Ang blog na ito ay sumasakop sa akamemikong pag-aaral, pananaliksik ng bloger maging karanasan sa paglalakbay at paghahanap ng masasarap at murang makakainan sa Pilipinas at ibang bansa.
Linggo, Marso 5, 2017
Miyerkules, Pebrero 1, 2017
Halimbawa ng Sanaysay - Pasalaysay
Halimbawa ng Sanaysay -
Pasalaysay
Ligaw
Tingin
Allan A. Ortiz
Allan A. Ortiz
(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan sa awtor G. Allan A. Ortiz allanalmosaortiz@gmail.com)
Masarap ang
umibig at ibigin. Tila nababalot ang paligid nang makikinang at makukulay na
bagay kapag ang puso mo ay tumitibok dahil sa pag-ibig. Ganito ang nararamdaman kapag ang iyong minamahal at waring may pagtingin din sa iyo. Naroon na
nangangarap ka na sana ipagtapat niyang may pagtingin din siya sa iyo. Subalit
ang lahat ay naglalaho nang malaman mong ang iyong pinapangarap na pagmamahal ay biglang maglalaho. Ang pangarap mo ay guguho at magdadala sa iyo ng
matinding kalungkutan.
Kagaya
ng nakararami, isa lang akong ordinaryong estudyante sa isang pampublikong
paaralan. Sa karamihan, hindi ako mapapansin dahil sa simple kong katangian-- tahimik at palakaibigan.
Isang tanghali noon nang lahat ng panghapong mag-aaral ay naghihintay sa quadrangle upang hintayin ang paglabas ng mga pang-umaga. Bilad sa init, kasama ko ang aking ilang kamag-aaral sa ilalim ng isang puno habang naghihintay. Maraming mga estudyante noon, naghahabulan, nakikipagkuwentuhan sa iba pang estudyante, kapwa ko ring naghihintay at iba ay nag-aaral. Sa aking pananahimik ay nabaling ang aking pansin sa isang ka-batch sa isang lilim ng puno kasama ang kanyang mga kaklase. Nagtama ang aming mga mata, at hindi ko napansin na medyo nagtagal ang pagtingin namin sa isa’t isa. Nang maibalik ko ang aking sarili, ibinaling ko sa iba ang tingin. Gayun din ang akin napansin sa kanya. Nahiya ako dahil ang isang kagaya kong ordinaryong mag-aaral ay mapapansin ng ibang binata na may magandang tindig, maamong mukha at hinahanggaan ng kababaihan sa buong paaralan. Muli kong ibinaling ang tingin sa kanya, at laking gulat ko na ganoon din siya. Tila naghahabulan kami ng tingin at kapag napansin ang isa’t isa ay iiwas ang tingin sa iba upang hindi mahalata. Dumating ang oras na kailangan na naming umakyat sa aming mga silid. Ibinaling kong muli ang aking pansin sa kinaroronan niya. Nagulat ako dahil wala na siya sa kanyang kinauupuan. Hinanap ko siya habang ang iba kong mga kamag-aaral ay nakikipagsabayan at nakikipagsiksikan sa pagpasok sa pasilyo ng gusali. Nalungkot ako dahil wala na siya. Bigla akong kinabahan at nagulat nang nakatayo lang pala siya sa gilid at pinagmamasdan akong palinga-linga. Nahiya ako dahil nahalata niyang hinahanap ko siya. Kahit napahiya, may kilig sa aking puso dahil nang nahuli niya ako ay nakangiti siya sa akin.
Isang tanghali noon nang lahat ng panghapong mag-aaral ay naghihintay sa quadrangle upang hintayin ang paglabas ng mga pang-umaga. Bilad sa init, kasama ko ang aking ilang kamag-aaral sa ilalim ng isang puno habang naghihintay. Maraming mga estudyante noon, naghahabulan, nakikipagkuwentuhan sa iba pang estudyante, kapwa ko ring naghihintay at iba ay nag-aaral. Sa aking pananahimik ay nabaling ang aking pansin sa isang ka-batch sa isang lilim ng puno kasama ang kanyang mga kaklase. Nagtama ang aming mga mata, at hindi ko napansin na medyo nagtagal ang pagtingin namin sa isa’t isa. Nang maibalik ko ang aking sarili, ibinaling ko sa iba ang tingin. Gayun din ang akin napansin sa kanya. Nahiya ako dahil ang isang kagaya kong ordinaryong mag-aaral ay mapapansin ng ibang binata na may magandang tindig, maamong mukha at hinahanggaan ng kababaihan sa buong paaralan. Muli kong ibinaling ang tingin sa kanya, at laking gulat ko na ganoon din siya. Tila naghahabulan kami ng tingin at kapag napansin ang isa’t isa ay iiwas ang tingin sa iba upang hindi mahalata. Dumating ang oras na kailangan na naming umakyat sa aming mga silid. Ibinaling kong muli ang aking pansin sa kinaroronan niya. Nagulat ako dahil wala na siya sa kanyang kinauupuan. Hinanap ko siya habang ang iba kong mga kamag-aaral ay nakikipagsabayan at nakikipagsiksikan sa pagpasok sa pasilyo ng gusali. Nalungkot ako dahil wala na siya. Bigla akong kinabahan at nagulat nang nakatayo lang pala siya sa gilid at pinagmamasdan akong palinga-linga. Nahiya ako dahil nahalata niyang hinahanap ko siya. Kahit napahiya, may kilig sa aking puso dahil nang nahuli niya ako ay nakangiti siya sa akin.
Kakaibang damdamin ang aking naramdaman sa mga sandaling iyon. Punong-puno ng kasiyahan ang
puso ko. Ang kabog ng aking dibdib ay nag-iba dahil sa mga nangyari. Nagkaroon ng
kakaibang sigla at kahulugan ang aking buhay estudyante. Nasasabik akong
pumasok dahil hangad kong magkita kaming muli. Hindi nga ako nagkamali. Sa mga
sumunod na araw ay lagi siyang nauupo sa lugar kung saan ko siya nakita.
Natutulala ako kapag nakikita ko siya. Ang mga sulyap namin sa isa’t isa ay
nagkaroon nang kahulugan. Kasama ng kanyang matamis na ngiti ang kanyang
pagtingin sa akin na kapag nakikita ko ay umiiwas ako ngunit nasaloob ang kilig
at saya. Ang mga lumipas na araw ay nagpatuloy sa ganoong kalagayan na
humantong sa mga ligaw-tingin.
Lumago
ang damdamin ko para sa kanya nang magkasama kami sa isang club sa paaralan.
Naramdaman ko na may pagtingin siya sa akin nang ninais niyang ayusin ang
schedule niya upang makasama ako sa duty sa aming club. Ngunit hindi nagtugma. Laking panghihinayang ko pero kahit ganoon ang nangyari may ligayang nakukubli sa puso ko. Sa mga kilos niyang iyon, tiyak na may pagtingin rin siya sa akin.
Lumipas
pa ang maraming araw at linggo, napansin kong nagagawi siya at ang kanyang mga
kaibigan sa aming gusali. Hinahayaan ko lamang siya at natutuwa ako kapag
nasisilayan ko siya. Ngunit ikinukubli ko ang aking nadarama dahil ilan sa mga
kaklase ko ay humahanga rin sa kanya. Nagkakagulo ang pasilyo kapag dumaraan sila. Akala mo may artistang dumaraan at kulang na lamang na sabitan mo ng sampaguita. Nagbigla na lamang ako nang tumigil siya
sa bintana ng aming silid kasama ang kanyang mga kaklase. Makikita sa kanyang
mga mata ang kaligayahan nang makita niya ako. Siyempre hindi ako
nagpapahalalata. Nagawa pa niyang ituro ako sa kanyang mga kasama ngunit
nagsawalang kibo lamang ako. Natiyak ko sa sarili ko na kaya sila nagagawi sa aming gusali ay may hinahanap siya; hinahanap ako. Nakakakilig!
JS
Prom noon at nagkasama kaming muli sa pag-oorganisa ng programa. Pinili ako ng
aking guro na makasama ng iba pang mag-aral para rito. Hindi ko inaasahan na
magtatagpo kaming muli. Ang kaba sa puso ko ay hindi ko maipaliwanag pero ang ngiti
sa aking mga labi ay hindi ko maikubli. Dito, kami pormal na pinakilala ng
aking guro. Parang gusto kong himatayin nang kami’y magkamay. Naroon ang hiya
sa akin dahil nahawakan niya ang aking magaspang na kamay. Ang lambot ng
kanyang mga kamay. Ang ngiti sa kanyang mga labi ay parang pulot na
nagpapatamis sa aking buhay. Para akong nalalasing sa kaligayahan sa mga
sumandaling iyon. Lumilipad ako sa alapaap sa bawat sandali na
siya ay lumalapit at tunatabi sa akin. Ngunit di ako kailangang magpahalata. Ako naman ang umiiwas.
Nasa
ikaapat na taon na kami. Patuloy pa rin ang aking pananabik na makita siya.
Siya ang naging insperasyon ko upang pagbutihin ang aking pag-aaral. Ngunit ang mga sandali
at pagkakataon na dumating sa akin noon ay aking pinanghinayangan nang makita
ko na may nililigawan na siyang iba. Masakit sa kalooban. Nanikip ang dibdib
at nag-iba ang aking pakiramdama. Gusto kong magalit pero bakit ako magagalit?
Nalungkot ako nang mga oras na iyon at napansin ng aking mga kaibigan ang
kakaibang kinilos ko. Ninais kong mapag-isa. Hayaang maramdaman ang kamandang
at pait ng pag-ibig. Hindi ko matanggap ang panliligaw niya sa iba. Tumayo ako at nagdesisyong umuwi na. Sumabay ang panahon sa aking kalooban. Ang mainit na panahon ay kumulimlim at sumabay pagbuhos ng ulan.
Malaki
ang panghihinayang ko. Sana ako iyon. Sana ako ang kasama niya. Sana ako na
lang.
Isang
araw, naglalakad ako sa corridor papunta sa canteen. Sa kalayuan natanaw ko siya
na pasalubong sa akin. Kailangan kong magpakatatag. Nagtuloy lamang ako sa aking
paglakad. Pinilit kong diretso lamang ang tingin at ipakita sa kanya na hindi
ako apektado. Habang papalapit kami sa isa’t isa, siya ang bumigay, Hindi
niya ako magawang tingnan. Iniwas niya ang kanyang tingin sa akin. Naramdaman
kong nahihiya siya. Nang makalampas siya, sinabi ko sa sariliko... "Paalam, aking mahal."
“O
pagsintang labis na makapangyarihan… pag nasok sa puso ninuman, hahamakin ang
lahat masunod ka lamang.” Tunay na makapangyarihan ang pag-ibig. Nagagawa kang
paligayahin nito ngunit kaya rin nitong ipadama sa iyo ang kapighatian. Tayo
ang may hawak ng ating kapalaran sa pag-ibig. Wala akong pinagsisisihan sa mga
nangyari. Nagpapasalamat ako dahil sa mga panahong iyon naranasan ko ang umibig.
Hindi pa iyon ang tamang panahon. Darating rin ang panahon na darating ang tamang
pag-ibig na para sa akin.
Linggo, Enero 29, 2017
BAKIT HINDI PUMASOK SA TOP 3 ANG PAMBATO NG PILIPINAS SA MISS UNIVERSE 2016
BAKIT HINDI PUMASOK SA TOP 3 SI MAXINE MEDINA SA MISS UNIVERSE 2016?
Allan A. Ortiz
Tunay na nakakakaba ang ganitong uri ng kompetisyon. Ang pressure nito lalo na't dito pa sa ating bansa ginanap ang Miss Universe.
Isa sa pinakamahigpit sa kompetisyon ang pagbibigay ng tanong o Question and Answer. Malaking kaba ang idinudulot nito sa mga kadedatang pumapasok sa bahaging ito ng kompetisyon. Gaya ko na sumabak na sa ganitong paligsahan, mahirap ibalik ang sarili mong diwa sa kompetisyon at sa kung ano ang pakahulugan ng tanong. Ngunit ito ang dapat matutuhan ng bawat kandidata ang ibalik ang diwa ng isip nila at magpokus sa kung ano ang tanong at dapat sagutin.
Sa kalagayan ni Maxine Medina, maganda na nagkaroon siya ng interpreter. Buo ang kumpiyansiya ko na masasagot niyang mabuti ang tanong. Ngunit laking dismaya ng lahat nang sinagot niya ang tanong sa Ingles. Oo, pinatunayan niya na kaya niyang magsalita sa wikang Ingles ngunit ang pagkuha ng interpreter ay nakapanghihinayang kung hindi niya ito gagamitin. Kung sinagot niya lamang ito sa wikang Filipino ay maaaring mag mabigyan niya ng mas mainam na sagot. Subalit sa pagsusuri ko sa kanyang tinugon ay mukhang nawala siya sa esensiya ng tanong na kung saan ito ay isang personal na tanong; sumasagot sa personal na karanasan. Ngunit ang hinihingi ay ang magandang naganap na pagbabago sa nakalipas na sampung taon. Oo, personal sa kanya ang Miss Universe na ginaganap sa bansa at ang pagsali niya rito ngunit ang inaasaahan ng mga tao kung paano niya napapansin ang mga pagbabago sa lipunan, sa kanyang bansa o sa mundo na may magandang idinulot. Ito rin ang isa sa hinahanap ng mga hurado kung paano nagiging mapanuri ang isang kandidata sa mga pagababagong nangyayari sa mundo at kung may hindi magandang nagaganap ay kung paano siya kikilos upang makatulong sa isang magandang pagbabago.
Hindi dapat natin sisihin si Maxine sa kanyang isinagot. Mahirap ang pinagdaraanan niya. Gaya ng sinasabi ng ilan na ang mga pageant ay may kaakibat na suwerte o luck. Gayong hindi siya pumasok sa Top 3, ipinagmamalaki pa rin ng kanyang mga kababayan si Maxine dahil pinatunayan niyang siya ay palaban at pinatunayan niya na maganda ang Pilipina.
Miyerkules, Enero 18, 2017
Paggamit ng Interpreter ni Maxine Medina sa Miss Universe Dapat o Hindi Dapat?
Paggamit ng Interpreter ni Maxine Medina sa Miss Universe Dapat o Hindi Dapat?
Ang Pilipinas ay isa sa kinikilalang may pinakamagagandang binibini sa buong mundo. Katunayan, lahat ng major pageants na kinikilala sa daigdig ay may titulo ang Pilipinas, bago pa man magsulputan ang mga bagong pageants, at tayo ang kauna-unahang nagkamit nito. Ibig ng ating bansa na manataili ang ganitong pagkilala sa atin ng buong mundo sa larangan ng paggandahan.
Upang manatili ang ating titulo at makamit ang mga titulo sa iba't ibang pagean na ngayon ay nagsusulputan, dibdiban ang pagsasanay sa mga kandidata para makamit ang minimithing korona. Nariyan na nagtatag ang ating mga kababayan ng isang akademiya para sa mga babaeng naghahangad na maging beauty queen. Isa sa mga pinagdadaanang pagsasanay ay ang tamang pagsagot sa Q and A sa mga pageants. Sa ganitong larangan, pinatunayan na mahusay ang training sa ating bansa nang sunod-sunod na nagkaroon ng place ang Pilipinas sa major pageants at nagkamit ng titulo gaya ng Miss International, Miss Supranational, Miss World, Miss Earth, at Miss Universe. May ilang Asian countries na dito na nagsasanay upang makuha ang sikreto upang makapuwesto sa major pageants.
Si Maxime Medina, ang ating pambato sa Miss Universe 2016 nagaganapin sa ating bansa, ay dumadaan sa isang kontrobesrsiya tungkol sa kanyang di maayos na pagsagot sa tanong gamit ang wikang Ingles. Kung babalikan natin ang pamantayan ng Miss Universe, pinapayagan ang mga kadedata ng isang bansa ng gumamit ng interpreter. Ito ay walang bearing sa pagmamarka ng mga piling hurado. Ngunit ang ating bansa ay kinikilalang mahusay sa pagsasalita ng wikang Ingles. Ano ang proposisyon kaugnay kay Maxine?
Maraming nagsasabi na payagan siyang kumuha ng kanyang interpreter para sa pageant upang masagot niya nang mahusay ang tanong sa preliminary at kung palarin pati na rin sa finals. Subalit ang agam-agam ng ating mga kababayan ay ang paggamit ng interpreter ay isang kabawasan sa ating bansa na kilalang mahusay sa wikang Ingles na pinatunayan sa mga pageants. Kung sakali man na kumuha si Maxine ng interpreter, siya ang kauna-unahan at magiging kahihiyan sa ating bansa.
Taliwas ako sa paniniwalang ito ng ating mga kababayan. Nagagawang sabihin nila ito dahil sa kolonyal na pag-iisip natin. Kung iisipin natin, isa itong oportunidad ng ating bansa na ipakilala sa mundo ang ating magandang wika na gagamitin ng ating kandidata sa pandaigdigang paligsahan ng pagandahan. Gaya ng mga Latina, gumagamit sila ng interpreter bukod sa hindi sila mahusay sa wikang Ingles bagkus ipinagmamalaki nila ang kanilang wika. Ang wikang Filipino ay kaluluwa ng isang bansa. Ito ang magpapakilala ng isang Pilipino na ipinagmamalaki niya ang kanyang wika na kanyang ginagamit. Pinakikita nito ang kultura na nakasamin sa ating wika. Iwaksi natin ang maling persepsyon sa paggamit ng interpreter ni Maxine. Huwag nating pababain ang ating pagka-Pilipino sa paggamit ng ating wika na sa pag-iisip ng mga Pilipino na may kolonyal na pag-iisip na nagpapakita ng kahinaan ng isang kandidata kung gagamit ang ating kandidata nito. Kung gayon, gayun din ang pagtingin natin sa mga Latina beauties sa mga pageants? Mali! Tayo lamang ang nag-iisip nito at humuhusga sa tao. Huwag nating husgahan ang tao dahil sa kanyang wikang ginagamit o sa hindi siya mahusay sa pagsasalita ng wikang banyaga. Dapat nating isipin ang magandang posibilidad kung gagamitin ni Maxine ang ating wikang pambansa. Malay natin ito pa ang maging daan upang masungkit niya ang titulo sa Miss Universe. Kaya para sa akin, dapat siyang kumuha ng interpreter.
Sabado, Disyembre 24, 2016
Tunay na Damdamin ng Pasko
Tunay na Damdamin ng Pasko
Allan A. Ortiz
Tuwing
sasapit ang Kapaskuhan, ang paligid ay masaya; kumukutitap na parol, abalang
mga tao sa pamimili ng regalo, maririnig ang awiting pamasko sa radio maging sa
mga malls. Sa kabila ng lahat ng ito, kabaligtaran ang nararamdaman ko –
kalungkutan.
Masaya
ako dahil may trabaho ako at nakatatanggap ng bonus at 13th month
pay sa aking employer. Pinagpapasalamat ko ang mga bagay na ito.
Pinagpapasalamat ko ang anumang dumaratinhg sa aking biyaya maliit man o ito o
malaki. Sa mga panahong ito ramdam ko sa aking puso ang kalungkutan. Hindi ko
magawang makapagsaya sa tuwing may nakikita akong namamalimos sa lansangan; mga
batang walang bagong damit, sapatos o laruan. Mga pamilyang natutulog sa
bangketa at walang pagkaing napagsasaluhan. Mayroon mang mga taong nagkakaloob
ng aginaldo sa mga kapuspalad nating kababayan ngunit hindi naman lahat
napagkakalooban.
Hindi
patas ang mundong ito pagdating sa mga natatanggap na biyaya sa atin. Ang iba’y
lubos-lubis ang natatanggap ngunit ang karamihan ay salat. May mga labis na
natatanggap subalit ni makapagbahagi ay hindi nila magawa. Nasaan ang puso ng
Pasko?
Naramdaman
koi to noong namatay ang aking pinakamamahal na ina noong Disyembre 5, 2001.
Ito ang unang Paskong malungkot kami sa aming tahanan. May kulang na
kaligayahan kaming hinahanap. Ang aking ama’y lunos ang pagdadalamahati lalo
nang makita niya akong nagbubukas ng mga regalo. Sabi niya, “Ang Mama mo sana
kasama natin…” Hindi ko magawang masiyahan sa pagbubukas ko ng mga regalo mula
sa mga natanggap ko sa aking mga mag-aaral. Ito pa naman ang unang taon na ako’y
naging guro. Marami akong mga pangarap sa Mama ko ngunit ang lahat ng iyon ay
pangarap na lamang. Sa aking pag-iisa at paglilibot noong Paskong iyon, namulat
sa mga mata ko ang mga kababayan nating kapuspalad sa lansangan; mga batang
namamalimos at kumakatok ang mga bintana ng sasakyan. Nahabag ang puso ko at
tinanong sa aking sarili kung bakit ganoon, ako’y mayroon at sila ay wala. Sa
aking katanungang ito, wala rin akong kakayahan upang matulungan sila.
Maraming taon ang lumipas at nagpatuloy ang ganitong damdamin. Dala ko sa aking pangarap n asana may magawa ako kahit paano upang makatulong sa mahihirap nating kababayan. Ang Panginoon ay mabuti! Tumutugon Siya sa tamang panahon. Taong 2013 nang mailunsad ang Light of Light Ministry. Nagsimula sa pamamahagi ng school supplies sa mga mag-aaral ng Pamplona Elementary Schiol. Di naglaon ay nakapagbahagi ang ministry, sa tulong ng mga mabubuting kaibigan, napagkalooban ang mga bata ng isang masayang Christmas Party. Sa paghahangad ng mga kaibigan at volunteers ay pinagpatuloy ito sa pagbibigay ng pagtuturo sa mga mag-aaral ng Mabuting Balita at mapaunawa ang pagkakaroon ng relasyon kay Hesuristo. Sa sumunod na taon pati mga magulang ay binabahaginan na rin namin ng pagtuturo ng Mabuting Balita sa tulong mg mga kaibigan sa pananampalataya. Kay buti ng Panginoon.
Sa paglipas ng panahon, naunawaan ko na ang tunay na kahulugan ng Pasko. Ang pagdating ng Tagapagligtas sa lahat ng tao. Noon hindi ko naisasapuso ang mga pangungusap na ito. Sa malalim na relasyon ko kay Cristo, naunawaan ko na kung bakit ko naramdaman ang kalungkutan at ngayon ay napalitan na nang kaligayahan. Ang pag-ibig ng Diyos ay tapat. Pinadala niya ang Kanyang butihing anak upang ang makasalanan ay maligtas. Sa pagtanggap ko kay Cristo sa aking buhay, kusang bumubukal sa akin ang mabuting gawa hindi para sa kin kundi para sa ikararangal ng pangalan ni Hesukristo na Siyang nagligtas sa atin sa ating mga kasalanan.
Ipadama natin ito sa lahat. Ito ang tungkuling nararapat nating gawin upang parangalan an gating Panginoon. Ang ibahagi sa lahat , mahirao man o mayaman ang pagdating ni Hesus sa araw ng Pasko bilang isang mahalagang regalo sa atin ng ating Panginoon. Dapat tayong magalak dahil an gating Tagapagligtas ay isinilang sa miundo. Sa paggunit ng Kanyang kapanganakan, ibahagi natin ang Mabuting Balita na si Hesus ay isinilang sa mundo para sa sangkatauhan upang iligtas tayo sa ating kasalanan. Nararapat nating Siyang tanggapin sa ating buhay upang parangalan ang Kanyang pangalan. s
Miyerkules, Disyembre 21, 2016
Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna
Ang Kaligirang Kasaysayan ng Koridong Ibong Adarna
Allan A. Ortiz
(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan kay Bb. Sofie Gerong, Manager, Book Development Department, ABIVA PUBLISHING HOUSE, INC.
851 G. Araneta Avenue, 1113 Quezon City Office: (632) 7120245 local 228, Mobile: 0920-9777998)
“Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong
Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa
Cahariang Berbania” ang tunay na pamagat ng obrang “Ibong
Adarna” Ito ay isang
pasalaysay na tula na walang tiyak na petsa ng pagkakalimbag ang tula, maging
ang awtor nito. Bagaman pinaniniwalaan ng ilan na isinulat ni Huseng Sisiw na
palayaw ni Jose de la Cruz ang Ibong Adarna ngunit wala pa ring matibay na katibayan
na siya nga ang sumulat nito. Ayon kay Julian Cruz Balmaceda, Si Huseng Sisiw ang
nagturo umano kay Francisco Balagtas kung paano sumulat ng tula.
Umiinog
ang kasaysayan ng tula sa magkakapatid na prinsipeng sina Don Juan, Don Diego, at Don Pedro na
pawang nagtiyagang makuha ang mahiwagang Ibong Adarna na dumarapo sa puno ng
Piedras Platas sa Bundok Tabor. Kailangang mahuli ng kahit sino man sa magkakapatid ang ibon
upang mapagaling ang amang hari na dinapuan ng di matukoy na karamdaman na di
kayang lunasan ng kahit sinong mediko. Tanging
ang huni ng mahiwagang ibon ang makapagbibigay lunas sa sakit ng hari. Sa
hustong gulang ng mga anak ng hari na dumaan sa pagsasanay sa pananandata ay
kailangang humarap sa mga pagsubok. Nabigong kapwa sina Don Diego at Don Pedro
sa paghuli sa mahiwagang ibon dahil sa nakatulog sa matarling na awit ng Ibong
Adarna at naghunos bato nang maiputan ng ibon. Ang kapalaran ni Don Juan ay
naiba dahil nabatid niya ang lihim ng mahiwagang ibon sa tulong ng isang
matandang lalaking pinagkalooban niya ng tulong sa daan. Ipinagkaloob kay Don
Juan ang mahihiwagang gamit upang mabihag ang Ibong Adarna gayindin kung paano
mapanunumbalik ang kanyang dalawang kapatib na naging batong buhay. Dahil sa
inggit nila Don Pedro at Don Diego kay Don Juan, pinagtaksilan nila ang
kanilang kapatid. Iniwan ng dalawang kapatid si Don Juan sa isang malalim na
balon na muntik nitong ikasawi at inagaw ang Adarna. Iniligtas si Don Juan ni
Donya Maria na nakatira sa ilalim ng mahiwagang balon at ipinagpatuloy ang
pakikipagsapalaran sa lupain ng Reino de los Cristal. Sa kanyang
pakikipagsapalaran ay naramdaman niya ang pag-ibig sa dalawa pang kapatid ni
Maria, na sina Donya Leonora at Donya Juana ngunit kailangang muling dumaan siya sa mga pagsubok
na mula kay Haring Salermo.
Nagtagumpay
si Don Juan sa mga pagsubok at nagpakasal kay Donya Maria. Samantala, ang Ibong
Adarna ay nagsilbing tagapagbunyag ng lihim na pagtataksil kay Don Juan. Nagsilbi
itong instrumento upang itampok ang mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng
mga prinsipe sa iba't ibang pook.
Ang
tulang korido ay isang anyo ng tulang Español na gumagamit ng sukat na wawaluhin at karaniwang may
isahang tugma. Karaniwang pinapaksa ng koridong Español ang buhay o pakikipagsapalaran tulad ng pakikipagsapalaran
at buhay nina Charlemagne (Carlo Magno)
at Haring Arthur (Arturo), at ang kaligiran ng Troya, Gresya, at Roma batay sa
pag-aaral ni Damiana L. Eugenio. Nakapaloob sa mga elemento ng tulang korido
ang matimyas na pag-iibigan, ang relihiyosong paniniwala, at ang kagila-gilalas
o di kapani-paniwalang pangyayari. Ang mga katangian ng korido ay kinasangkapan
ng mga katutubong Pilipino upang ipakilala ang naiibang kaligiran Batay sa
malalim na pag-aaral ni Virgilio S. Almario sa katutubong tulang Tagalog, ang
terminong “korido” ay ginamit sa Filipinas upang ibaon ang dalit na isang
tulang may sukat ay wawaluhin din at may isahang tugma
Galing ang salitang korido Mehikanong salitang
“corridor” na ibig sabihin ay “kasalukuyang pangyayari”, ang salitang ito naman
ay mula sa Kastilang “occurido” na isang anyo ng tulang romansa. Ito’y naglalarawan at nagpapamalas ng
pakikipagsapalaran sa buhay ng mga kababalaghan at pantasya, kagitingan,
kabayanihan at pagkamaginoo. Lumaganap sa Europa ang korido bilang isang mataas
na uri ng libangan na batay sa mga alamat, kuwentong-bayan ng Espanya, Denmark,
Pransiya, Gresya, Italya, Austria, Germany, at maging sa Tsina at Malay o Polenesia.
Ayon na
rin sa pag-aaral ni Roberto T. Añonuevo , ang koridong Ibong Adarna ay may
1,056 saknong na umabot sa 48 pahina.
Maraming alusyon ang ginamit sa korido mula sa Europa, sa Gitnang Silangan na may
bahid ng Kristiyanismo na nakapalooban din ng mga konseptong Budismo at Islam,.
Hindi
nalalayo sa mga epikong bayan sa Pilipinas ang dalumat ng Ibong Adarna batay sa
malalim at na pag-aaral ni Añonuevo.. May mga epikong katutubo na may kinalaman
sa ibon dahil maraming ibon sa ating bansa. Tulad na lamang ng epikong Kudaman
at Manobo ay nakapagsasalita ang ibon at may kapangyarihang makapagpagaling ng
karamdaman, nakalilipad ng matayog, at tumutulong sa nakapagpapaamo rito
Sa
panahon ng pananakop ng Español, nakaabot sa Mexico ang koridong Ibong Adarna
at di kalaunan ay nakarating sa Pilipinas. Ginamit ito ng mga Español sa
pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyanismo na kinapalooban ng katutubong
kaugalian ng mga katutubo sa Pilipinas maitanghal ang natatangi at naiibang
kaligiran nito gayong ito’y banyagang padron.
Kinahumalingang basahin ng mga katutubo ang korido marahil
sa wlaang ibang anyong panitikan ang mababasa maging sa panahong iyon ay
mahigpit ang mga prayle sa pagpapahintulot ng paglilimbag o pagpapalaganap ng
mga iba’t ibang uri ng babasahin. Kinakailangan may kinalaman sa
pananampalataya ang mga akdang ipalilimbag. Naibigan at tinangkilik ng mga
katutubo ang maharlikang pamumuhay sa mga kaharian na mababasa sa mga akdang
pinalaganap ng mga Español na taliwas sa pamumuhay dito sa Pilipinas.
Sa ibang paningin, ang Ibong Adarna ay maituturing na kwentong-bayan
sapagkat walang tiyak na sumulat nito. Maraming palagay tungkol sa Ibong
Adarna: ito ay isalin sa wikang Tagalog, mula sa ibang bansa sa Europa ang
orihinal na pangalan ng akda at hindi na naisama ang pangalan ng may-akda; ang
pangalan ng tagapagsalin ay hindi naisama sa pagpapalathala; sulat-kamay ang
unang salin at hindi nakopya ang pangalan ng naunang nagsalin; hindi tiyak ang
tunay na may-akda nito at pinili ng mga tagapagsalin na hindi na isama ang
kanilang pangalan sa pagpapalimbag. Naging tanyag ang Ibong Adarna sa ating
bansa nang isalin ito sa katutubong wika ibinibenta sa mga perya. Mabilis itong
lumaganap dahil karaniwang palipat-lipat ang perya sa mga bayan kung saan may
pagdiriwang ng pista. Gayumpaman, di ganap ang paglaganap nito dahil maraming
katutubo ang hindi marunong magbasa at ilan kopya ang napalimbag. Di naglaon, itinanghal sa entablado ang Ibong
Adarna gaya ng komedya at moro-moro na napapanood tuwing kapistahan sa bayan. Ang
kasalukuyan nating nababasang korido ay isinaayos na salin ni Marcelo P. Garcia
noong 1949 batay sa kanyang pag-aaral. Maraming anyo ang Ibong Adarna sa paglipas ng panahon. Hinalaw ito
sa pelikula, dulang panradyo, teatro, sayaw at sarisaring pagtatanghal. Nabago
ang nilalaman ng Ibong Adarna nang ito’y inilimbag sa teksbuk dahil sa mga
editor na huwak nito. Nariyan na binago ang anyo nito maging ang pagbabaybay ng
mga salita upang matugunan ang panlasa ng mga mambabasa at nais ng mga publikasyon.
Hanggang ngayon, bahagi pa rin ng kurikulum sa mataas na paaralan ang pagbabasa
at pagtalakay ng Ibong Adarna na nagpapakilala ng kasaysayan ng ating bansa,
kultura, paniniwala, pamumuhay at pag-uugali.
Kahit hindi orihinal sa ating bansa ang Ibong
Adarna, kinikilala itong bahagi ng Panitikang Pilipino gaya ng “Bernardo
Carpio.” Dahil taglay nito ang kaugalian, kultura, paniniwalang Pilipino tulad
ng pagmamahal sa pamilya, magulang, pagpapahalaga sa edukasyon, pananampalataya
sa Diyos, pagtulong sa kapwa lalo na sa nagangailangan, pagpapatawad, utang na
loob at marami pa.
Higit na pinalalaganap ang obrang ito sa patuloy na
pag-aaral sa mataas na paaralan sa ikapitong baitang sa pagpapatibay at
kalinangan ng kulturang Pilipino at kahusayan ng panitikang Pilipino.
PAGHAHAMBING NG AWIT AT KORIDO
Ang AWIT at KORIDO ay dinala ng mga Español sa bansa mula sa Europa. Ang “Ibong
Adarna” ay sinasabing hango sa mga kuwentong bayan sa iba’t ibang bansa sa
Europa tulad ng Germany, Denmark, Romania, Austria, Finlad, at Indonesia. Taglay
ng “Ibong Adarna” ang motif at cycle sa mga kwentong bayan: may sakit
ang inang reyna o amang hari at tanging mahiwagay bagay gaya ng tubig, halaman o
hayop gaya ng ibon ang makapagbibigay lunas sa karamdaman.
Ilan sa mga akda na may pagkakatulad sa “Ibong
Adarna”:
1. Mula ito sa Kwentong “Scala
Celi”. Kinalap ng isang paring Dominiko, na sinasabing katha noong pang 1300.
2. Mula sa Denmark(1696).
3. Mula sa Malayo-Polinesia,sinulat ni Renward Branstetter.
4. Mula sa Hessen, Alemanya (1812)
"The Golden Bird"
5. Mula sa Paderborn, Alemanya
6. Mula sa Vaderbon, isinulat ni Gretchen Wild
ang “Ang Maputing Kalapati” (1808)
7. Mula sa “Isang Libo’t Isang Gabi”
8. Mula sa Malische- Marchen na tinipon ni Paul
Ambruch
Sanggunian:
http://documents.tips/
https://filipinotek.wordpress.com/
Lunes, Disyembre 19, 2016
Responsibilidad ng Paggamit ng Teknolohiya sa Kasalukuyan
Responsibilidad ng Paggamit ng Teknolohiya sa Kasalukuyan
Allan A. Ortiz
(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan kay Bb. Sofie Gerong, Manager, Book Development Department, ABIVA PUBLISHING HOUSE, INC.
851 G. Araneta Avenue, 1113 Quezon City Office: (632) 7120245 local 228, Mobile: 0920-9777998)
Nabubuhay ang tao sa kasalukuyan sa tinatawag
na digital age na ang lahat
ay gumagamit ng mga modernong kagamitan o gadgets.
Malaki ang ginagampanan ngayon ng
teknolohiya sa pamumuhay ng tao. Mas
napadadali nito ang kalagayan o pamumuhay ng tao sa pag-aaral, trabaho,
komunikasyon, negosyo at iba pa. Napakalaking
tulong ito sa pagpapagaan ng buhay ng tao. Gayundin, napakalaking tulong nito
upang mapalaganap ang panitikan Filipino.
Noon ay pasalimbibig na ibinabahagi ang mga
panitikan ng ating mga ninuno hanggang sa paglilimbag upang ito ay mabasa.
Ngayon mabilis na itong naipamamahagi at nababasa sa pamamagitan ng paglalagay sa internet. Higit na naging mabilis at mainam ang pagbabahagi at
pagpapalaganap ng panitikan sa lahat ng tao at sa iba pang panig ng mundo. Sa
tulong ng teknolohiya, gaya ng internet, lalong
nakaaakit sa mga kabataan ang pagtangkilik ng panitikan dahil sa maaari na
rin itong mapakinggan at mapanood. Nagawa na nilang maglathala
ng sarili panitikan sa pamamagitan ng pagba-blog, pagbibigay ng komento,
paglalathala ng kanilang sariling kuwento, noobela at iba pa patungkol sa
kanilang pangarap at karanasan, pag-a-upload ng mga larawan, o video ng
kanilang karanasan at buhay o kilala sa tawag na vlog.
Sa kabilang banda, sobrang kalabisan ang paggamit ng tao ng makabagong teknolohiya at
kagamitan maging ng kanilang kalayaan. Sarisaring suliranin ang umusbong sa
lipunan gaya ng cyber bullying, cyber
crimes, pagnanakaw ng identidad ng ibang tao gamit ang mga social media account at iba pa.
Kung babalikan natin ang panahon nang mauso ang social media sa bansa gaya ng Friendster, Myspace, Hi5, at Multiply ay nagsisunuran ang maraming Pilipino, lalo na ang mga kabataan na magkaroon ng account. Nariyan na mag-add ka ng mga kaibigan dito basta magandang lalaki o babae bibigyan mo ng imbitasyon. Maging ang pagbabasa ng mga testimonials na binibigay ng mga cyber friends mo rito ay iyong inaabangan, pinagyayabang o hindi kaya inihihingi mo sa kaibigan basta may mabasa lamang sa wall mo. Sa paglipas ng mga taon ay nagkaroon pa ng mas maraming social media platforms ang nagsulputan gaya ng Facebook, Instagram, Twitter, Thumber at marami pang iba.
Ayon sa Rapler, sa Pilipinas may 60 milyon -- o 56% ng kabuoang populasyon na nakaka-access sa internet. Taong 2018, inaasahang may 36.2 milyon mula sa 29.88 miyong gumagamit ng Facebook sa Pilipinas kumpara sa karatig bansa sa Asya at sa malalaking bansa gaya ng China ayon naman ito sa ulat sa "Digital in 2017 Global Overview. Taong 2017 nanguna ang bansa sa may pinakamataas na paggamit ng social media. May 4 na oras at 17 minuto ang iginugol ng karaniwang Pilipino sa paggamit ng nito batay sa pagkonsumo ng buwanang paggamit ng data.
Kung babalikan natin ang panahon nang mauso ang social media sa bansa gaya ng Friendster, Myspace, Hi5, at Multiply ay nagsisunuran ang maraming Pilipino, lalo na ang mga kabataan na magkaroon ng account. Nariyan na mag-add ka ng mga kaibigan dito basta magandang lalaki o babae bibigyan mo ng imbitasyon. Maging ang pagbabasa ng mga testimonials na binibigay ng mga cyber friends mo rito ay iyong inaabangan, pinagyayabang o hindi kaya inihihingi mo sa kaibigan basta may mabasa lamang sa wall mo. Sa paglipas ng mga taon ay nagkaroon pa ng mas maraming social media platforms ang nagsulputan gaya ng Facebook, Instagram, Twitter, Thumber at marami pang iba.
Ayon sa Rapler, sa Pilipinas may 60 milyon -- o 56% ng kabuoang populasyon na nakaka-access sa internet. Taong 2018, inaasahang may 36.2 milyon mula sa 29.88 miyong gumagamit ng Facebook sa Pilipinas kumpara sa karatig bansa sa Asya at sa malalaking bansa gaya ng China ayon naman ito sa ulat sa "Digital in 2017 Global Overview. Taong 2017 nanguna ang bansa sa may pinakamataas na paggamit ng social media. May 4 na oras at 17 minuto ang iginugol ng karaniwang Pilipino sa paggamit ng nito batay sa pagkonsumo ng buwanang paggamit ng data.
Ngayong 2020 dala ng pandemya tinatayang nasa 10 oras at higit pa ang paggamit ng mga Pilipino sa social media at internet upang may mapaglibanagan habang naka-lockdown. Sa paggamit ng mga social networking sites, kahit sino ay lumulikha na ng sariling account upang makasunod sa trend ng lipunan. Dahil sa ganitong sitwasyon nagsulputan ang suliranin gaya ng pagnanakaw ng identidad, pagkakaroon ng fake accounts, cyber bullying at ang mainit na pinag-uuspaan ang fake news.
Kung susuriin, dahil sa mga techie ang mga millennials at kabataan sa henerasyong Alpha, ito ay dahil sa mabilis na pag-usbong ng teknolohiya. Mula sa mga computer at laptops at pag-connect sa internet, mas pinabilis ito sa pamamagitan ng smartphones at wifi. Madali na silang maka-access at makapaglikha ng kanilang account. Sa ganitong paraan ay hindi nila binabasa ang mga terms and conditions na nakasaad sa pagsali sa mga social media networks. Kaya kahit batang paslit sa elementarya ay mayroon nito. Idagdag pa natin ang paglikha ng account ng mga magulang sa kanilang mga anak na kapag tumuntong sila sa edad na sa tingin nila ay maaari na silang gumamit ay ibibigay na sa kanila ang ginawang account.
Gayun din ang paglalagay ng mga selfie, na minu-minuto ay naglalagay ang netizens sa sarili nitong mga accounts. Hindi ka pa nakuntento nariyan na ili-link mo pa sa Twitter at Instagram. Pati ang mga isinusulat mo ay hindi maunawaan dahil sa jejemon ito o Taglish o salitang balbal o slang kung tawagin. Isama pa ang mga typo errors, maling bantas at gramatika na nakakainis at nakakasakit ng ulo kapag binasa. Isama pa ang ibinabahaging ang mga post na trending na hindi man lang inalam kung sino ang orihinal na pinagmulan para kilalanin man lang. Maging ang fake news ay ipapasa mo sa iba na hindi man lamang sinuri o binabasa. Dapat natuturuan ang mga kabataan ng netiquette sa paggamit ng social media. Dapat mabatid nila na ang mga ito ay nagagamit rin para sa pambansang layunin para makapagparating ng impormasyon na magbibigay ng kaalaman at solusyon sa umiiral na suliranin sa lipunan.
Bawat social networking site ay may kani-kaniyang tungkulin o gamit nito subalit tila hindi ito lubos na nauunawaan ng mga netizens kaya kung saan-saan na lamang nila inili-link ang kanilang mga post para lamang makakuha ng maraming hits, like o layuning mapusuan ng mga makakakita nito. Ano ba talaga ang pangunahing layunin ng gumagamit nito? Magkaugnay ba ang layunin ng gumagamit sa layunin o gampanin ng social networking sites? Nakatutulong ba ito sa nakararami o pansarali lamang ang hangarin upang matugunan lamang ang pansariling interes?
May kasabihan, anumang labis ay nakasasama. Sa labis na paggamit ng teknolohiya at kalayaan ng tao na magpahayag, tila nalimutan natin ang responsibilidad sa bawat isa. Kapuwa biktima ang tao at teknolohiya kapabayang umiiral sa ating mundo. Nalimutan ng tao ang kahalagahan at layunin sa paglikha ng teknolohiya at paggamit nito ng tama. Marapat lamang gamitin natin ito nang may kaakibat na respoonsibilidad lalo na ng mga kabataan upang pag-aralan ang panitikan, kultura, at pagbabahagi ng pambansang layunin upang palaganapin ito.
May kasabihan, anumang labis ay nakasasama. Sa labis na paggamit ng teknolohiya at kalayaan ng tao na magpahayag, tila nalimutan natin ang responsibilidad sa bawat isa. Kapuwa biktima ang tao at teknolohiya kapabayang umiiral sa ating mundo. Nalimutan ng tao ang kahalagahan at layunin sa paglikha ng teknolohiya at paggamit nito ng tama. Marapat lamang gamitin natin ito nang may kaakibat na respoonsibilidad lalo na ng mga kabataan upang pag-aralan ang panitikan, kultura, at pagbabahagi ng pambansang layunin upang palaganapin ito.
Wikang Sarili 7, Abiva Publishing House, Inc.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)








