Biyernes, Nobyembre 4, 2016

Pagsusuri sa akdang "Pigtas Kong Tsinelas" ni Genaro R. Gojo Cruz

                                          Isang Pagsusuri ni Allan A. Ortiz

(Paalala: Kung gagamitin ang artikulo ay kailangang humingi ng pahintulot sa Abiva Publishing House at makipag-ugnayan sa awtor na si G. Allan A. Ortiz sa allanalmosaortiz@gmail.com)
Upang mabasa ang aksa maaaring bisitahin ang link: https://genarorgojocruz.wordpress.com/2012/10/18/ang-pigtas-kong-tsinelas/



Photo Source: https://blographics.wordpress.com/2010/04/18/iba%E2%80%99t-ibang-mukha-ng-kahirapan/

I.  Pamagat
                                            Ang Pigtas kong Tsinelas
                Ang pamagat ay nagpapahiwatig na ng kahirapan ng isang batang musmos. Mula sa pamagat ay makikitra na natin ang akmang teoryang pampanitikan upang masuri ang akda, teoryang naturalismo. Ipinahihitig ng pamagat ng mahalaga ang bagay na tinukoy sa pamagat sa ating pangunahing tauhan na siyang dapat tuklasin at masuri. 

II. May Akda

 -  Genaro R. Gojo Cruz
                Isang propesor sa Filipino at kasalukuyang nagtuturo sa Don Bosco. Kasalukuyan siyang nakatira sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.

III. Uri ng Akda

                Maikling Kuwento na Makabanghay – kaya ito makabanaghay dahil naka-fokus sa banghay ng kuwento ang diin ng kuwento. Makikita sa banghay nito ang mahahalagang pangyayari na nagdulot ng sakit ng kalooban ng pangunahing tauhan.

IV. Tema o Paksa ng Akda

                Ang tema ng kuwento ay kahirapan. Ang kalunus-lunos na kalagayan ng isang pamilya na iniwan ng padre de pamilya at kinailangan ng isang batang musmos na magbanat nmg buto upang makaahon at matulungan ang ina na may sakit.

V. Layunin ng May-akda

                Layunin ng may-akda na ipadama sa mga mambabasa ang damdamin ng isang bata o anak na iniwan ng ama na nangungulila sa pagmamahal at presensya ng isang ama. Layunin din na ipaunawa at ipadama sa mga mambabasa ang pagnanasa ng isang anak na matulungan ang isang ina sa hirap na diunaranas dahil sa sakit at paghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagtatahi ng basahan na kanyang inilalako. Dito makikita sa musmos na kalagayan ng isang bata ay namulat na siya sa suliraning kinakaharap ng kanyang pamilya na kung saan hindi dapat nito nararanasan.

VI. Mga Tauhan at Karakter sa Akda

Anak – isang bata na nangungulila sa amang iniwan sila ng kanyang ina noong siya’y musmos pa. Anak na mapagmahal at maunawain dahil sa kanyang kamusmosan ay namulat na siya sa pagiging responsable sa pagtulong sa kanyang ina upang ilako ang tinahing basahan nito. Napakita ng anak ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng panalanging gumaling ang ina na kung saan sa puno ng kamatsile niya ibinubuhos ang kanyang nararamdaman.

Ina – Isang mapagmahal at responsableng magulang na kung saan kahit sa kanyang karamdaman ay pinilit nioyang maghanapbuhay para sa kanyang anak. Hindi siya tumigil sa pananahi kahit ito’y masama sa kanyang kalusugan.
Aling Sonya – isang mapagmalasakit na kapitbahay na kahit mahira[pa lamang ang buhay ng mag-ina, hindi siya nag-atubiling tanggihan at bigyan ng ikabubuhay ang ina ng bata upang sila ay mabuhay.

VII.  Mga Tagpuan at Panahon

                Tahanan- isang barung-barong na tirahan ng pangunahing tauhan na nagpapakita ng kalunus-lunos na kalagayan ng mag-ina.
                Lansangan – ang lugar na nilalakuan ng batang lalaki ng kanyang mga basahan na tinahi ng kanyang ina.
                Puno ng Kamatsile – ang natatanging lugar na pinagsasabihan ng batang lalaki ng kanyang sama ng loob at mga nais para sa kanyang ina.

V. Buod
Ang Pigtas kong Tsinelas
Ni Genaro R. Gojo Cruz
(Isang Buod)

      Isang hapon, nadatnan kong sinusumpong ng matinding ubo si Inang. Alam kong malala na ang sakit ni Inang ngunit hindi niya masabi sa akin ang tungkol sa kanyang sakit. Ang lagi niyang sinasabi, ”Mukhang nalamigan na naman ang likod ko.”

     Kung marunong lang sanang gumamot ang punong kamatsile, matagal na sigurong gumaling si Inang. Kapag inaatake ng matinding pag-ubo si Inang, binubulungan ko ang punong kamatsile na tulungan si Inang. Sabi kasi, kayang kunin ng puno ang mga sakit at problema ng tao. Sana kunin niyan ang sakit ni Inang.Kapag gutom ako at mahina ang benta ng basahan, sa ilalim din ng punonng kamatsile ako namamahinga. Kahit paano sumasarap ang pakiramdam ko pagkatapos.

     Nagtitinda ako ng basahan sa Avenida. ’Yung bilog na basahan. Si Inang ang tumatahi ng mga basahang bilog. Kayang-kaya ko na ngang sumabit at tumalon sa dyip kahit paandar na ito. Marami na rin akong suking mga drayber.

      Alam kong masama kay Inang ang pananahi, pero naisip ko, pareho kaming walang kakainin ni Inang kung di siya mananahi ng mga basahan at kung di ko ito ititinda ang mga tinahi niya. Hinihingi niya kay Aling Sonya ang mga retaso.

     Si Itang, matagal ko nang di nakikita. Kahit noon pa, di ko siya nakita. Sabi ni Inang, kubrador daw ng huweteng si Itang sa may Blumentritt.
”Ewan ko kung nagkahulihan ba o napatay ang Itang mo? Pinuntahan ko ’yung nakasama niya na taga-Pandacan, sabi, sabay raw silang umuwi ng Maynila. Pero naipanganak na kita, ’ni anino ng Itang mo, di ko na nakita.”Ayokong isipin na babalik pa si Itang. Kasi ’pag inisip kong babalik pa siya, aasa ako. Mabuti na ang ganito. Mahirap makita ang ayaw nang magpakita.

     Mahirap makaubos ng basahan kapag hindi umuulan. Pero kapag tag-ulan, ang bilis kong makaubos. Makakauwi ako agad at makatutulong pa ako kay Inang.Pero bago ako umuwi ng bahay, may dinaraanan muna ako. Dinaraanan ko ang sapatos sa gilid ng Avenida. Di ko ito sinasabi kay Inang dahil tiyak kong magagalit siya. Tipong-tipo ko ang kulay at parang kay lambot sa paa. Pero alam ko, maubos man lahat ang tinda kong basahan, pati na ang mga retaso sa aming bahay, kulang pa ring pambili ng sapatos na paborito ko.

     Sabi ni Inang dati sa akin,”Anuman ang gusto mo, kailangan mong paghirapan. Masarap makuha ang isang bagay kung pinagsisikapan sa mabuting paraan.”

     Ayaw na ayaw rin ni Inang na mamalimos ako tulad ng ibang bata. Malaks pa naman daw ako at kayang-kaya ko pang magtrabaho.”yung namamalimos daw, mga tamad.

     ”Kapag may gusto ka, pagsumikapan mo. Huwag kang aasa sa iba,” ang laging bilin sa akin ni Inang.

     Minsan, nanaginip ako. Umuulan daw ng sobrang lakas, tumaas nang tumaas ang tubig hanggang sa kailangang gumamit ng bangka ang mga tao. Tapos, ang basahang bilog namin ni Inang ang naging bangka namin. Maraming tinangay. Nakita ko ’yong sapatos sa may Avenida na palutang-lutang sa maitim na tubig. Mula noon, di ko na dinadaanan ang sapatos na paborito ko.

     Isang hapon, umuwi akong pigtas ang kapareha ng isang tsinelas. Si Inang lagi ang nagdurugtong nito. Habang pinaghaharian ng usok ng ilawang gasera ang aming bahay, nakita ko kung paano muling pinagdurugtong ni Inang ang aking tsinelas. Kapag pigtas ang akong tsinelas, si Inang ang laging nagdurugtong. Hindi dahil sa walang ibang magdurugtong nito, kundi gusto ko. Saan man ako mapunta sa pagtitinda ko ng mga basahan, hindi ako mapapahamak. Lagi kong inaalala, si Inang ang nagdugtong ng aking tsinelas.

    Pudpod na nga ang aking tsinelas, may butas na rin ito sa bandang sakong pero di ako humihiling ng bago kay Inang. Swerte sa ’kin ito kahit ilang beses ng idinudugtong.

     Kapag mahina ang benta, pinakikiramdaman ko ang aking tsinelas. Tapos, unti-unti, dadalhin niya ako sa lugar na maraming naghahanap ng basahan.. Alam ko, iniingatan din ako ng aking lumang tsinelas sa pagsabit at pagtalon ko mula sa dyip. Isang araw, umuulan din noon. Malapit nang maubos ang basahan nang makadama ako na parang pinauuwi na ako ng aking tsinelas. Hinahatak na nito ako. Hingal na hingal akong dumating sa aming bahay. Walang pinag-iba ang aming bahay. Pinaghaharian pa rin ng usok ng ilawang gasera. Nakakahilam ang usok. Pero may tao. Si Aling Sonya.Nakaharap sa kahong hindi ko alam kung ano.

     ”Kanina, nagpunta ang iyong Inang sa aking patahian. Himihingi siya ng mga retaso. Hindi pa siya nakalalayo, nabuwal na. Isinugod namin sa ospital ang iyong Inang. Doon na siya nalagutan ng hininga. Sabi ng Doktor, matindi na ang sakit niya. Ibinilin ka ng iyong Inang sa akin, bago siya tuluyang namaalam.’

     Sa ilalim ng punong kamatsile, ibinuhos ko ang lahat. Gusto kong umiyak, umiyak nang umiyak pero walang luhang lumabas sa aking mga mata. Bakit si Inang pa ang nawala?

     Sa loob ng kanyang ataul, tiningnan ko si Inang. Hanggang sa huli, wala pa ring kulay ang kanyang mukha. Hindi gaanong nakatikom ang kanyang bibig. Siguro, may gusto pa siyang sabihin at ibilin sa akin.

      Nilibot ko ng tingin ang buong bahay. Pakiramdam ko, di talagang umalis si Inang. Matiyaga pa rin siyang nag-iipon ng maliliit na retaso at saka niya papasadahan ng tahi. Parang naririnig ko pa rin ang maingay at luma niyang makina. Ang kanyang pagpedal. Ang kanyang pag-ubo.

     Pinagmasdan ko ang lumang tahian, ang tanging kagamitan namin ni Inang. At sa ibabaw ng mga gawa ng basahang bilog, nakita ko ang isang bagong pares ng tsinelas na nakaplastik pa.

     Noon tuluyang umagos ang luha sa aking mga mata. Alam ni Inang ang lahat ng kailangan ko. Nadarama niya ang lahat. Bigla kong hinanap si Inang.

      Sa labas, nakita ko ang mabilis na pangingitim ng mga ulap. At nagsimula uling bumuhos ang malakas na ulan.

     Paalam Inang....

VI. Pinakamagandang Pangyayari

                Kung marunong lang sanang gumamot ang punong kamatsile, matagal na sigurong gumaling si Inang. Kapag inaatake ng matinding pag-ubo si Inang, binubulungan ko ang punong kamatsile na tulungan si Inang. Sabi kasi, kayang kunin ng puno ang mga sakit at problema ng tao. Sana kunin niyan ang sakit ni Inang.Kapag gutom ako at mahina ang benta ng basahan, sa ilalim din ng punonng kamatsile ako namamahinga. Kahit paano sumasarap ang pakiramdam ko pagkatapos.

                 Nagtitinda ako ng basahan sa Avenida. ’Yung bilog na basahan. Si Inang ang tumatahi ng mga basahang bilog. Kayang-kaya ko na ngang sumabit at tumalon.

                  Isang hapon, umuwi akong pigtas ang kapareha ng isang tsinelas. Si Inang lagi ang nagdurugtong nito. Habang pinaghaharian ng usok ng ilawang gasera ang aming bahay, nakita ko kung paano muling pinagdurugtong ni Inang ang aking tsinelas. Kapag pigtas ang akong tsinelas, si Inang ang laging nagdurugtong. Hindi dahil sa walang ibang magdurugtong nito, kundi gusto ko. Saan man ako mapunta sa pagtitinda ko ng mga basahan, hindi ako mapapahamak. Lagi kong inaalala, si Inang ang nagdugtong ng aking tsinelas.

                    Pudpod na nga ang aking tsinelas, may butas na rin ito sa bandang sakong pero di ako humihiling ng bago kay Inang. Swerte sa ’kin ito kahit ilang beses ng idinudugtong.

VII. Kakalasan (Falling Actions) o Kasukdulan ( Climax ) 

                Isang araw, umuulan din noon. Malapit nang maubos ang basahan nang makadama ako na parang pinauuwi na ako ng aking tsinelas. Hinahatak na nito ako. Hingal na hingal akong dumating sa aming bahay. Walang pinag-iba ang aming bahay. Pinaghaharian pa rin ng usok ng ilawang gasera. Nakakahilam ang usok. Pero may tao. Si Aling Sonya.Nakaharap sa kahong hindi ko alam kung ano.
                                Sa ilalim ng punong kamatsile, ibinuhos ko ang lahat. Gusto kong umiyak, 

umiyak nang umiyak pero walang luhang lumabas sa aking mga mata. Bakit si Inang pa ang nawala?

                                 Sa loob ng kanyang ataul, tiningnan ko si Inang. Hanggang sa huli, wala pa ring kulay ang kanyang mukha. Hindi gaanong nakatikom ang kanyang bibig. Siguro, may gusto pa siyang sabihin at ibilin sa akin.

VIII Pag-uugnay sa Kasalukuyan

                Ang kalunus-lunos na kalagayan ng pamilya sa lungsod ay natural na sa kasalukuyang panahon. Marami sa mga pamilyang ito ay iniwan ng mga ama ng tahanan upang sumama sa ibang pamilya upang takasan ang responsibilidad o ang takasan ang suliranin at maakamtan ang kaginhawahaan sa ibang tao ng lipunan.

                Ang mga bata sa lansan ay nagkalat sa ating kalunsuran. Ang ilan sa kanila ay nagtitinda ng sigarilyo o basahan upang pagkakitaan. Marami sa atin ay hin di alam ang kuwento s alikod ng buhay ng mga batang ito ngunit isa ang pangunahing dahilan ng gannitong kalagayan, ito ay kahirapan.

                Marami sa mga pamilyang ito ay sumisinding na lamang sa mga kapitbahay na may malasakit sa kalunus-lunos na buhay ng mga pamilyang kagaya ng nasa akda. Ang ilan sa kanila ay namamasukan, naglalabada o dahil sa kakayahan na manahi, kumukuha ng mga retaso upang gawing basahan at ibenta upang pagkakitaan. Hindi lahat ng mga kapitbahay ay ganito, marami sa atin ay walang pakialam sa mga pamilyang naghihirap. Kung titingnan, mas mainan na tulungan ang mga taong hangad ay kumita sa pamamagitan ng lakas o talentong kanilang tinataglay kaysa sa mga taong may kakayahan ngunit inaasa sa iba ang kanilang ikinabubuhay.

                Marami sa mga pamilya ang nawawalan ng magulang dahil sa paghahanapbuhay at sakit dulot ng trabaho. Hindi sila makabili ng gamot para ipanustos sa sakit dahil ipanlalaman na lamang sa kanilang sikmura ay ilalaan pa nila sa gamot. Ang kanilang pananaw sa ganitong sitwasyon mabuti pang unahin ang laman ng tiyan at hindi ang kung anuman gaya ng gamot. Mahalaga sa mga mahihirap na pamilyang ito ang pagkain sa araw-araw. Kahit na isantabi ng pangarap na makapagtapos sa pag-aaral ang kanilang anak at ang anak ang siyang tutulong sa paghahanapbuhay ng magulang.

IX.   Mga Kasipan

-Huwag iasa sa iba ang ikabubuhay ng pamilya. Gamitin ang lakas at kakayahan upang mabuhay.
-  Gagawin ang lahat upang ipamalas sa ina o anak ang kanyang pagmamahal.
- Maging maparaan sa lahatn ng mga bagay.
- Matutunanng magtiis sa anumang bagay o suliraning pinagdaraanan. Gawin itong sandigan ng kalakasan ng kalooban upang makaahon.

X.  Mga Pangungusap o Pahayag na may malalim na pakahulugan

                Pinagmasdan ko ang lumang tahian, ang tanging kagamitan namin ni Inang. At sa ibabaw ng mga gawa ng basahang bilog, nakita ko ang isang bagong pares ng tsinelas na nakaplastik pa.
-          Ipinahihiwatog o ipinakahuhulugan nito na mahalaga sa kanya ang gamit na ginagamit ng kanyang ina. Ang bagay na maaaring nagpapaalala sa kanyang ina. Ang nakitang tsinelas ay indikasyon na ang labis na pangarap ng bata na maghangad ng tsinelas ngunit di makaibigay dahil sa kalagayan sa buhay. Ito ay nakita niya na di inaasahang bibilihin ng ina sa kabila ng iniinda nitong sakit. Ipinakikita ang kahalagahan ng isang ina sa kanyang anak; ang pangangailangan ng anak kaysa sa pangangailangan niya. Hindi makasarili ang ina. Tulad ng kasabihan 
                        Hindi kayang tiisin ng magulang ang isang anak…
                  Sa ilalim ng punong kamatsile, ibinuhos ko ang lahat. Gusto kong umiyak, umiyak nang umiyak pero walang luhang lumabas sa aking mga mata. Bakit si Inang pa ang nawala?

-                                      Ang puno ng kamatsile ay maaaring nagpapakita ng relasyon sa pangunahing tauhan. Ito ang kanyang hingahan ng loob s atuwing siya’y dumadaing. Kagaya ng isang kaibigan, ang kaibigan ang nakikinig at nakikidalamhati sa kung ano mang pinagdaraanan natin sa. Sa buhay ng batang lalaki, ang puno ng kamatsile ang kanyang nagging takbuhan, kaibigan sa mga panahong kailangan niya.
Pudpod na nga ang aking tsinelas, may butas na rin ito sa bandang sakong pero di ako humihiling ng ag okay Inang. Swerte sa ’kin ito kahit ilang beses ng idinudugtong.

-                                           Ang tsinelas ay mahalaga sa batang lalaki dahil ito ang nagsisilbing katuwang niya sa kanyang paghahanapbuhay. Nagpapakita rin ito ng relasyon ng magulang at anak. Ang ina ang kumukumpuni at nagdidikit nito sa tuwing nasisira ito. Ganoon pahalagahan ng bata ang tsinelas kahit wala nang silbi at sira na basta ito at kinumpuni ng ina, ang pinahahalagahan ng bata ay ang pagsisikap ng ina na muli itong maiayos at magamit. Nagpapakita rin ito ng kalagayan ng mag-ina sa lipunang kanilang ginagalawan, ang kahirapan.

XI. Teoryang Pampanitikan

           Teoryang Naturalismo

           Ang naturalismo ay matatagpuan sa mga akdang pampanitikan na karaniwang may simpleng tauhan na may di-mapigil na damdamin – karaniwan nasa lugar (milieu) na marumi, masusukal, at mapaniil – halimbawa ay slums o kaya ay daigdig ng mga criminal. Ipinapakita ang mga kasuklam-suklam na mga detalye. Ipinapakita na ang buhay ay tila isang marumi, mabangis, at walang awing kagubatan.

           Malinaw  na ipinakitra sa akda ang kalunus-lunos na kalagayan ng tauhan sa akda. Sa kanilang munting dampa na tinawag nilang tahanan ay makikita ang kaawa-awang kalagayan ng mag-inang nagsusumikap na makaahon s apang-araw-araw nilang buhay.

          Makatuon ang teoryang ito bilang isang nilikhang kumikilos at nag-iisip sa batas ng kanyang kalikasan. Ang batas ng kanyang kalikasan ay mabuhay. Kinakailangan ng pamilya ng batang lalaki na mabuhay. Kung hin di siya kikilos ay walang mangyayari sa kanila ng kanyang ina. Sa kamusmusan ng bata ay namulat siya sa kalagayan ng kanyang pamilya na tumulong, magbanat ng buto, magtiis at magpigil sa anumang nais. Nawala sa kanya ang pagiging isang bata. Ang maranasan na makapaglaro at makapag-aral. Imbis na ito ang kanyang maramasan, kinailangan niyang magbanat ng buto upang tulungan ang ina sa kanilang ikinabubuhay.

            May iba’t ibang inaasal at kinikilos ang bawat tao sapagkat iyon ang kanyang kalikasan bilang tao. Ang tao ay likas na matalino. Dahil sa mga sitwasyon at kalagayang kanilang nararanasan at nararamdaman, ditto tumatakbo ang kanilang isipan na gawin ang mga bagay na karapat-dapat. Gaya ng ginawa ng bata. Dahil sa manulat siya sa kanilang buahy na mahirap, kinailangan niyang magtrabaho at tumulong sa kanyang ina. Ang ina kahit may sakit at marunong tumahi ay ginawa ang paraan gamit ang kanyang talino upang mabuhay sila ng kanilang anak. Hindi nila naisip na gumawa ng masamang bagay upang mabuhay. Isang kalikasan ng tao na gawin pa rin ang tama kahit sa nararanasang hirap. Hindi sila kumapit sa patalim kahit na ito ay mainan na solusyon sa kanilang problema.

              Nangingibabaw sa mga tema ang pagtatanggol sa sarili, karahasan, paglabag sa mabuting asal o kinamulatang tradisyon at iba pa. Sa ganitong kalagayan ng naturalismo, ipinakita na kahit na iniwan ng ama ay nagpatuloy pa rin ang buhay ng mag-ina. Kahit umaasa ang bata na makikita pang muli ang ama. Dala rin sa buhay lansangan, makikita ang mga kilos at asal ng isang batang lansangabn sa batang lalaki. Ang pagsakay sa istribo ng mga jeep, isang kalagayan na hindi dapat ginagawa ng isang bata dahil ito’t mapanganib. Gayunman, natural sa mga batang lansanagan ang gawin ang mga bagay na ito dahil ito ang idinidikta ng kanilang iniinugang mundo, ang lansangan. Sa lansangan din matututunan ang kagaspangan ng pag-uugali kahit hindi ito ipinakita sa kuwento ay sapat na rin na ipakita ng akda ang kalagayan ng isang bata sa panganib na dala ng lansangan. Ano nga ba ang nilabag na pag-uugali o tradisyon sa kuwento? Isa lamang ang nakita ko, ang panalangin  ng isang bata sa puno ng kamatsile na sa tuwing nakikita niyang naghihirap ang kanyang ina sa sakit nito ay dumudulog siya sa puno ng kamatsile. Dito makikita na walang kinilalalng Panginoon ang bata. Sa tuwiong tayo ay may suliranin sa Diyos tayo humihingi ng tulong.

                Pinag-aaralan ang kalikasan ng tao nang obhetibo at hindi hinahaluan ng damdamin o pangaral.Hindi pinamalas ng akda ang pangangaral ngunit ang obhetibo nito bilang isang mahirap na mabuhay at lumaban sa suliraning dulot ng kahirapan. Natural sa tao na lahat ay gagawin upang mabuhay. Sa lahat ng paraan kahit kumapit sa patalim. Dahil sa mahirap na kalagayan ng buhay ng tao sa kasalukuyan ang iba sa atin ay nasasangkot na sa mga masasamang gawain upang maipantawid lamang sa pang-araw-araw.


June 21, 2012

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento