Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Sino ang dapat iboto sa Halalan?

Allan A. Ortiz

                Tuwiring sasapit ang panahon ng halalan, ang mga politiko ay may kani-kaniyang paraan ng pagpapabango ng pangalan sa publiko. Nariyan ang nagkalat na posters kung saan-saan na nagpapapangit at nagpaparumi ng paligid. Sarisaring mga patalastas sa telebisyon na ibinibida ang kanilang plataporma, proyektong matagumpay na naipatupad, gayundin ang patutsadahan sa mga karibal na politiko; paglalabas ng mga kasiraan ng mga katunggali sa posisyong hinahangad maibalik, upang manatili muli o kaya maitaas ang puwesto sa pamahalaan.

                Ang sambayanan ay tila nahihilo at nabubulagan sa mga mababangong pangako ng mga politiko, naniniwala sa mga patutsadahan at mga impormasyong naririnig ngunit hindi batid kung saan ito nagmula o totoo ang mga ito.

                Maraming halalan na ang nagdaan ngunit nararamdaman ba ng ating bansa ang mga pangako ng pagbabago na binitawan ng mga politiko noong panahon ng halalan? Hindi pa ba natututo ang mga Pilipino sa pagpili ng mga mamumuno sa ating bansa?

                Ayon sa Kawikaan 29:2 MBB “Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.”

                Upang makamit ang pangakong ito ng Panginoon, dapat na pumili tayo ng tamang pinuno na mananahala sa ating bansa. Paano ba pumili ng karapat-dapat na pinuno? Narito ang ilang gabay para sa ating mga kababayan upang hindi tayo magkamali sa ating pagpili.

                Ang isang kandidato ay may katangiang taglay upang mamahala siya nang wasto na naayon sa kalooban ng Panginoon. Dapat nangunguna sa kanyang katangian ang kanyang pagiging isang mabuting tagasunod ng Panginoon. May takot sa Diyos, siniskap na namumuhay ayon sa Salita ng Panginoon, Ang kanyang mga desisyon ay hindi naayon sa kanyang pansariling hangarin bagkus ay batay sa kalooban ng Diyos para sa ikararangal Niya at sa ikapakikinabang ng nakararami.

                 May pagpapahalaga at respeto sa buhay, pamilya, magulang, batas, kapangyarihan, simbahan at lipunan. Pinanatili niya ang kanyang dignidad at karapatan hindi para sa sarili bagkus para sa lahat.  May malasakit sa kapakanan ng dukha at aba dahil sila ang tunay na nangangailangan.  

Pangunahing proyekto ng isang mahusay na pinuno ay ang pamilya. Ang sentro ng ating lipunan ay pamilya. Kapag sira ang pamilya sila ang lipunan. Maraming krimen na nangyayari sa ngayon at ito ay dahil sa maling prinsipyo, paniniwala at pagpapalaki sa loob ng tahanan. Maraming mga kabataan ang nabubuntis at hindi alam ang tamang pagpapalaki ng anak. Dapat lamang bigyan ng pansin ito ng susunod na pinuno. Kung magiging maganda at mabuti ang lahat ng pamilya ay bubuti ang lahat. Marapat lamang na may programa na paghubog sa relasyyon sa loob ng tahanan at masisimulan ito kung ang kanailang sinusunod ay kung ano ang naayon sa Banal na Kasulatan. Dapat ang mga magulang ay may malalim at malawak hindi lamang kaalamang bagkus malalim na pag-unawa at karungungan sa Salita ng Diyos sa Bibliya. Ito ang magiging sandigan ng pamilya upang maging isa at mabuti ang mga tahanan.


                May puso sa kanyang kapwa ang isang karakter ng isang politiko. May pagmmamahal at malasakit sa kanyang mga kababayan. (Lukas 14:13-14 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”)

May pagKarakter ng isang mabuti, tapat at matuwid na pinuno ay malinaw sa kanya ang tama at mali; makatarungan siya sa lahat ng bagay; walang kinikilingan at matapang sa ipinagtatanggol at ipinatutupad ang tama. May malinis siyang pamumuhay, maayos na pamilya, hindi nasasangkot sa anumang katiwalian, paglabag sa batas, anomalya, pagnanakaw at hindi maipaliwanag na kayamanan,  walang babae o lalaki, walang bisyo sa alak, droga, sugal at iba pa. Hindi dahil sa sikat ang isang tumatakbong kandidato o dahil s anagbigay siya ng karangalan sa bansa o galing siya sa hirap ay nararapat siya sa posisyon. Huwag tayong magpadala sa mga ito bagkus siyasatin  nating mabuti ang bawat detalye ng impormasyon tungkol sa kandidato. . Tingnan natin kung mabuti ang kanyang magagawa o may nagawa na siya kung nagkaroon na siya ng posisyon sa pamahalaan.

                Isa pang katangiang nararapat taglayin ng isang mabuting pinuno ay ang pagmamahal niya sa kanyang bayan. May pagpapahalaga sa kasaysayan ng ating bansa at kultura. Kahit nasapanahon na tayo modernisasyon at teknolohiya ay hindi dapat nililimot ng mga pinuno ang kanyang pinagmulan at kinagisnang kultura. Ito ang nagiging sandigan ng ating pagkakakilalanlan sa iba pang lahi. Ang pagbibigay importansiya sa kasaysayan ng ating bansa  ang nagtuturo sa ating mamamayan kung paano tayo dapat mamuhay, mag-isip at kumilos para sa ating bayan. Ang pagmamalasakit sa pagpapanatili, pagpapaunlad at pagpapatibay ng kasaysayan at kultura ng ating bansa ay indikasyon na may pagmamahal siya sa bayan. Karugtong nito ang pag-iingat sa likas na yamang taglay ng ating bayan.  Hindi niya hahayaan ang mga mauunlad na bansa ang siyang maghari-harian at magpasunod sa ating gobyerno upang gamitin ang ating likas na yamana na ang dapat lamang unang makinabang nito ay tayo. At sino pa ang mangangalaga ng itinalaga ng Panginoon sa ating ito kundi tayo rin. Huwag din isantabi ang pagpapayaman sa ating wika na sa mga nakalipas na panahon ay hindi na binibigyang halaga n gating gobyerno ang pagpapayaman nito. May pagkakataon pa ngang isang pangulo na nagbigay ng kautusan na binibigyang halaga ang banyagang wika bilang pangunahing wikang gagamitin at ang makontrobersiyang pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo.

                Kaugnay sa pagpapahalaga sa mahihirap, dapat may mga malinaw at pangmatagalang programa  ang isang kandidato para sa magsasaka, mangingisda, karaniwang manggagawa, kawani ng pamahalaan, mga may kapansanan, sa mga senior citizen.

                Ang ating bansa ay isang agrikultural na bansa na nararapat lamang na binigyan ng pangmatagalang programa ang sektor ng pagsasaka. Isang kabalintunaan na nasa ating bansa ang International Rice Research Institute (IRRI) na kung saan tayo ang nangungunang bansang nag-aangkat ng bigas sa Cambodia, Vietnam at Malaysia na kung saan tayo ang nagturo sa kanila ng mga makabagong paraan sa pagsasaka at pag-aaral sa mabuting uri binhi ng palay. Ang mga lupaing sakahan ay ginagawan nang pang-industriya kaya nagkukulang na tayo ng lupaing sakahan. Paano mabubuhay ang mga tao kung sinimento na ang mga lupaing taniman?

                Isang arkepelago ang ating bansa na ibig sabihin ay pinalilibutan ang ating kalupaan  ng anyong tubig. Isa sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga Pilipino ay ang pangingisda. Nararapat lamang pinatutupad ang mga batas na mangangalaga sa ating mga karagatan at mga anyong tubig. Bigyan din pansin kapakanan ng mga mangingisda pagdating sa kaligtasan at kalusugan at iba pa.

                Kung ibig paunlarin ng ating mabubuting pinuno ang rural na lugar sa ating bansa, dapat lamang pinagpaplanuhang mabuti ang ito na kung saan mabibigyang ng pag-asenso at oportunidad ang mga kababayan natin sa kanayunan bagkus ay napanatili pa rin ang kabuhayan doon at napangalagaan ang kagandahan ng kalikasan na hindi sinisira bagkus pinangangalagaan at prinoprotektahan. Hindi tulad ng plano nilang reklamasyon sa Manila Bay na ikasisira ng ating likas yaman. Oo, maganda ang idudulot nito at malaking ipapasok na pera sa pamahalaan ngunit ang masamang idudulot nito ay napag-isipan ba nila o inisip nila ang pansariling interes at kikitain ng politico sa ganitong proyekto?

                Ang lahat ng ito ay kailangan na maisagawa sa pamamagitan ng kakayahan at abilidad.  Dapat ang isang pinuno ay may kaalaman at nakamit na edukasyon. Subok na ang karanasan sa paglilingkod at pagsasagawa ng isang tungkulin. Matatag ang loob na kabakahin ang lahat ng hamon ng isang pagiging lider na nagpapatupad ng batas at tagasunod ng batas.
               
                Ang lahat ng katangiang ito ay mahirap hanapin sa iisang kandidato. Ngunit may paraan upang makita natin ito. Nararapat nating unang gawin ay ipanalangin natin sa Panginoon na gabayan tayo sa pagpili ng pinuno sa darating na halalana. Bigyan rin ang bawat isa sa atin ng karunungan upang makita ang katotohanan at katangian ng isang kandidato upang hindi tayo magkamali sa pagpili.

                Matapos ng halalan at mailuklok na ang mga pinuno ng ating bansa, tayo naman ang may tungkulin sa pamahalaan lalo na sa Panginoon. Ayon sa Roma 13: 1-7 1Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. 2Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinakda ng Diyos; at sila'y paparusahan. 3Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. 4Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa. Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.
6Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin.7Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.

           Ang pagsunod sa pamahalaan ay pinagpapala ng Panginoon.  Dapat natin sundin ng buong katapatan ang ipinatutupad ng ating pamahalaan dahil ito’y pagsunod sa kalooban ng Diyos.

April 12, 2016

11:05 AM

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento