nito ang sakit na nanunuot sa
kalamnan nito. Itinayo ni Ligaya ang matanda. “Sanay na ako sa ganitong buhay.
Ang mamuhay kasama ang masasamang loob sa lansangang ito,” ang saysay ng
matanda. Ang mga mata ni Ligaya ay waring nagtatanong kung bakit nasambit ng
matanda ang ganoon. “Tatang kumain na po ba kayo?” Tumingin ang matanda sa mga
mata ng babaeng tumulong sa kanya.
(4) “Kain tayo sa labas sagot ko”
ang yaya ni Lazaro sa mga kaibigan. “ Saan ninyo gustong kumain?” tanong ni
Lazaro. “Bahala ka na, tutal ikaw naman ang sagot.” sagot ng kaibigan. Saan
galing ang pera mo Lazaro at manlilibre ka na naman sa amin? tanong ng isa.
“Binigyan ako ng Daddy ko ng pera kasi iiwan niya na naman nila ako dahil may
business trip sila sa Amerika ni mommy. Habang wala sila mag-eenjoy muna ako.”
ang masayang sambit ni Lazaro. “Paano iyan may klase tayo kay Prof. Rajo
malapit na ang finals?” paalala ng kaibigan. “Akong bahala basta kumain muna
tayo sa labas tapos nood tayo ng sine.”
(5) Makalawang araw ng paggala ni
Lazaro kasama ang kaibigan, tumambad sa kanya ang balita na bumagsak ang isang
eroplano patungo ng Amerika na lulan ang kanyang mga magulang.
Hindi malaman ni Lazaro ang gagawin. Kahit na naiwan sa kanya ang lahat ng
ari-arian ng kanilang pamilya, hindi niya ito inalala. Huminto na siya sa
pag-aaral at lagi siyang lasing, at nagsasaya gabi-gabi kasama ang mga barkada, mga babae maging ang malulong sa bawal na gamot ay naranasan niya.
Nagising na lamang si Lazaro na wala na sa kanya ang lahat. Walang malapitan si
Lazaro. Lahat ng kanyang kaibigan ay iniwan siya sa gitna ng kanyang mabigat na
suliranin. Nagpagala-gala siya sa Quiapo. Natutuhan niyang sumamasa mga palaboy
sa lansangan. Nakasama siya sa mga pandurukot sa mga mamimili at
nagsisimba rito. Lahat ng kanyang nakukuha sa pagnanakaw ay binibili niya ng
bawal na gamot upang matugunan ang tawag ng kanyang pangangailangan. Minsan na rin
siyang nakulong at nakalaya.
(6) Nagsara na ang lumang sinehan sa
tabi ng simbahan. Dumami na ang gusaling paupahan para sa mga tindahan para sa
mga parokyano na dumarayo pa mula sa malayong lugar upang makamura sa mga
bilihin. Ang dating marungis, mapanghi at madilim na lagusan na dinaraanan ng
mga tao sa ilalim ng lansangan ay kakikitaan nang liwanag at sa bawat sulok ay
mga maliliit na tindahan. Ang lansangan sa gabi na nababalutan ng
takot dahil sa walang liwanag na galling sa mga poste ng kuryente, ngayo’y
makukulay na ilaw ang nakatirik sa bawat kalye at eskinita, ang mundo ni
Lazaro.
(7) Isang pangkat ng lalaki ang
sumalakay sa isang bangko, di kalayuan sa simbahan ng Quiapo, at kinamal ang
lahat ng salapi. Mabilis ang operasyon ng grupo ng mga lalaki kabilang si
Lazaro. Agad na rumispundi ang mga maykapangyarihan. Nagkagulo sa loob ng
bangko matapos patayuin ang ilan sa mga bihag sa isang sulok ng bangko malapit
sa opisina ng punong kahera at ang ilan ay pinatayo ni Lazaro. Napansin niyao ang isang matandang babae na kakikitaan ng takot sa kanyang mga mata.
Natigilan siya nang mapansin na nahihirapan sa paghinga ang matanda. “Sino
ang kasama ng matandang ito?” tanong ni Lazaro. Walang sumagot sa mga bihag
nila. Makikita sa mga mata ni Lazaro ang habag sa matandang babae. “Anong
nangyayari rito?” tanong ng kasamang hawak ang isang baril. Walang nasabi si
Lazaro. “Maawa kayo sa amin. Maawa kayo sa matanda.” Nagmamakaawang sabi ng
kahera ng bangko.
(8) Bratatatat… sunod-sunod na putok
ang umalingawngaw na nanggaling sa labas ng gusali. Plakda sa sahig ang
kasamahan na nakipagsabayan din ng putok sa mga pulis. Kita ni Lazaro ang
paglagot ng hininga ng kasamahan kasabay ang paghabol ng hininga ng
matanda na hawak ng ilan sa mga nabihag at tila papel ang kamay na bumagsak sa
sahig. Nakatayo lamang si Lazaro na butil-butil ang pawis sa noo. Mabilis ang
mga pangyayari sa loob. Nakita na lamang ni Lazaro ang saril na ang kamay ay
nakahawak sa istaked.
(9) Matagal na panahon ang inilagak
ni Lazaro sa madilim at masikip na silid kasama ang ilang mga taong nahatulan gaya ng sa kanya. Muling
bumalik sa kanya ang mga nakaraan matapos ipagkaloob sa kanya ang parol. Mahina
na ang katawan ni Lazaro. Wala na siyang uuwian tanging ang magulong lansangan
ng Quiapo. Kinain na ng panahon ang kanyang katawan. Palaboy na si Lazaro. Mula
sa mga limos ng mga tao ang kanyang natatanggap dahil sa habag sa
kalagayang nakikita sa kanya.
(10) Nag-aagaw na ang dilim at
liwanag. Nagsisimula ng kumutitap ang mga ilaw dagitab. Tila pusikit ng umaga
ang makikita sa langit. “Tatang, saan po ba kayo nakatira at ihahatid ko na po
kayo? yaya ni Ligaya sa matanda. “Dito ako nakatira. Ito ang aking tahanan.
Wala akong uuwian kundi ang lansangang iyong dinaraanan” sabi ni Lazaro. Nakita
ni Ligaya sa mata ng matanda ang lungkot na wari ipinadarama sa kanyang puso
ang kirot nang nakalipas ng matanda.
(11) Sa kanilang pagliko sa panulukan
patungo sa Ongpin, bumulaga sa kanila ang isang lalaki. “Nasa’n matanda ang
pera ko? sabi ni Marcos. Natakot ang dalaga kay Marcos na nilapitan ang
matanda. “Anong gagawin mo kay Tatang?" wika ni Ligaya ng may takot. Itinulak ni
Marcos ang dalaga at kinuha ang tungkod ng matanda at kasabay ng pagbagsak ng
katawan sa lansangan. Habang kinakalkal ang plastic na nakatali sa baston ng
matanda, hinampas ni Ligaya ang lalaki ng kahoy na nakuha niya sa tabi ng
bangketa. Nagulat lamang ang lalaki sa
naramdamang hampas sa kanyang likuran. Sumigaw si Ligaya. Hinalbot ni Marcos
ang buhok ng dalaga, ramdam sa mukha nito ang sakit na unti-unti niyang
nararamdaman mula sa anit ng kanyang buhok na nanunuot sa kanyang nanginginig
na kalamnan. “Huwag mo siyang gagalawin. Ako ang sadya mo, wala siyang
kinalaman.” sabi ni Lazaro na ang paos na tinig na pinilit lamang ilakas. Hindi
siya pinakinggan ni Marcos. Kinuha niya ang kanyang tungkod at buong lakas
niyang hinampas ang hita ng lalaki. Napaluhod ang lalaki at nabitawan si
Ligawa. Hinampas pang muli sa ikalawang pagkakataon ni Lazaro ang lalaki ngunit
nahuka nito ang hampas ng matanda. Dahil sa kahinaan, nagawang agawin ang tungkod
sa kanya.
(12) Muling nagpaalam na ang haring
araw. Naghari na ang kadiliman at pinalitan ng liwanag na nagmumula sa mga
gusali sa paligid at ilaw dagitab ng mga kainan na umaakit sa mga
parokyano. Kasabay ng paglakbay ng
alingawngaw na sigaw ng isang dalaga na sumasabay sa ingay ng mga sasakyan na
naglipana sa kalawakan ng Maynila at ang paglakbay ng isang diwa patungo sa
kanyang kaligayahan kung saan niya nakamtan ang kanyang hinahanap na
kapayapaan.