Huwebes, Hulyo 6, 2017

Lazarao Maikling Kuwento)

Lazaro

Ni Allan A. Ortiz

(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan  sa awtor G. Allan Ortiz allanalmosaortiz@gmail.com)

            (1) Mabilis ang pagtakbo ng mga sasakyan sa lansangan ng Maynila. Kabi-kabilaan ang mga busina ng nag-uunahang jeep na kumukuha ng pasaherong kalalabas lamang sa mga unibersidad at trabaho. “Tigil!” Ang malakas na sigaw sa di kalayuan kasunod ng makas na silbato ng pulis. Nagulat ang ilang mga taong nag-aabang, namimili sa bangketa sa pagdaan ng tumatakbong lalaking may bitbit na kung ano na kanyang tangan-tangan. Kasunod ang pulis na humahangos kasama ang ilan sa mga lalaking naka-uniporme na may hawak na pamalo at batuta. Parang isang eksena sa bibliya nang hawiin ni Moses ang dagat pula ang pagbuka ng tao sa makipot na lansangan na tila inutusan na humawi ang tao.
            (2) Sa lansangang sinuotan ng lalaking mabilis ang pagkaripas na di alintana kung sino ang kanyang mababangga sa karamihan ng mga taong naglalakad, namimili, nag-uusisa, nagtitinda sa gilid mg malaking gusali. Iinut-inot na lumalakad ang matanda na walang sapin sa paa na nangigitim sa dumi ng lansangan kanyang dinaraanan at namumutok ang mga balat nito. Tangan niya ang tungkod na may pulupot na plastik na may laman na hindi mo mawari kung ano. Biglang bumulaga ang lalaking hinahabol ng pulis at ilang tanod sa matandang natutong na ang balat sa init ng haring araw at kulubot na balat, payat at waring hindi pa kumakain. Bumulagta sa daan ang matanda maging ang lalaking hinahabol. “Hahara-hara ka matanda!” sabi ng lalaki. Walang sinabi ang matanda kundi ungol na ramdam mo sa iyong puso ang sakit na natamo sa pagkakabagsak sa sahig. Malamlam ang mata ng matanda na tumingin sa lalaki. Tumayo at iniwan sa matanda ang bitbit nitong bagay sa plastik na nasa tungkod ng matanda na nabitawan nito na bumagsak malapit sa kinatatayuan ng binata. Prrrrttt! “Tigil!” papalapit na ang yabag ng sapatos ng mga humahabol. “Babalikan kita tanda.” Sabi ng lalaki sabay karipas ng takbo at sumuot sa isang eskinita. “Habulin n’yo si Marcos!” Habulin n’yo ang magnanakaw na si Marcos!”
            (3) Lumapit ang isang babaeng estudyante sa matandang nakasalampak pa rin sa daan. “Tatang may masakit po ba sa katawan n’yo?” sabi ni Ligaya. “ Ineng manhid na ang katawan ko sa mga bagay na ito” tugon ng matanda ngunit bakas sa mukha nito ang sakit na nanunuot sa kalamnan nito. Itinayo ni Ligaya ang matanda. “Sanay na ako sa ganitong buhay. Ang mamuhay kasama ang masasamang loob sa lansangang ito,” ang saysay ng matanda. Ang mga mata ni Ligaya ay waring nagtatanong kung bakit nasambit ng matanda ang ganoon. “Tatang kumain na po ba kayo?” Tumingin ang matanda sa mga mata ng babaeng tumulong sa kanya.
            (4) “Kain tayo sa labas sagot ko” ang yaya ni Lazaro sa mga kaibigan. “ Saan ninyo gustong kumain?” tanong ni Lazaro. “Bahala ka na, tutal ikaw naman ang sagot.” sagot ng kaibigan. Saan galing ang pera mo Lazaro at manlilibre ka na naman sa amin? tanong ng isa. “Binigyan ako ng Daddy ko ng pera kasi iiwan niya na naman nila ako dahil may business trip sila sa Amerika ni mommy. Habang wala sila mag-eenjoy muna ako.” ang masayang sambit ni Lazaro. “Paano iyan may klase tayo kay Prof. Rajo malapit na ang finals?” paalala ng kaibigan. “Akong bahala basta kumain muna tayo sa labas tapos nood tayo ng sine.”
            (5) Makalawang araw ng paggala ni Lazaro kasama ang kaibigan, tumambad sa kanya ang balita na bumagsak ang isang eroplano patungo ng Amerika na lulan ang kanyang mga magulang. Hindi malaman ni Lazaro ang gagawin. Kahit na naiwan sa kanya ang lahat ng ari-arian ng kanilang pamilya, hindi niya ito inalala. Huminto na siya sa pag-aaral at lagi siyang lasing, at nagsasaya gabi-gabi kasama ang mga barkada, mga babae maging ang malulong sa bawal na gamot ay naranasan niya. Nagising na lamang si Lazaro na wala na sa kanya ang lahat. Walang malapitan si Lazaro. Lahat ng kanyang kaibigan ay iniwan siya sa gitna ng kanyang mabigat na suliranin. Nagpagala-gala siya sa Quiapo. Natutuhan niyang sumamasa mga palaboy sa lansangan. Nakasama siya sa mga pandurukot sa mga mamimili at nagsisimba rito. Lahat ng kanyang nakukuha sa pagnanakaw ay binibili niya ng bawal na gamot upang matugunan ang tawag ng kanyang pangangailangan. Minsan na rin siyang nakulong at nakalaya.
            (6) Nagsara na ang lumang sinehan sa tabi ng simbahan. Dumami na ang gusaling paupahan para sa mga tindahan para sa mga parokyano na dumarayo pa mula sa malayong lugar upang makamura sa mga bilihin. Ang dating marungis, mapanghi at madilim na lagusan na dinaraanan ng mga tao sa ilalim ng lansangan ay kakikitaan nang liwanag at sa bawat sulok ay mga maliliit na tindahan. Ang lansangan sa gabi na nababalutan ng takot dahil sa walang liwanag na galling sa mga poste ng kuryente, ngayo’y makukulay na ilaw ang nakatirik sa bawat kalye at eskinita, ang mundo ni Lazaro.
            (7) Isang pangkat ng lalaki ang sumalakay sa isang bangko, di kalayuan sa simbahan ng Quiapo, at kinamal ang lahat ng salapi. Mabilis ang operasyon ng grupo ng mga lalaki kabilang si Lazaro. Agad na rumispundi ang mga maykapangyarihan. Nagkagulo sa loob ng bangko matapos patayuin ang ilan sa mga bihag sa isang sulok ng bangko malapit sa opisina ng punong kahera at ang ilan ay pinatayo ni Lazaro. Napansin niyao ang isang matandang babae na kakikitaan ng takot sa kanyang mga mata. Natigilan siya nang mapansin na nahihirapan sa paghinga ang matanda. “Sino ang kasama ng matandang ito?” tanong ni Lazaro. Walang sumagot sa mga bihag nila. Makikita sa mga mata ni Lazaro ang habag sa matandang babae. “Anong nangyayari rito?” tanong ng kasamang hawak ang isang baril. Walang nasabi si Lazaro. “Maawa kayo sa amin. Maawa kayo sa matanda.” Nagmamakaawang sabi ng kahera ng bangko.
            (8) Bratatatat… sunod-sunod na putok ang umalingawngaw na nanggaling sa labas ng gusali. Plakda sa sahig ang kasamahan na nakipagsabayan din ng putok sa mga pulis. Kita ni Lazaro ang paglagot ng hininga ng kasamahan kasabay ang paghabol ng hininga ng matanda na hawak ng ilan sa mga nabihag at tila papel ang kamay na bumagsak sa sahig. Nakatayo lamang si Lazaro na butil-butil ang pawis sa noo. Mabilis ang mga pangyayari sa loob. Nakita na lamang ni Lazaro ang saril na ang kamay ay nakahawak sa istaked.
            (9) Matagal na panahon ang inilagak ni Lazaro sa madilim at masikip na silid kasama ang ilang mga taong nahatulan gaya ng sa kanya. Muling bumalik sa kanya ang mga nakaraan matapos ipagkaloob sa kanya ang parol. Mahina na ang katawan ni Lazaro. Wala na siyang uuwian tanging ang magulong lansangan ng Quiapo. Kinain na ng panahon ang kanyang katawan. Palaboy na si Lazaro. Mula sa mga limos ng mga tao ang kanyang natatanggap dahil sa habag sa kalagayang nakikita sa kanya.
            (10) Nag-aagaw na ang dilim at liwanag. Nagsisimula ng kumutitap ang mga ilaw dagitab. Tila pusikit ng umaga ang makikita sa langit. “Tatang, saan po ba kayo nakatira at ihahatid ko na po kayo? yaya ni Ligaya sa matanda. “Dito ako nakatira. Ito ang aking tahanan. Wala akong uuwian kundi ang lansangang iyong dinaraanan” sabi ni Lazaro. Nakita ni Ligaya sa mata ng matanda ang lungkot na wari ipinadarama sa kanyang puso ang kirot nang nakalipas ng matanda.
            (11) Sa kanilang pagliko sa panulukan patungo sa Ongpin, bumulaga sa kanila ang isang lalaki. “Nasa’n matanda ang pera ko? sabi ni Marcos. Natakot ang dalaga kay Marcos na nilapitan ang matanda. “Anong gagawin mo kay Tatang?" wika ni Ligaya ng may takot. Itinulak ni Marcos ang dalaga at kinuha ang tungkod ng matanda at kasabay ng pagbagsak ng katawan sa lansangan. Habang kinakalkal ang plastic na nakatali sa baston ng matanda, hinampas ni Ligaya ang lalaki ng kahoy na nakuha niya sa tabi ng bangketa.  Nagulat lamang ang lalaki sa naramdamang hampas sa kanyang likuran. Sumigaw si Ligaya. Hinalbot ni Marcos ang buhok ng dalaga, ramdam sa mukha nito ang sakit na unti-unti niyang nararamdaman mula sa anit ng kanyang buhok na nanunuot sa kanyang nanginginig na kalamnan. “Huwag mo siyang gagalawin. Ako ang sadya mo, wala siyang kinalaman.” sabi ni Lazaro na ang paos na tinig na pinilit lamang ilakas. Hindi siya pinakinggan ni Marcos. Kinuha niya ang kanyang tungkod at buong lakas niyang hinampas ang hita ng lalaki. Napaluhod ang lalaki at nabitawan si Ligawa. Hinampas pang muli sa ikalawang pagkakataon ni Lazaro ang lalaki ngunit nahuka nito ang hampas ng matanda. Dahil sa kahinaan, nagawang agawin ang tungkod sa kanya.

(12) Muling nagpaalam na ang haring araw. Naghari na ang kadiliman at pinalitan ng liwanag na nagmumula sa mga gusali sa paligid at ilaw dagitab ng mga kainan na umaakit sa mga parokyano.  Kasabay ng paglakbay ng alingawngaw na sigaw ng isang dalaga na sumasabay sa ingay ng mga sasakyan na naglipana sa kalawakan ng Maynila at ang paglakbay ng isang diwa patungo sa kanyang kaligayahan kung saan niya nakamtan ang kanyang hinahanap na kapayapaan.  

1 komento:

  1. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    TumugonBurahin